backup og meta

Paano Gumawa Ng Birth Plan, At Bakit Ito Kinakailangan?

Paano Gumawa Ng Birth Plan, At Bakit Ito Kinakailangan?

Sa pangkalahatan, bagaman hindi lahat ay nasa plano, itinuturing na biyaya ang pagbubuntis. Isang napakalaking responsibilidad ang pagbubuntis para sa isang ina at sa kanyang partner. Kaya naman, mahalaga ang maagang pagpaplano upang maiwasan ang hindi inaasahang stress at mga pangyayari pagdating sa panganganak at pagkatapos nito. Ngunit paano gumawa ng birth plan? Upang makatulong, sundin ang birth plan template na ito para sa mga nagsisimulang maging ina. 

Bakit Ko Kailangan Ng Birth Plan?

Una, hindi naman kailangan ang birth plan, ngunit makatutulong ito upang maging madali ang mga bagay. Puwede mong hayaang mangyari ang mga bagay nang natural, o piliing maging desidido sa oras na handa ka nang manganak. 

Sa simpleng paliwanag, ang birth plan ay isang nakasulat na outline o gabay na kailangang sundin sa oras na ipapanganak na ang isang sanggol. Sa maraming sitwasyon, ang birth plan ay mukhang checklist.

Paano gumawa ng birth plan? Karaniwang nagbibigay ito ng sagot sa maraming “sino, ano, kailan, saan, at paano.” Walang maituturing na one-size-fits-all birth plan template dahil ang bawat nanay ay may kanya-kanyang nais at iba’t ibang sitwasyon. Buti na lang, may laya ang isang ina na mamili at maging tiyak sa kung ano ang mga gusto niya kapag nanganak. 

Ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng birth plan ay nagiging handa at nagiging payapa ang iyong isip. Tinutulungan ka nitong mapanatiling kontrolado ang panganganak kahit na maging magulo ang sitwasyon. Dagdag pa, ang pagkakaroon ng written instructions ay nakapagpapadali ng pakikipag-ugnayan sa health team habang nanganganak. 

paano gumawa ng birth plan 2

Paano Gumawa Ng Birth Plan? Isang Birth Plan Template

Paanog gumawa ng birth plan? Ang magandang birth plan ay dapat na nasasagot ang ilang karaniwang mga tanong gaya ng sino, kailan, saan, ano at paano. Maaari mo itong gawin sa paraang nais mo, ngunit ang outline na ito ay makatutulong sa iyo sa kung saan dapat magsimula.

Sino

Una, huwag mong kalimutang isulat ang iyong kompletong pangalan at contact information sa itaas na bahagi ng iyong birth plan. Makatutulong ito upang hindi malito o magkagulo-gulo ang mga record ng health team kung humahawak ng mga pasyenteng may kanya-kanyang birth plans.

Bukod sa iyong buong pangalan, puwede mo ring idagdag ang pangalan ng iba pang mahahalagang tao gaya ng iyong designated physician, midwife, partner, at sinomang emergency contacts. Maaari mo ring ilagay ang pangalan ng mga taong inaasahan mong bibisita sa ospital. Gayunpaman, hindi nito natitiyak na makapapasok sila at makabibisita dahil sa limitadong bilang ng taong maaaring papasukin sa kuwarto ng pasyente.

Kailan

Bagaman may mga paraan upang malaman kung kailan ka manganganak, may tendensiya ang mga sanggol na gumalaw sa sarili nilang paraan. Imposible talagang malaman ang eksaktong oras at petsa ng panganganak hanggang sa mangyari na lang ito. Gayunpaman, mainam pa ring isama sa iyong birth plan ang estimated delivery date. Sa paglapit ng petsa ng iyong panganganak, puwede mong mapansin ang ilang mga senyales at sintomas na nagsasabing handa nang lumabas ang iyong baby. Ang pagiging handa ilang linggo bago ang inaasahang due date ay makatutulong sakaling maagang lumabas ang iyong baby. Ang late delivery ay maaari ding maging problema sa bata at sa nanay. 

