Ang pinakakaraniwang kanser ng mga bata ay leukemia. Sa artikulong ito, tatalakayin namin ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa leukemia sa mga bata—mula sa mga sintomas ng leukemia sa bata hanggang sa kung ano ang maaari mong gawin sa bahay para matulungan ang iyong anak.
Ang leukemia ay isang kanser sa dugo na nakakaapekto sa bone marrow at mga selula ng dugo.
Kapag ang isang bata ay mayroong leukemia, lumalaki ang mga selula ng kanser sa bone marrow at pumapasok sa dugo. Nagsisimula ang bone marrow na gumawa ng mas abnormal na mga selula ng dugo at mas kaunting mga malulusog na mga selula. Ang mga abnormal na selulang ito ay karaniwang mga puting selula ng dugo na hindi nahinog o hindi gumagana ng maayos, ngunit may kakayahang magparami nang mabilis.
Ang malusog na mga puting selula ng dugo ang responsable sa paglaban sa mga impeksyon at sakit, ngunit ang mga abnormal na puting selula ng dugo ay hindi kayang gawin ito. Bilang resulta, ang pasyente ay mas madaling kapitan ng sakit. Ang kanser ay maaari ding kumalat sa ibang bahagi ng katawan, tulad ng utak, gulugod, o atay.
Gaano Kadalas Nangyayari Ang Leukemia Sa Bata?
Ang leukemia ay ang pinaka-karaniwang uri ng kanser na maaaring magkaroon ang mga bata. Sa Pilipinas, sinasabi ng Department of Health na ang leukemia ay responsable para sa 47.8 porsyento ng kanser sa mga lalaki at 48 porsyento sa mga babae. Sa kabutihang palad, karamihan sa mga bata na nasuri na may leukemia ay nakakatamasa ng matagumpay na paggamot.
Mayroong maraming uri ng leukemia, ngunit ang dalawang pinakakaraniwan ay:
- Acute lymphoblastic leukemia
- Acute myeloid leukemia
Ang mga bata ay maaari ding magkaroon ng leukemia na mas bihirang nakikita, tulad ng:
- Chronic myelogenous leukemia
- Juvenile myelomonocytic leukemia
Ang uri ng leukemia na maaaring magkaroon ang isang bata minsan ay nakadepende rin sa kanilang edad. Napagmasdan din na ang leukemia ay mas karaniwan sa mga lalaki kaysa sa mga babae.
Ano Ang Mga Sintomas Ng Leukemia Sa Bata?
Ang mga batang may leukemia ay maaaring magkaroon ng mga sintomas mula sa iba pang mga sakit o kondisyon. Ito ay dahil hindi kayang labanan ng mga puting selula ng dugo ang mga impeksyon at sakit. Gayundin, ang ibang mga sintomas ay maaaring resulta ng mababang bilang ng mga pulang selula ng dugo (tulad ng anemia) at mga platelet (tulad ng pagdurugo at pasa).
Ang mga karaniwang sintomas ng leukemia sa bata ay:
- Anemia
- Mga patuloy na impeksyon o impeksyon na hindi nawawala
- Madalas na lagnat mula sa mga impeksyon
- Madaling pasain at madaling dumugo sa mga sugat
- Madalas o matinding pagdurugo ng ilong
- Dumudugo ang gilagid
- Pananakit ng buto o kasukasuan mula sa pagdami ng mga selula ng kanser sa mga buto o kasukasuan
- Kawalan ng gana sa pagkain at pagbaba ng timbang mula sa namamagang atay at/o pali
- Namamaga na mga lymph node
- Pag-ubo o hirap sa paghinga
- Namamaga ang mukha o braso
- Sakit ng ulo
- Mga seizure
- Pagsusuka
- Mga pantal o problema sa gilagid
Ang mga pasyente na may acute myeloid leukemia (AML) ay maaari ding magkaroon ng sintomas ng leukemia sa bata tulad ng:
Chloroma o granulocytic sarcoma. Ito ay mga maliit na tuldok na maitim na maaaring maihalintulad sa mga pantal. Ang mga ito ay sanhi ng pagkalat ng AML sa balat at tinukoy bilang mga malignant na tumor.
