backup og meta

Sintomas Ng RSV Sa Mga Bata: Heto Ang Dapat Mong Malaman

Sintomas Ng RSV Sa Mga Bata: Heto Ang Dapat Mong Malaman

Minsan, ang mga sintomas ng RSV sa mga bata ay nagbibigay sa mga magulang ng akala na may common cold virus lang ang kanilang anak. Narito ang dapat mong malaman tungkol sa Respiratory Syncytial Virus.

Ano Ang Respiratory Syncytial Virus?

Ang Respiratory Syncytial Virus o RSV, ay isa sa pinakakaraniwang sanhi ng bronchiolitis sa mga bata. Ang Bronchiolitis ay pamamaga sa maliliit na daanan ng hangin sa baga (bronchioles). Bukod pa dyan, karaniwan din itong sanhi ng pneumonia sa maliliit na sanggol. Maraming mga bata ang naaapektuhan ng virus na ito at least isang beses bago ang kanilang ikalawang kaarawan. 

Pakatandaang kahit ang mga matatanda ay pwedeng mahawahan ng RSV. Ngunit sa kanila (maging sa mga malulusog na batang lagpas 2 taon na ang edad), para lang silang may sipon. Mas nakaaalarma naman ang mga sintomas naman ng RSV sa mas bata, lalo na sa mahihina ang immune system.  

Sobrang nakahahawa ang RSV. Nakukuha ito madalas ng mga sanggol sa matatanda o mga batang nahawa sa paaralan. Pumapasok ang virus sa mata, bibig, at ilong ng bata sa pamamagitan ng:

  • Person-to-person contact. Nangyayari ito sa pamamagitan ng contact at droplet transmission (laway, sipon, at sa mga lumalabas sa ilong)
  • Maruruming bagay. Nananatili ang virus sa mga gamit o sa mga surface nang hanggang 6 na oras.
  • Maruruming kamay. Nananatiling buhay ang RSV sa maruruming kamay nang hanggang kalahating oras.

Sino Ang Mas Nasa Panganib Ng Pagkakaroon Ng RSV?

Bagaman lahat ay pwedeng mahawa ng virus, may ilang kondisyong nagiging dahilan upang lalong malagay sa panganib ang bata sa sakit na ito. Mas malaki ang panganib na mahawa ng RSV ang mga bata at maliliit na sanggol kung sila ay:

  • Ipinanganak nang premature o mababa ang timbang
  • 6 na buwang gulang pa lang o mas bata pa
  • May mahinang immune system o may iniinda nang kondisyong pangkalusugan
  • Nasa edad na mas mababa pa sa dalawang taon, na may sakit sa puso o sakit sa baga
  • May neurological disorder, lalo na kung ito ay nagdudulot ng hirap sa kanila sa paglunok at tanggalin ang sipon o plema
  • May Down syndrome
  • Na-expose sa secondhand smoke

sintomas ng rsv

Mga Sintomas Ng RSV Sa Mga Bata —Hindi Lang Basta Sipon

Kung naranasan ng anak mo ang mga nabanggit na panganib sa itaas, dapat mong bantayan nang mabuti ang mga sumusunod na senyales at sintomas.

Una, tingnan kung may mga senyales ng sipon. Sa mga batang nakikitaan lamang ng mga senyales ng sipon ay maaaring bumuti ang pakiramdam sa pamamagitan ng home remedies. Gayunpaman, kung ang mga sintomas ng sipon ay may kasama o nasundan ng mas malalamang mga senyales, saka ito mangangailangan ng medical care.

Mga Malasipong Sintomas Ng RSV Sa Mga Bata

  • Tumutulong sipon
  • Mild headache
  • Sore throat
  • Dry cough
  • Low-grade fever
  • Masamang pakiramdam
  • Pagbabahing
  • Nawawalan ng ganang kumain
  • Pananakit ng tainga
  • Sa mga sanggol, mapapansin ang pagiging iritable, matamlay, at pahinto-hintong paghinga.

Karamihan sa mga bata ay magkakaroon lamang nga mga sintomas na nabanggit sa itaas. Gayunpaman, may ilang makararanas din ng malulubhang sintomas ng RSV sa mga bata.

Malulubhang Sintomas Ng RSV Sa Mga Bata

Sa RSV, ang mga cold-like signs ay maaaring mag-progress o sabayan ng mga sumusunod na malulubhang sintomas. Totoo ito lalo na para sa batang may mga panganib na nabanggit sa itaas. Dagdag pa, ang mga sintomas na ito ay kaugnay ng bronchiolitis, isa sa mga sakit na dulot ng RSV. 

  • Maikli, mababaw, at mabilis na paghinga
  • Paglaki ng butas ng ilong habang humihinga (flaring of nostrils)
  • Wheezing (kapag nakarinig ka ng matinis na tunog ng sipol habang humihinga)
  • Belly breathing; mapapansin ito sa pamamagitan ng pagtingin sa pagbagsak ng dibdib at ang formation ng baliktad na “V” sa ilalim ng leeg. Nangangahulugan ito na pinipilit ng batang makahinga.  
  • Cyanosis (nagkukulay asul ang mga kuko at labi)
  • Mataas na lagnat
  • Paggalaw ng ulo mula taas pababa na may kasabay na paghinga

Kailangan Kailangang Humingi Ng Medikal Na Tulong

Dahil maaaring mauwi ang RSV sa mga komplikasyong tulad ng pneumonia, middle-ear infection, at asthma, mahalagang dalhin ang iyong anak sa doktor kapag:

  • Napansin mo ang ANUMANG malubhang sintomas ng RSV sa mga bata. Lalong bigyang pansin ang mataas na lagnat, cyanosis, at mga senyales ng hirap sa paghinga.
  • May mga senyales ng dehydration, lalo na sa mga sanggol. Pwede mo itong ma-check sa pamamagitan ng pagbibilang ng nagagamit niyang diapers. Kung wala pang 1 diaper sa kada walong oras ang nagagamit, pwedeng senyales ito ng dehydration. 

