Ang makunan ay karaniwan nang alalahanin sa unang bahagi ng pagbubuntis. Kapag nangyari ito, maaaring kailangan ng isang babae ang dilation and curettage (D&C) procedure o “raspa”. Maaari din namang hindi. Ngunit kailangan bang laging magpa-raspa ang babaeng nakunan? Pwede bang makunan ang babae nang hindi niraspa? Ibabahagi ng artikulong ito ang sagot at paano mo haharapin ang hindi inaasahang pagkawala ng iyong dinadala.
Kadalasang nakukunan ang buntis sa unang tatlong buwan (bago maglabindalawang linggo) ng kanyang pagbubuntis. Sa kabilang banda naman, ang stillbirth ay nangyayari lamang pagkatapos ng 20 linggo ng pagbubuntis. Sa pangkalahatan, 1 sa 5 o 15-20% sa lahat ng pagbubuntis ang nakukunan.
May mga pagkakataon pang may naiiwang ilang tissue sa sinapupunan kapag nakukunan. Kaya’t may paniniwalang kailangang magpa-raspa o dilation and curettage (D&C) kapag nakunan. Ngunit pwede bang makunan nang hindi niraspa? Alamin natin sa pamamagitan ng iba’t ibang mapagpipilian na gamutan.
Iba’t ibang Gamutan kapag Nakunan
May tatlong magkakaibang gamutan ang pwedeng gawin matapos makunan: pagbabantay at paghihintay, medikasyon, at ang D & C procedure.
Expectant Management (Pagbabantay at Paghihintay)
Tinutukoy ng expectant management ang proseso kung saan hihintayin mong ihinto ng iyong katawan ang pagbubuntis nang kusa. Habang nakukunan ang iyong katawan, maaaring may lumabas sa iyong dugo at tissue, at makaranas ka ng masakit na pamumulikat. Kapag natapos na ang iyong pagbubuntis, dapat na kusang huhupa ang pagdurugo at pamumulikat.
Asahan mo rin ang mas malakas sa regla sa loob ng 3 hanggang 4 na araw. Pagkatapos nito, dapat ay mabawasan o humina na ang pagdurugo. Karaniwang dinudugo ang babae sa loob ng 10 – 14 na araw. Pwedeng magreseta ng pampapawi ng sakit ang doktor.
May mga babaeng pinipili ang expectant management dahil isa itong treatment para sa nakunan nang hindi niraraspa.
Medikal na Lunas o Gamot
Ang babaeng kasalukuyang nakararanas na makunan ay maaaring gumamit ng ilang iniresetang gamot upang maipagpatuloy ito sa bahay. Posibleng magdulot ng sobrang stress ang paghihintay kung kailan ito matatapos. Kaya’t pinipili nila ang ganitong pamamaraan ng gamutan.
Sa tulong ng medikal na lunas o gamot, mas napapabilis ang proseso na makunan sa pribadong paraan o habang nasa bahay. Ang mga iniresetang gamot ay makakatulong na mabuksan ang cervix (uterine neck) at maitulak palabas ng katawan ang tissue. Kabilang sa tissue ang nabubuong sanggol, placenta, at pregnancy membranes.
Karaniwang nangangailangan ng ilang oras bago ito magsimula. Maaari kang makaranas ng pagsakit, pagdurugo o pamumuo ng dugo, na maaaring tumagal nang hanggang apat na linggo.
Kailangang may preskripsiyon ng doktor ang medikasyong ito at hindi mahal. Ngunit mayroon itong ilang side effect. 80-90% ang porsyentong ito ay magtatagumpay. Ngunit kung hindi lahat ng tissue ay lumabas sa katawan, maaaring kailangan mo pa rin ng operasyon.
Operasyon
Tinutukoy ang dilation and curettage (D & C) sa isang surgical procedure na tinatanggal ang pregnancy tissue sa sinapupunan o uterus. Dahan-dahang binubuksan (dilated) ang cervix, saka dahan-dahang tatanggalin ng doktor ang tissue mula sa sinapupunan na may suction gamit ang malambot na tubong gawa sa plastic. Maaaring isagawa ang operasyong ito nang may anesthesia sa operating room o sa klinika na may gamot para sa sakit.
Nakalalamang ang D & C procedure sa iba dahil mas mabilis matatapos ang makunan. May mga babaeng ayaw nang maghintay ng ilang araw o linggo bago kusang matapos ang makunan. 15 minuto lamang ang proseso ng raspa, at maaari ka nang umuwi sa parehong araw.
Pwede Bang Makunan nang Hindi Niraspa?
May mga pagkakataong maaaring makunan ang isang babae nang hindi niraraspa. Karaniwan, maaaring ligtas na makunan ang babae nang may di gaanong kalaking komplikasyon lamang.
Mabigat sa kalooban para sa mga babae ang paghihintay upang kusang makunan lalo na sa ganito kahirap na sitwasyon.
Maaaring irekomenda ng mga doktor ang raspa sa nakukunan kung:
- nakunan matapos ang 10-12 linggong pagbubuntis
- may mga komplikasyon
- may medikal na mga kondisyon na nangangailangan ng agarang pag-aalaga
Key Takeaways
Maaaring ikabigla mo ang makunan. Normal lang na maramdaman ito. Huminto pansamantala at isiping hindi ka nag-iisa sa ganitong napakahirap na panahon. Anuman ang piliin mong treatment option, halos pareho lamang ang panganib ng impeksyon na may mababang posibilidad ng komplikasyon. Tiyaking kumonsulta sa doktor kung nakunan ka. Kausapin ang iyong partner tungkol dito. Magpunta sa doktor upang malaman kung anong uri ng gamutan ang pinakamabuti para sa iyong sitwasyon.
Matuto pa tungkol sa mga komplikasyon dito.