Ang dyslexia ay isang hamon sa pag-aaral na nakakaapekto sa mga bahagi ng utak na nagpoproseso ng wika. Kapag ang isang tao ay may dyslexia, maaaring magkaproblema sya sa pag-uugnay ng mga speech sounds sa mga titik at salita. Dahil dito magiging isang malaking hamon ang pagbabasa, pagsusulat, at pagbabaybay. Bagama’t walang lunas para sa kundisyong ito, sinasabi ng mga eksperto na kailangan ang mas maagang pagsusuri at interbensyon upang makamit ang mas mahusay na resulta. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang tungkol sa mga unang palatandaan ng dyslexia sa bata.
Ang mga Maagang Palatandaan ng Childhood Dyslexia
Kadalasan, ang mga batang may dyslexia ay nahihirapang magbasa, magsulat, at magbaybay. Kung kaya iniisip ng ilan na ang kondisyon ay nakakaapekto sa katalinuhan. Gayunpaman, ang dyslexia ay hindi nakakaapekto sa katalinuhan ng isang tao.
Karamihan sa mga kaso ng dyslexia ay nasusuri lamang kapag nagsimula ng mag-aral ang bata. Ngunit alam mo ba na ang ilang mga sintomas ay maaaring lumitaw kahit ang bata ay tatlong taong gulang pa lamang?
Narito ang mga palatandaan ng dyslexia sa bata:
Hirap Sa Pagsasalita
Ang mga batang may dyslexia ay kadalasang nakakaranas ng problema sa pagsasalita. Dahil dito, mas matagal silang matutong magsalita kumpara sa ibang bata.
Higit pa rito, ang bata ay maaaring magsalita, ngunit may mga salita na hindi malinaw ang pagbigkas. Halimbawa, “flutterby,” “beddy tear,” at “cumberber.” Hindi rin nila makikilala ang mga pattern tulad ng kung paano magkapareho ang tunog ng mga salitang “bat,” “cat,” at “sat”. Ito ay dahil ang dyslexia sa bata ay kaakibat ng kahinaan sa pagtukoy ng pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ng mga tunog.
Bukod pa rito, maaaring mapansin ng mga magulang na nahihirapan ang kanilang anak na bigkasin ang alpabeto o matuto ng nursery rhymes. Hindi lamang sila nahihirapan sa mga salita, ngunit nahihirapan din silang sumunod sa ritmo.
Hirap Sa Pagsunod Sa Mga Direksyon
Karamihan sa mga tatlong taong gulang na bata ay maaari nang sumunod sa simple at magkakasunod na mga tagubilin. Halimbawa, kung sasabihin mo sa kanila na ilagay ang kanilang mga laruan sa kahon at pagkatapos ay ilagay ang kahon sa istante, malamang na sumunod sila nang hindi nalilito.
Nagtataka ka ba kung ang anak mo ay may dyslexia sa bata? Tandaan na ang mga batang may dyslexia ay maaaring mahirapang sundin ang sunod-sunod na mga tagubilin. Gayunpaman, madali silang makakasunod kung magbibigay ka ng mga simpleng direksyon, nang paisa-isa.
Mahilig Sa Kwento Ngunit Walang paboritong Libro
Kahit na hindi pa sila marunong magbasa, sasabihin sa iyo ng mga preschoolers na mayroon na silang paboritong libro. At ito ay maiuugnay nila sa kanilang paboritong kuwento.
Ang isang bata na maaaring may dyslexia o ibang learning difficulty ay malamang na mahilig sa isang partikular na kuwento ngunit walang paboritong libro. Ito ay dahil hindi nila gusto ang mga titik at salita na nakikita nila sa mga libro. Kung sakaling basahin mo ang isang kuwento sa kanila, mapapansin mong hindi sila nagbibigay ng pansin o hindi mapakali.
Maaaring Maging Malilimutin
Karamihan sa mga preschoolers ay parating may gustong ibahagi sa kanilang mga magulang. Halimbawa dito ay kung ano ang ginawa ng kanilang kaibigan, o kung ano ang itinuro ng kanilang guro.
Ang dyslexia sa bata ay maaaring magkaroon ng sintomas gaya ng pagiging malimutin. Maaaring hindi maalala ng bata ang pangalan ng kanyang guro at kaibigan. Pwede rin namang di niya maalala ang pangalan ng iba’t-ibang kulay.
Problema Sa Mga Developmental Milestones
Ayon sa British Dyslexia Association, isa sa sintomas ng dyslexia sa bata ang kabiguan maabot ang iilang developmental milestones. Ang batang may dyslexia ay maaaring mahirapan sa mga sumusunod:
- Lumahok sa gawaing sining dahil hirap sa pag-gupit, pagdikit, at pagkulay.
- Bihisan ang sarili dahil hirap sa pagbo-butones, pagtali ng sintas, etc.
- Pagsalo or pagsipa ng bola
- Pagtalon
- Paglalaro dahil kadalasan nadadapa o nababangga
Higit sa lahat, ang dyslexia sa bata ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng maganda o masamang araw ng walang sapat na dahilan.
Susunod Na Hakbang
Higit pa sa pagpuna sa mga unang palatandaang ito ng dyslexia sa bata, tandaan na may dalawang bagay pang mahalaga:
- Gaano kadalas nagpapakita ng sintomas ang iyong anal
- Gaano na katagal ang mga sintomas na ito
Ito ay dahil karaniwan sa mga bata ang magkamali. Kung kaya ang pagiging makakalimutin at hindi pagsunod sa mga direksyon paminsan-minsan ay hindi kaagad nangangahulugan na may problema at dyslexia sa bata. Bilang karagdagan, tandaan na may kanya-kanyang panahon ang bawat bata sa paglaki at pag-unlad ng katawan at isipan. Kapag nahihirapan sila sa pagsasaulo ng alpabeto o pagkanta ng isang kanta ngayon, maaaring kailangan lang nila ng higit pang pagsasanay.
Kung kayo ay nag-aalala sa kakayahang mag-aral, komunikasyon, at mga kasanayan sa wika ng inyong anak, makipag-ugnayan sa inyong doktor. Kung mas maaga mong malaman kung sila ay may dyslexia o iba pang kahirapan sa pag-aaral, mas maaga itong masosolusyunan.
Matuto pa tungkol sa mga learning difficulty sa mga bata dito