Kung sobrang aga ipinanganak ang iyong baby (bago mag-37 linggo), maituturing itong preterm o premature, kaya’t nangangailangan ng special treatment at pag-iingat habang nanganganak. Sa kabilang banda, kung sobrang tagal bago ka manganak (lagpas 42 linggo), maituturing itong post-term o postmature. Mataas ang panganib na magkaroon ng impeksyon, mababang timbang, at problema sa paghinga ang mga sanggol na premature, habang mataas naman sa panganib ng meconium aspiration ang mga postmature na sanggol. 

Saan

Bilang karagdagan sa mga tanong na sino at kailan, mahalaga rin ang paglalagay kung saan mo planong manganak. Karamihan sa mga ina ay dinadala sa ospital sa oras na pumutok na ang kanilang panubigan at manganganak na. Gayunpaman, hindi lahat ng ina ay nais ng conventional hospital birth. Bagaman napakaligtas ang manganak sa ospital, may mga babaeng mas pinipiling manganak sa mga (lehitimong) birthing center. 

Bukod sa pagtatala ng lugar kung saan mo nais manganak, mainam ang maagang pakikipag-ugnayan nang mabuti sa facility na iyong napili. Pagdating sa mga sanggol, palaging asahan ang hindi inaasahan. Ang pagpaparehistro o pagrereserba nang maaga sa facility ay magbibigay sa iyo ng mas magaan na proseso sa oras na handa nang lumabas ng iyong baby.

Ano At Paano

Ang pagtatanong ng “ano” ay tila hindi na kailangan, dahil malinaw naman na ikaw ay bumubuo ng birth plan. Gayunpaman, may mga karagdagang tanong na kailangan mo gaya ng:

  • Anong uri ng panganganak ang gusto at dapat sa sitwasyon ko? (halimbawa: vaginal delivery o C-section)
  • Anong mga gamit ang kailangan kong isama sa aking baby bag o kit?
  • Gaano kalamig o kainit at kaliwanag ang nais ko sa aking kuwarto?
  • Anong klase ng pain medication ang handa kong tanggapin? (halimbawa: epidural)
  • Gusto ko bang magpakuha ng larawan?

Maraming pang mahahalagang dahilan kung bakit kailangan mong makipag-usap sa iyong doktor at sa facility na iyong napili. Kinakailangan ito upang matiyak na masusunod ang iyong mga kahilingan.

[embed-health-tool-due-date]

Key Takeaways

Simple lang ang paraan kung paano gumawa ng birth plan. Sa kabuuan, ang birth plan ay isang bagay na magandang gawin ng lahat ng ina bago ang kanilang due date. Isama dito ang mga impormasyon upang makabuo ng sariling birth plan template. Maagang makipag-ugnayan sa iyong doktor at iba pang personnel na kasama sa iyong birth plan. Sa paraang ito, tiyak na masusunod ang iyong kahilingan at siguradong wala kang makaliligtaang mahalagang impormasyon.

Matuto pa tungkol sa Panganganak dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

How to make a birth plan, https://www.nhs.uk/pregnancy/labour-and-birth/preparing-for-the-birth/how-to-make-a-birth-plan/, Accessed March 8, 2021

Developing a birth plan, https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/ServicesAndSupport/developing-a-birth-plan, Accessed March 8, 2021

Template Birth Plan for Hospital Birth, https://www.nct.org.uk/sites/default/files/BirthPlan-HospitalBirth.pdf, Accessed March 8, 2021

Birth Plans: Encouraging Patient Engagement, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6310908/, Accessed March 8, 2021

Online Birth Plans and Anticipatory Guidance: A Critical Review Using Web Analytics and Crowdsourcing, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6386788/, Accessed March 8, 2021

Postterm and Postmature Infants, https://www.msdmanuals.com/professional/pediatrics/perinatal-problems/postterm-and-postmature-infants, Accessed March 15, 2021

Kasalukuyang Version

07/08/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Premature Na Panganganak: Ano Ito, Bakit Ito Nangyayari, At Paano Ito Maiiwasan?

Panganganak Ng Cesarean: Mga Facts Na Dapat Mong Malaman


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement