Ang premature na panganganak ang isa sa pinakakinatatakutan ng mga buntis dahil sa mga posibleng panandalian at pangmatagalang epekto nito sa sanggol.
Basahin pa ang artikulong ito upang matuto tungkol sa premature birth. Ano ang mga sanhi nito, at ano ang puwede mong gawin upang maiwasan ito?
Ano Ang Premature Na Panganganak?
Karamihan sa mga nanay ay nanganganak sa ika-40 linggo ng kanilang pagbubuntis. Bagaman maaari pa rin namang manganak ang buntis ng malusog na sanggol kahit sa ika-37 linggo. Ito ay dahil nasa full-term na ang sanggol sa ika-37 linggo.
Kapag sinabing full term, ang sanggol ay buong-buo na at mas mababa ang panganib na magkaroon ng komplikasyon at ng iba pang sintomas ng premature na panganganak.
Ang panganganak na nangyari bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis ay matatawag na premature na panganganak. Tinatawag itong premature dahil hindi pa fully-developed ang sanggol.
Ang ibig sabihin nito, ang premature na sanggol ay mas maliit kumpara sa mga sanggol na ipinanganak nang full-term, at mas madali silang magkaroon ng mga komplikasyon.
Narito ang ilan sa mga posibleng komplikasyon ng mga premature na sanggol:
- Problema sa paghinga tulad ng bronchopulmonary dysplasia at respiratory distress syndrome
- Neonatal sepsis o infections
- Intraventricular hemorrhage o pagdurugo ng utak
- Jaundice
- Retinopathy of premature, isang sakit na sanhi ng hindi na-develop na retinas
Dahil sa mga komplikasyong ito, at ng marami pang iba, hindi magandang magkaroon ng premature na panganganak. Inilalagay rin ng mga ospital ang premature na sanggol sa NICU o neonatal intensive care unit upang mabigyan ng mas espesyal na pangangalaga.
Sa ngayon, advance na ang medical science kaya’t karamihan sa mga ospital ay kayang makapagbigay ng tamang pag-aalaga para sa mga premature na sanggol. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito na hindi na delikado ang premature na panganganak, dahil maaari pa rin itong mauwi sa mga seryosong komplikasyon.
[embed-health-tool-due-date]
Ano Ang Mga Panganib Ng Premature Na Panganganak?
May ilang mga bagay na nagiging dahilan ng premature na panganganak. Narito ang ilan sa mga panganib:
- Multiple pregnancies gaya ng pagkakaroon ng kambal (twins) o triplets (tatlong sanggol)
- May nauna nang karamdaman gaya ng diabetes
- Genetics
- Panganganak sa murang edad
- Impeksyon
- Kakulangan sa nutrisyon
Sa ilang mga kaso, maaaring planado ng doktor ang premature na panganganak. Nangyayari ito kapag ang ina o ang sanggol ay may seryosong problemang pangkalusugan o may kondisyong nanganganib ang kanilang buhay. At ang tanging solusyon ay ang preterm na panganganak. Nangyayari ito sa halos 25% ng mga kaso.