Sobrang pagod at panghihina. Ito ay resulta ng akumulasyon ng mga selula ng leukemia sa dugo, na nagiging sanhi upang ito ay lumapot at bumagal kapag dumadaan sa maliliit na daluyan ng dugo sa utak.
Kumonsulta sa iyong doktor o pediatrician para sa opisyal na diagnosis kung patuloy ang sintomas ng iyong anak. Marami sa sintomas ng leukemia sa bata ay maaaring senyales din ng iba pang kondisyong medikal.
Ano Ang Nagiging Sanhi Ng Leukemia Sa Bata?
Ang mga siyentipiko ay nagsasaliksik pa rin kung ano ang eksaktong nagiging sanhi ng leukemia sa mga bata, ngunit iniugnay na nila ang mga mutation ng DNA sa paglaganap nito. Ang mga ito ay nagiging sanhi ng karagdagang mga mutasyon na lumaganap sa ibang bahagi ng katawan, tulad ng bone marrow, at maaaring mamana mula sa mga magulang.
Ano Ang Nagpapataas Ng Panganib Ng Leukemia?
Ang kombinasyon ng henetika at salik na pangkapaligiran ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng leukemia ang iyong anak, kabilang na dito ang:
- Mga genetic disorder, tulad ng down syndrome o Li-Fraumeni syndrome
- Mga isyu sa immune system na namamana tulad ng Wiskott-Aldrich syndrome at Bloom syndrome
- Ang pagkakaroon ng kapatid na may leukemia din
- Sobrang pagbababad sa ilalim ng araw
- Sumasailalim sa paggamot para sa iba pang uri ng kanser tulad ng chemotherapy at radiation therapy
- Pag-inom ng gamot para mapigilan ang immune system pagkatapos ng organ transplant
Diagnosis At Paggamot
Ang impormasyong ibinigay ay hindi kapalit ng anumang medikal na payo. LAGING kumonsulta sa iyong doktor para sa karagdagang impormasyon.
Paano sinusuri ng mga doktor ang leukemia?
Dahil ang mga sintomas ng leukemia ay maaaring maging katulad ng sa iba pang kondisyong medikal, mahalagang kumunsulta sa iyong doktor para sa opisyal na pagsusuri. Hindi tulad sa ibang mga kanser, inuuri ng mga doktor ang leukemia ayon sa mga grupo at pangalawang-uri; hindi sila nagtatalaga ng bilang ng antas.
Una, susuriin ng doktor o pediatrician ang mga sintomas ng iyong anak. Pagkatapos ng pagsusuri, maaaring magrekomenda ang doktor ng karagdagan pang mga pagsusuri. Maaaring kabilang sa mga pagsusuri na ito ang:
- Kumpletong bilang ng mga selula ng dugo upang suriin ang anumang abnormalidad sa mga dami at uri ng mga puting selula ng dugo, mga pulang selula ng dugo, at mga platelet
- Bone marrow aspiration o biopsy upang suriin ang pagkakaroon ng mga selula ng kanser
- Mga pagsusuri sa laboratoryo ng mga sample ng buto at utak upang matukoy ang uri ng leukemia na naroroon
- X-ray at ultrasound upang lumikha ng mga larawan ng mga organo at buto
- Lymph node biopsy upang suriin kung ang kanser ay kumalat na ba sa mga lymph node
- Lumbar puncture para makakuha ng kaunting cerebral spinal fluid at suriin ang pagkakaroon ng cancer cells sa gulugod at utak
Paano Ginagamot Ang Leukemia Sa Bata?
Ang mga pasyente ng leukemia ay ginagamot batay sa uri ng leukemia na mayroon sila at iba pang mga kadahilanan, tulad ng medikal na kasaysayan. Narito ang mga posibleng paraan ng paggamot para sa leukemia sa mga bata:
Pagsasalin ng dugo. Ginagamit ito upang tulungan ang mga pasyente na may mababang bilang ng mga selula sa dugo o may patuloy na pagdurugo. Ang pagsasalin ng dugo na may mga pulang selula ng dugo ay tumutugon sa mga pasyente na may mababang bilang, habang ang pagsasalin ng dugo na may mga platelet ay nakakatulong na pigilan ang patuloy na pagdurugo.
Antibiotic. Ginagamot nito ang anumang mga impeksyon na maaaring mayroon ang pasyente. Ang mga impeksyong ito ay maaaring magdulot ng karagdagang mga komplikasyon kung hindi muna ito aayusin.
Chemotherapy. Ito ay ginagamit upang patayin ang mga selula ng kanser at maiwasan ang higit pang pagkalat. Maaari itong ibigay ng ilang beses sa pamamagitan ng isang IV o mga iniksyon, o inumin. Ang high-dose chemotherapy ay maaaring isama sa isang stem cell transplant. Dito, ang mga murang selula ay tinanggal mula sa bone marrow at pagkatapos ay papalitan pagkatapos ng chemotherapy.
Radiation therapy. Ang high-energy radiation ay inilalapat upang sirain ang DNA ng mga selula ng kanser, na nakakapigil sa mga ito sa pagpaparami. Ang paraang ito ay kadalasang nakalaan para sa mga kaso ng leukemia kung saan ang kanser ay kumalat na sa utak, spinal fluid, o maging sa mga testicle.
Naka-target na therapy. Kabilang dito ang mga gamot na ang target ay ang mga partikular na protina ng mga selula ng kanser nang hindi nadadamay ang mga normal na selula. Kinokontrol ng mga protina na ito kung paano dumarami at kumalat ang mga selula ng kanser. Kadalasan ay may hindi gaanong malubhang epekto. Gayunpaman, maaaring ipares ito ng mga doktor sa iba pang mga uri ng paggamot, dahil posible para sa mga selula ng kanser na bumuo ng resistensya sa naka-target na therapy.
Ano Ang Ilang Pagbabago Sa Pamumuhay o Mga Lunas Sa Bahay Na Makakatulong Sa Pamamahala Ng Leukemia Sa Bata?
Sa kasamaang palad, walang mga kinikilalang paraan upang maiwasan ang leukemia sa mga bata. Mahalagang matukoy at magamot ng maaga ang kondisyon. Gayunpaman, may mga paraan upang matulungan ang iyong anak sa habang sila ay ginagamot:
Hikayatin ang wastong kalinisan sa katawan. Pigilan ang karagdagang impeksyon sa pamamagitan ng paghikayat sa iyong anak at iba pang miyembro ng pamilya na regular na maghugas ng kanilang mga kamay gamit ang sabon at tubig o isang hand sanitizer na nakabase sa alcohol, at takpan ang kanilang mga ilong at bibig kapag bumabahing o umuubo.
Gumawa ng ilang pagbabago sa diyeta. Maaaring mabawasan ng mga paggamot sa kanser ang gana sa pagkain ng iyong anak. Upang mapanatiling malakas ang iyong anak sa panahon at pagkatapos ng paggamot, lumikha ng isang malusog na plano sa pagkain na may ng mga prutas, gulay, protina, carbohydrates, at masustansyang taba. Katulad nito, panatilihing nakahanda ang mga masusustansyang merienda at maliliit na pagkain kapag bumalik ang kanilang gana.
Gumawa ng ilang mga mababang-panganib na ehersisyo. Ang ehersisyo ay isang mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng isang malusog na pamumuhay. Tanungin ang iyong doktor kung ang iyong anak ay sapat na malakas upang maglakad ng kahit kaunti araw-araw.
Magbigay ng emosyonal na suporta. Ang pagharap sa leukemia ay maaaring maging isang nakaka-stress at emosyonal na karanasan. Hikayatin ang iyong anak na kilalanin at ipahayag ang kanilang mga damdamin, o humanap ng grupo ng suporta para sa inyong dalawa na salihan.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng bata, dito.