Marahil ay napansin mo na ang iyong anak ay mayroong ugali na maging left-handed, o right-handed. Kapansin-pansin ito kapag sila ay sumasalo ng bola, at lalo na kapag sila ay gumuguhit gamit ang lapis o crayon. Bukod dito, baka napansin mo rin na minsan ay paiba-iba ang kanilang ginagamit na kamay. Posibleng sanay silang sumalo ng bola gamit ang kanilang kaliwa, pero kapag nagsusulat ay gamit nila ang kanan. Ito ay ang pagiging ambidextrous na bata kung tawagin.
Ngunit bakit nga ba ito nangyayari, at ano ang ibig sabihin ng ganitong pag-uugali? At ano naman kung ambidextrous sila? May epekto ba ito sa kanilang paglaki?
Ano Nga Ba Ang Handedness?
Karamihan Ng Populasyon Ay Right-Handed
Bago natin pag-usapan kung ano ba ang pagiging ambidextrous na bata, pag-usapan natin ang handedness. Ang handedness ay ang pag-uugali ng isang tao na gamitin ang kanilang kaliwa o kaya kanang kamay. Karamihan ng mga tao ay right-handed, o dominante ang kanang kamay. Tinatayang 70%-95% ng populasyon ng mundo ay right-handed, habang ang 5%-30% naman ay left-handed.
Ang isang interesting na fact tungkol dito ay halos ganito rin ang statistics ng pagiging right at left-handed kahit sa iba’t-ibang populasyon. Sa madaling salita, sadyang mas pangkaraniwan sa mga tao ang pagiging right-handed. Pero bakit nga ba ito nangyayari? At posible rin bang matutong gumamit ng kaliwang kamay ang isang tao na right-handed?
Bakit Mayroong Mga Kaliwete?
Ayon sa siyensya ay mayroong kinalaman ang handedness sa left at right side ng ating mga utak. Kapag mas dominante ang left side, ay nagiging right-handed ang isang tao. Kung right side naman ng utak ang dominante, left-handed ang isang tao.
Ngunit ang tanong naman ngayon ay bakit ba nagiging mas dominante ang isang side ng utak kumpara sa isa? Ang iba ay naniniwalang epekto ito ng trauma o kaya damage sa utak habang nasa sinapupunan pa lamang. Ayon naman sa iba ay epekto ito ng mga pagbabago na nangyayari sa utak ng sanggol sa sinapupunan.
Gayunpaman, ang isang nangungunang teorya tungkol dito ay simula nang matuto tayong magsalita at magsulat, mas naging dominante ang left side ng ating utak. Ito ang posibleng dahilan kung bakit karamihan sa atin ay right-handed.
Pero kung ito nga ang pinagmulan ng handedness, bakit walang pinagkaiba ang development ng pananalita at pagsusulat ng mga kaliwete o left-handed? Posibleng ito nga ang pinagmulan ng right-handedness, pero hindi nito ipinapaliwanag kung bakit mayroong mga kaliwete.
Habang nasa usapin tayo ng handedness, pag-usapan natin ang mga facts tungkol sa mga ambidextrous na bata.
Ano Ang Ibig Sabihin Kung Ambidextrous Ang Isang Tao?
Ang pagiging ambidextrous ay nangangahulugan na walang dominant hand ang isang tao. Ibig sabihin nito ay posibleng parehas nilang nagagamit ang kanilang mga kamay sa pang araw-araw na gawain, o kaya ay may mga sitwasyon na ginagamit nila ang kaliwa, at minsan naman ay ang kanan.
Bagama’t may teorya ang mga scientists kung bakit may mga kaliwete at mga right-handed na tao, hindi pa rin sila sigurado kung bakit mayroong mga tao na ambidextrous.
Kung bihira ang pagiging kaliwete, mas bihira ang pagiging ambidextrous. Bukod dito, malaki rin ang kalamangan ng mga ambidextrous pagdating sa sports.
Dapat Ka Bang Mag-Alala Kung Ambidextrous Ang Iyong Anak?
Ngayong alam na natin kung ano ang ibig sabihin ng ambidextrous na bata, dapat ba itong ipag-alala ng mga magulang? Ayon sa ilang pag-aaral, mas mataas raw ang posibilidad na magkaroon ng ADHD ang mga ambidextrous na bata kumpara sa mga left o right-handed.
Gayunpaman, wala naman dapat ipag-alala ang mga magulang kung ambidextrous ang kanilang anak.
Ibig sabihin lang nito ay parehas nilang nagagamit ang kanilang kamay para gawin ang mga bagay bagay. Posibleng maging mas mahirap ng onti ang pagtuturo sa kanila ng pagsusulat, dahil baka paiba-iba sila ng ginagamit na kamay, ngunit hindi naman ito malaking problema.
Ilang Mga Dapat Tandaan
Heto ang ilang mga tips na dapat mong tandaan kung ambidextrous o kaya naman ay kaliwete ang iyong anak:
- Huwag silang pilitin na gamitin lang ang iisa nilang kamay. Hayaan silang gumamit ng kamay na komportable silang gamitin.
- Hayaan silang sumubok ng iba’t-ibang gawain para malaman nila kung aling kamay sila mas komportable gamitin.
- Hindi kinakailangan na i-“correct” ang kanilang kamay. Kung saan sila komportable, yun ang tama.
- Kapag madalas ay palipat-lipat sila ng kamay na ginagamit, maaari itong makaapekto sa kung paano sila natututo. Huwag mag-atubiling magpakonsulta sa isang therapist para malaman kung ano ang dapat mong gawin.
Key Takeaways
Hindi malaking problema ang pagiging ambidextrous na bata, pati na rin ang pagiging kaliwete. Normal lang sa mga tao na iba-iba ang dominant hand, kaya’t walang dapat ipag-alala dito.
Alamin ang tungkol sa Parenting dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]