backup og meta

Pangangati Ng Mata Ng Bata: Ano Ang Dapat Gawin?

Pangangati Ng Mata Ng Bata: Ano Ang Dapat Gawin?

Maraming dahilan ang pangangati ng mata ng bata. Bakit nakakaranas ng eye irritation at discomfort, at kailan dapat humingi ng tulong medikal? Alamin dito.

Ano ang pangangati sa mata?

Ang pangangati sa mata ay hindi isang partikular na sakit. Ito ay isang general term na ginagamit kapag nakakaramdam tayo ng discomfort o nakakakita ng mga hindi maipaliwanag na sintomas sa ating mga mata o sa paligid nito.

Maaaring ang iyong anak ay nagrereklamo ng mainit na pakiramdam sa mga mata. Kung napansin mo ang pamumula sa sclera (puting bahagi ng mata) at pamamaga sa ibaba o itaas na talukap ng mata, nangangahulugan na may pangangati ng mata ng bata.

Ang iba pang mga karaniwang sintomas na nauugnay sa pangangati ng mata ay: 

  • Makati ang mga mata 
  • Lumuluha o matubig na mata
  • Pamumula o pananakit ng mata
  • Sensitivity sa liwanag 
  • Malabong paningin

Tandaan na habang ang mga sintomas ay maaaring mukhang “generic,” ang mga sanhi ng pangangati ng mata ng bata ay maaaring magkaka-iba.

Anong mga bagay ang maaaring makairita sa mga mata ng iyong anak?

Nasa ibaba ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pangangati ng mata ng bata:

Allergies

Kapag ang isang allergen (isang bagay na nagdudulot ng reaksiyong allergy) ay nadikit sa mga mata ng iyong anak, maaari silang makaranas ng pangangati sa mata o allergic conjunctivitis. Ang mga nagti-trigger para sa mga allergy sa mata ay kadalasang pollen, pet dander, at alikabok ng bahay.

Kung ang iyong anak ay nakakaranas ng allergic conjunctivitis, maaari siyang magreklamo ng mga sumusunod na sintomas ng mata:

  • Pangangati, o nasusunog at nakakatusok na sensasyon
  • Matubig na mga mata
  • Pink o pulang mata
  • Mild na pamamaga ng mata

Tandaan na ang mga allergy sa mata ay karaniwang hindi nagreresulta sa lagnat o eye discharge. Madalas, maaari mong gamutin ang mga allergy sa mata sa bahay. Ito ay sa pamamagitan ng dahan-dahang pagbabanlaw ng mga mata para alisin ang allergen. Maaari ka ring bigyan ng iyong doktor ng mga oral na anti-allergy na gamot o eye drops.

Exposure sa irritants

Ang mga kaso ng pangangati ng mata ng bata ay nangyayari rin dahil sa pagkakalantad sa mga irritant. Halimbawa, ang pagkakalantad sa usok, alikabok, o mga kemikal ay maaaring magdulot ng:

  • Pula at matubig na mga mata
  • Mabutil na pakiramdam sa mga mata

Karamihan ng mga kaso, maaari mong gamutin ang mild case ng irritant exposure sa bahay sa pamamagitan ng dahan-dahang pagbabanlaw ng iyong mga mata ng maligamgam na tubig sa loob ng ilang minuto. Kung ang iyong mga sintomas ay hindi nawala pagkatapos banlawan, pumunta sa doktor.

May foreign object sa mata

Ang isa pang karaniwang dahilan ng pangangati ng mata ng bata ay ang pagkakaroon ng isang foreign object sa mata. Ang tawag natin dito ay “puwing.”

Kapag ganito ang nangyari, obserbahan ang mga sumusunod na sintomas:

  • Nagluluha o matubig na mata 
  • Sakit sa mata
  • Makati ang mata
  • Pamumula

Tandaan na ang karamihan sa mga kaso ng puwing ay harmless. Kapag ang maliliit na butil tulad ng alikabok ay pumasok sa ating mga mata, nagluluha tayo para hugasan ang mga ito. Kung sakaling hindi maalis ng mga luha ang mga ito (mga pilikmata), maaaring kailanganin nating banlawan ang ating mga mata ng maligamgam na tubig sa loob ng ilang minuto.