Home Management

Karamihan sa mga kaso, mild lamang ang mga sintomas ng RSV sa mga bata at pwedeng mabantayan sa bahay. Kung nagkaroon sila ng milder signs, pwede mong:

  • Gawin silang komportable hangga’t maaari.
  • Bigyan sila ng maraming fluids kung sila ay higit anim na buwan na ang edad. Tiyaking bigyan sila nito nang kaunting dami lamang. Ang kaunti ngunit madalas na pagpapakain ay makatutulong din.
  • Mas madalas silang bigyan ng kaunting dami ng breast milk o formula milk.
  • Hikayatin silang magpahinga upang gumaling nang mas mabilis
  • Sabihan silang isinga ang sipon. Kung masyado pa silang bata para gawin ito, pwede kang gumamit ng nasal aspirator. 
  • Gumamit ng cool-mist humidifier, kung maaari. Nakatutulong ito upang “i-breakdown” ang mucus. 

Pag-Iwas

Ngayong may pangkalahatang kaalaman ka na tungkol sa mga sintomas ng SRV sa mga bata, oras na para matutunan kung paano makaiiwas dito. Upang protektahan ang iyong anak na mahawa ng RSV, pwede mong gawin ang mga sumusunod:

  • I-breastfeed ang iyong baby. Nakapabibigay ang breast milk ng antibodies na nagpoprotekta sa kanila sa mga impeksyon.
  • Protektahan ang iyong mga anak sa mga tanong may sintomas ng sipon. Kabilang dito maging ang iba pang mga anak at ilang mga malalapit na kaanak. Umubo at bumahing malayo sa inyong mga anak at gumamit ng disposable tissues.
  • Ugaliin ang madalas na paghuhugas ng mga kamay. Maghugas muna ng kamay bago humawak o buhatin ang iyong anak. Gawin din ito bago maghanda ng pagkain at pagkatapos umubo o humawak ng mga posibleng kontaminadong bagay. Sabihan din ang iba na madalas na maghugas ng kamay, lalo na kung inaalagaan nila ang maliliit mong anak. 
  • Hugasan ang mga laruan ng iyong anak. Gawin ito upang maiwasan ang pagkalat ng RSV. 
  • Linisin at i-disinfect ang madalas na mahawakang surfaces. Linisin ang mga door knobs at counters na madalas hawakan ng mga bata.
  • Ibukod ang mga gamit ng iyong anak. Huwag ipapahiram ang mga gamit gaya ng washcloths, damit, kubyertos, at baso sa magkakapatid. Ipaalala sa mas nakatatandang kapatid na huwag gagamitin ang toothbrush at pacifiers ng kanilang kapatid. 
  • Protektahan ang iyong mga anak mula sa usok ng sigarilyo. Maaari itong magdulot sa kanila ng ilang respiratory issues at lalong makararanas ng mga sintomas ng RSV sa mga bata. 

Mahalagang Tandaan

Lubos na matutukoy sa mga sintomas ng RSV sa mga bata kung kailangan silang dalhin sa ospital. Napakakaunti ng mga batang kailangang ma-confine sa ospital, ngunit kung mangyari man, maaaring mangailangan sila ng oxygen treatment upang matulungan silang huminga. Pwede rin silang bigyan ng doktor ng intravenous fluids na makatutulong sa hydration.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Respiratory Syncytial Virus (RSV) in Children, https://www.cedars-sinai.org/health-library/diseases-and-conditions—pediatrics/r/respiratory-syncytial-virus-rsv-in-children.html#:~:text=Symptoms%20start%20about%202%20to,to%20a%20severe%20respiratory%20disease., Accessed June 22, 2020

RSV: When It’s More Than Just a Cold, https://www.healthychildren.org/English/health-issues/conditions/chest-lungs/Pages/RSV-When-Its-More-Than-Just-a-Cold.aspx, Accessed June 22, 2020

Respiratory Syncytial Virus (RSV), https://www.nationwidechildrens.org/conditions/respiratory-syncytial-virus-rsv, Accessed June 22, 2020

Respiratory Syncytial Virus, https://kidshealth.org/en/parents/rsv.html, Accessed June 22, 2020

Respiratory syncytial virus (RSV), https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/respiratory-syncytial-virus/diagnosis-treatment/drc-20353104, Accessed June 22, 2020

RSV in Infants and Young Children, https://www.cdc.gov/rsv/high-risk/infants-young-children.html, Accessed June 22, 2020

Respiratory Syncytial Virus in Children and Adults: Prevention, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/8282-respiratory-syncytial-virus-in-children-and-adults/prevention, Accessed June 22, 2020

Kasalukuyang Version

03/25/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ika Villanueva Caperonce, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Nakabara sa Lalamunan: Ano ang First Aid na Dapat Gawin?

Lagundi Para Sa Hika at Ubo: Epektibo Ba Itong Gamot?


Narebyung medikal ni

Ika Villanueva Caperonce, MD

Infectious Disease · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement