Sa siyam na buwan, lumulutang at lumalangoy ang sanggol sa maligamgam na amiotic fluid sa loob ng sinapupunan. Kaya’t magiging natural din sa mga sanggol na salubungin ng tubig sa mundong ito. Tumataas na ang popularidad ng water birth sa Asya. Ano ang water birth?
Sa Pilipinas, kakaunti lamang ang mga institusyong nagbibigay ng water birth. Bagaman hindi ito naging uso, tiyak na nakuha nito ang interes ng ilan.
May mga dahilan kung bakit pinag-iisipan ng mga babae ang water birth. Personal para sa ilang kababaihan ang labor at delivery. Nakapagbibigay ng ginhawa ang paglubog sa tubig dahil natural ito. Kaya alternatibo ito sa karaniwang paraan ng panganganak.
Ano ang water birth? Alamin ang kasaysayan nito
Tinatawag na water birth ang isang vaginal delivery kung saan nanganganak ang isang ina sa isang bathtub o pool na puno ng maligamgam na tubig. Sinasabing may water birth na simula pa noong sinaunang panahon, ngunit naitala lamang ang unang water birth noong 1805 sa France.
Sinasabing higit na napapataas ng maligamgam na tubig ang relaxation ng mga ina.
Noong 1960s, tanging ang pinabuting resulta lamang para sa bagong panganak ang layunin ng water birth nang pag-aralan ng mga Russian obstetrician na sina Tjarkovsky at Leboyer ang konsepto na ito.
Pinasikat naman ito ng French obstetrician na si Michael Odent, na naglathala ng kanyang karanasan tungkol sa ginawa niyang 100 na water birth. Sinasabing nakababawas ng sakit sa unang bahagi ng labor ang paglubog sa tubig. Sa kasalukuyan, maaaring piliin ng mga babaeng malusog at walang komplikasyon sa pagbubuntis ang water birth.
Ano ang nangyayari sa water birth
Maaaring piliin ng isang ina na bumabad sa tubig sa unang stage ng kanyang labor at manganak sa delivery table ayon sa kanya. Maaaring magpasya rin ang ilang kababaihan na tuluyang mag-labor at manganak sa tubig. Puwede ring pumasok na lamang sa pool o batya ang isang ina sa oras na manganganak na siya. Marapat na ipaliwanag nang mabuti sa isang ina ang maaari niyang pagpilian.
Sa oras ng panganganak, babantayan ang vital signs ng ina at ang fetal heart rate ayon sa standard guidelines. Maaari ding gawin sa ilalim ng tubig ang pelvic examination kung makita ng healthcare provider na ligtas ito.
Hindi inirerekomenda ang pagsasagawa ng amniotomy sa tubig dahil maaaring mahirap makita kung nahaluan ng meconium o madugo ang amniotic fluid. Gayunpaman, maaaring makaranas ang isang babae ng biglaang pagputok ng membranes habang nasa tubig. Malalaman lang ito ng healthcare provider sa vaginal examination.
Sa oras ng water birth, ipinapanganak ang sanggol sa maligamgam na tubig. Kapag lumabas na ang sanggol, agad na inaangat ito nang marahan sa tubig. Sinisigurado ng healthcare provider na nananatiling nasa ibabaw ng tubig ang ulo ng sanggol. Maaaring manatili ang katawan ng sanggol sa ilalim ng tubig upang mapanatili ang init, maliban kung may mga kondisyon kung saan hindi mabuti ang sanggol (halimbawa: mahinang pag-iyak, may problema ang katawan, meconium stained, o hirap sa paghinga).
Mga panganib ng water birth
Sa pinagsama-samang dugo, amniotic fluid, at minsan kahit dumi, may alalahanin din tungkol sa kaligtasan ng water birth. Ilan ang mga sumusunod na komplikasyon ng mga bagong panganak:
- pagkalunod sa tubig
- neonatal hyponatremia (mababang sodium)
- neonatal waterborne infectious disease
- cord rupture na may neonatal hemorrhage
- hypoxic ischemic encephalopathy
- at mas malala pa, pagkamatay
Ilang pag-aaral ang naghahambing sa resulta ng mga batang pinanganak sa water birth. Isang malawakang pagsusuri sa Cochrane ang nagsabi na walang katunayan na nagpapataas ng posibilidad ng masamang resulta para sa mga ina at bagong silang ang water birth.
Bagaman kailangan pa ng mas maraming pag-aaral upang higit na maunawaan ang epekto ng water birth sa mga bagong silang, ngunit para sa mga nanay, posible ba? Kabilang sa komplikasyon ang water embolism. Nangyayari ito kapag pumasok ang tubig sa bloodstream ng ina na magreresulta ng problema sa kanyang daloy ng dugo.
Mga sitwasyon na hindi akma para sa water birth
May mga sitwasyon kung saan kailangan ipagbigay-alam sa isang ina kung mayroon ng mga sumusunod na dahilan kung bakit hindi inirerekomenda ang water birth:
- Active genital herpes o anumang open wound sa vaginal area – Maaaring makontamina ng herpes at ng iba pang sugat ang tubig kung nasaan ang sanggol.
- Intraamnionic infection – Posible ang pamamaga ng fetal membrane dahil sa bacterial at viral infection dahil sa maagang pagputok ng panubigan habang labor o bago pa mag-labor. Mas lalo lamang kakalat ang impeksyon kung nasa tubig.
- Preterm labor
- Mga maternal disease na nagbibigay komplikasyon sa pagbubuntis tulad ng hypertension o history ng seizure.
- Nakaraang cesarean delivery.
- Kambal o higit pang bilang ng pinagbubuntis
- Para sa induction of labor – sa water birth, hindi inirerekomenda ang labor induction dahil hindi posible ang close monitoring para sa sanggol.
Sumusunod ang kinakailangan ng mga pasilidad na nagbibigay ng water birth:
- Mahigpit na protocol para sa pagpili ng ina
- Maintenance at paglilinis ng mga tub at pool
- Infection control procedure
- Tamang monitoring sa pasyente at sa sanggol habang nasa proseso ng water birth
- Paglipat sa ina mula sa tub kung magkaroon mang mabilisang maternal at fetal concerns o magkaroon man ng komplikasyon.
Para sa mga babaeng interesado pa rin sa water birth, panatiliin ang bukas na kaisipan at maging handa kung kinakailangang lumipat sa plan B.