Ang proseso ng panganganak ay maaaring maging lubhang nakakatakot, lalo na para sa mga first-time moms. Ito ang dahilan kung bakit dapat mong malaman kung ano ang mangyayari. Makakatulong ito na mawala ang ilan sa mga takot, at magbibigay sa iyo ng peace of mind. Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa proseso kung paano nanganganak.
Paano nanganganak? Alamin dito ang nangyayari!
Taliwas sa kung ano ang napapanood ng karamihan ng tao sa mga pelikula at sa telebisyon, ang panganganak ay hindi kasing simple ng “pag-iri sa baby palabas.
Bilang karagdagan, iba ang proseso kung paano nanganganak sa panahon ng normal vaginal delivery kumpara sa isang cesarean-section (C-section).
Narito ang nangyayari sa bawat uri kung paano nanganganak:
Sa oras ng natural vaginal delivery
Ang vaginal delivery ay ang pinagdadaanan ng karamihan sa mga ina kapag sila ay nanganganak. Labor ang tawag sa proseso ng sanggol kasama ang inunan na umaalis sa matris.
Ang haba ng labor ay nag-iiba din sa bawat babae. Ngunit ang karaniwang average ay humigit-kumulang 4 hanggang 8 oras, at pwedeng mas maikli pa para sa ilan.
Narito ang isang breakdown kung paano nanganganak:
Umpisa ng Labor
Malalaman mo na handa ka nang manganak kapag nagsimula na ang mga senyales ng labor. Karaniwang kinabibilangan ito ng mga rhythmic contraction na lumalakas, pati na rin ang pagputok ng iyong water bag o panubigan.
Ito na ang oras para pumunta sa ospital, at kapag naka-settle ka na, susuriin ka ng mga nurse bawat 1-4 na oras, depende sa kung gaano ka pa kalayo sa panganganak. Ang doktor o midwife ay gagawa ng baseline vaginal examination upang suriin kung gaano na kalaki ang iyong cervix. Ang panaka-nakang internal examination ay ginagawa upang matukoy kung gaano ka pa kalayo sa iyong panganganak, at kung malapit ka nang manganak.
Panganganak
Kapag malapit ka nang manganak, ibig sabihin ay malapit nang lumabas ang presenting part ng baby, tuturuan ka ng doktor o midwife. Hihilingin ka nilang humiga sa isang dorsal lithotomy na posisyon— na nakabaluktot ang iyong mga tuhod at nakabuka ang mga binti. Ikaw ay igu-guide sa bawat hakbang ng iyong panganganak.
Ito ang oras kung kailan ang mga kababaihan ay nagsisimulang dalhin pababa o “itulak” palabas ang sanggol, at ito ay maaaring maging lubhang pisikal na mahirap. Habang lumalabas ang sanggol sa iyong ari, maaari kang makaranas ng ilang pagpunit at pananakit habang sinusubukan nitong i-accommodate ang paglabas ng iyong sanggol.
Sa unang bahagi ng panganganak, kung sobrang sakit, maaari mong hilingin sa iyong doktor na bigyan ka ng epidural para sa “painless” na panganganak. Kung matitiis mo ang sakit, maaari itong laktawan pero sa oras ng pag-aayos ng ari, sisiguraduhing bibigyan ka ng local anesthesia upang mamanhid ang bahaging tinatahi.
Pagkatapos ng Panganganak
Sa sandaling lumabas na ang sanggol, malamang na nakahinga ka na ng maluwag, dahil ang “worst” ay tapos na. Gayunpaman, makakaranas ka pa rin ng uterine contractions habang sinusubukan ng iyong katawan na itulak palabas ang iyong inunan.
Ito ay nangyayari nang medyo maayos, at kadalasan ay nangangailangan lamang ng dagdag na push bago lumabas ang iyong inunan sa iyong katawan.
Ito rin ang oras na makakasama mo na ang iyong sanggol, at maaari mo na ring simulan kaagad ang pagpapasuso. Tamang-tama ito dahil kailangan ng iyong sanggol ang lahat ng sustansyang ibinibigay ng gatas ng ina.
Sa oras ng C-Section
Hindi lamang natural birth ang paraan ng panganganak. Mahalaga ring malaman kung paano nanganganak sa pamamagitan ng Caesarean o C-section.
Mayroong ilang mga pagkakaiba sa proseso ng isang C-section delivery at ng isang natural na panganganak. Karamihan sa mga kaso, ang isang C-section ay nangyayari kung ang panganganak ay masyadong matagal, o kung ang sanggol ay nasa isang pigi o nakahalang na posisyon, na maaaring maging lubhang mapanganib para sa isang normal delivery. Ang iyong doktor ay maaari ring magrekomenda ng isang C-section kung ang tibok ng puso ng sanggol ay bumaba sa oras ng panganganak.
Gayunpaman, ilang mga ina ang pumipili ng C-section bilang kanilang kagustuhan sa halip na natural na kapanganakan.
Narito ang isang breakdown kung ano ang mangyayari:
Bago ang Procedure
Kapag nagpasya ang iyong doktor na magpatuloy sa isang C-section, bibigyan ka ng anesthesia upang mamanhid ang sakit. Wala kang mararamdamang kahit ano mula sa iyong katawan pababa, pero maaaring makaramdam ka ng ilang paggalaw o bahagyang pressure.
Mananatili kang gising sa buong procedure.
Sa oras ng C-Section
Ang iyong doktor ay gagawa ng isang paghiwa sa iyong tiyan. At ang iyong sanggol ay ipapanganak sa pamamagitan ng paghiwa na iyon. Ang proseso ay medyo mabilis , at ang buong operasyon ay maaaring mula sa wala pang isang oras hanggang isang oras at kalahati.
Kapag naipanganak na ang sanggol, aayusin ng iyong doktor ang iyong matris at tiyan.
Pagkatapos ng C-Section
Maaaring makaramdam ka ng kirot habang nawawala ang anesthesia, at kakailanganin mo ring pangalagaan ang iyong sugat. Magkakaroon ka rin kaagad ng oras sa iyong sanggol at pagpapasuso.