Mahalaga

Ang ilang mga foreign object sa mga mata ay maaaring makasugat sa cornea, ang transparent na film na tumatakip sa mga mata. Ito ay tinatawag na corneal abrasion; ang mga sintomas ay:

  • Pakiramdam na may kung anong bagay sa mata
  • Light sensitivity
  • Dagdag na pagluluha
  • Mapulang mata
  • Namamagang talukap

Kung pinaghihinalaan mo ang corneal abrasion sa iyong anak, sabihin na huwag kuskusin o kamutin ang mga mata. Huwag subukang alisin ang bagay, lalo na tulad ng sipit o cotton swab. Ang pinakamagandang gawin ay dalhin ang iyong anak sa doktor.

Eye strain at dry eyes

Ang matinding paggamit ng mga mata nang matagal, tulad ng paggamit ng mga gadget ng iyong anak, ay maaaring humantong sa pangangati.

Bukod dito, kapag ang mga bata ay masyadong nakatutok sa screen, sila ay hindi madalas na kumurap. Maaari itong magresulta sa pagkatuyo ng mata, kaya madaling kapitan ng pangangati at discomfort.

Impeksyon

At syempre, kasama sa mga karaniwang sanhi ng pangangati ng mata ng bata ang mga impeksyon. Kung ang iyong anak ay may impeksyon sa mata, maaaring may: 

  • Pamumula ng mata 
  • Pamamaga sa paligid ng mga mata 
  • Gustong kamutin o kuskusin ang mata 
  • Discharge sa mata (nana o uhog)
  • Pag-crust ng mga talukap ng mata o pilikmata

Ang paggamot ay depende sa sanhi ng impeksiyon (fungal, viral, at bacterial); kaya’t kailangan ang paghingi ng tulong medikal. Ang impeksyon sa virus ay maaaring mawala sa loob ng dalawang linggo. Ngunit ang mga fungal at bacterial infection ay nangangailangan ng mga gamot na antifungal at antibiotic.

Kailan Dapat Humingi ng Tulong Medikal

Kung ang iyong anak ay nakakaranas ng pangangati sa mata na hindi gumagaling sa mga home remedy, pumunta sa doktor. Ang matinding pangangati sa mata, tulad kung nagreklamo ng matagal at mainit na pakiramdam sa kanilang mga mata, ito ay kailangan din ng medikal na atensyon.

Humingi din ng medikal na tulong, kung mayroon silang discomfort at pamumula sa mata kasama ng:

  • Malubhang pananakit sa mata 
  • Direktang pinsala sa mata
  • Pamamaga sa mata o sa lugar na nakapaligid dito
  • Discharge sa mata (nana o mucus)
  • Mga problema sa paningin (dobleng paningin, pagkawala ng paningin, malabong paningin)

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Eye – Allergy
https://www.seattlechildrens.org/conditions/a-z/eye-allergy/
Accessed January 5, 2021

Eye Pain
https://www.nicklauschildrens.org/symptoms/eye-pain
Accessed January 5, 2021

Corneal Abrasions
https://kidshealth.org/en/parents/corneal-abrasions.html#:~:text=Because%20they%20affect%20the%20way,sensitivity%20to%20light
Accessed January 5, 2021

Eye Irritation in Children: Care Instructions
https://myhealth.alberta.ca/Health/aftercareinformation/pages/conditions.aspx?hwid=ad2027#:~:text=Watching%20a%20lot%20of%20television,pollution%20can%20bother%20the%20eyes.
Accessed January 5, 2021

Eye discomfort and redness in children
https://www.mayoclinic.org/symptom-checker/eye-discomfort-and-redness-in-children-child/related-factors/itt-20009075
Accessed January 5, 2021

Kasalukuyang Version

08/02/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Victor Paulino, MD, DPBO

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Paano Maiwasan ang Shaken Baby Syndrome

Alamin ang Komplikasyon ng Kawasaki Disease


Narebyung medikal ni

Victor Paulino, MD, DPBO

Ophthalmology · Makati Medical Center


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement