backup og meta

Komplikasyon Sa Pusod: Anu-ano Ba Ang Mga Ito?

Komplikasyon Sa Pusod: Anu-ano Ba Ang Mga Ito?

Ang pusod o umbilical cord ang responsable sa pagdadala ng dugo, sustansya, at oxygen mula sa inunan patungo sa fetus, gayundin sa pag-aalis ng dumi. Gayunpaman, may mga problema sa pusod na maaaring mangyari sa panahon ng pagbubuntis. Ang isa sa mga pinaka-karaniwang komplikasyon sa pusod ay cord coil. Narito ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa mga komplikasyon sa pusod.

Ano ang cord coil?

Ang cord coil o nuchal cord ay nangyayari kapag ang umbilical cord ay nakaikot sa leeg ng hindi pa isinisilang na bata. Ito ay isang medyo karaniwang komplikasyon na maaaring mangyari sa 15 porsiyento hanggang 35 porsiyento ng lahat ng pagbubuntis. Karaniwan, ang mga nuchal cord ay hindi nagdudulot ng anumang komplikasyon sa sanggol o ina. Ang mga komplikasyon sa pusod ay nangyayari kapag mayroong marami o masikip na coils, kahit na ito ay isang pambihirang senaryo.

Kahit na may cord coil, karamihan sa mga sanggol ay maaari pa ring maipanganak vaginally. Ang isang cesarean section (C-section) ay kailangan lamang kung ang nuchal cord ay nagdudulot ng panganib sa hindi pa isinisilang na sanggol.

Ano ang mga uri ng cord coil?

Ang dalawang uri ng nuchal cords ay:

Type A nuchal cord o naka-unlock na nuchal cord.

Ang ganitong uri ng nuchal cord ay free sliding, ibig sabihin, maaari itong kusang kumalas sa paggalaw ng pangsanggol.

Type B nuchal cord o naka-lock na nuchal cord.

Ito ay isang mas komplikadong uri ng cord coil kung saan ang mga paggalaw ng sanggol ay hindi maaaring i-undo ang coil. Karaniwan, ang isang Type B na nuchal cord ay nangangailangan ng isang C-section.

Ano ang mga sanhi at risk factors?

Ang isang nuchal cord o kompliksayon sa pusod ay malamang na mangyari kung ang:

  • Masyadong mahaba ang pusod (normal na haba ay 50 hanggang 60 cm habang ang mahabang kurdon ay humigit-kumulang 100 cm)
  • Masyadong aktibo ang fetus sa loob ng sinapupunan
  • Ang umbilical cord ay kulang sa Wharton’s jelly (isang gelatinous substance na nagpapanatili sa cord knot-free)
  • Buntis na may kambal o multiple
  • Ang umbilical cord ay may mahinang istraktura
  • Napapalibutan ng labis na dami ng amniotic fluid (polyhydramnios) ang sanggol

Walang paraan upang maiwasan ang isang komplikasyon sa pusod, at pwede lang itong mai-manage ng doktor sa oras ng panganganak. Tandaan na ang mga ina ay walang kinalaman sa paglitaw ng mga cord coils. Ito ay isang kusang, natural na proseso na hindi ma-predict at medyo mahirap matukoy.  

Ano ang mga komplikasyon ng cord coil?

Ang mga multiple coil, pati na rin ang mga masikip na coil, ay nagdudulot ng higit na panganib kaysa sa mga single o loose coil. Narito ang mga komplikasyon sa pusod na dapat mong malaman:

Hypoxic-ischemic encephalopathy (HIE).

Ito ay isang uri ng pinsala sa utak na dulot ng kakulangan ng oxygen at limitadong daloy ng dugo sa utak bago o sa oras ng panganganak. Ang mga sanggol na nakakaranas ng HIE sa oras ng kapanganakan ay may mas mataas na risk na magkaroon ng ilang partikular na karamdaman tulad ng cerebral palsy, epilepsy, malubhang kapansanan sa pandinig at paningin, at mga problema sa motor at pag-uugali.

Intrauterine growth restriction (IUGR).

Ito ay maaaring mangyari kung may mga problema sa pagdaloy ng dugo sa pusod. Ang IUGR ay tumutukoy sa abnormal na paglaki ng isang sanggol (masyadong maliit sila para sa kanilang gestational age) habang nasa sinapupunan ng ina.

Meconium aspiration syndrome.

Kapag kulang ang oxygen, ang fetus ay napipilitang huminga ng mas malalim. Maaari itong humantong sa aspiration of amniotic fluid na naglalaman ng meconium o “newborn poop.”  Ang meconium aspiration syndrome ay magagamot ngunit maaaring magresulta sa mga malubhang komplikasyon tulad ng pneumonia, pneumothorax, at pinsala sa utak.

Fetal acidosis.

Ito ay kapag ang acidity levels ng fetus’ blood  ay tumaas sa mga mapanganib na antas. Ang fetal acidosis ay isang napakaseryosong komplikasyon na maaaring humantong sa pinsala sa utak at maging sa kamatayan.

Mga abnormalidad sa neurodevelopmental.

Maaaring hadlangan ng masikip na cord coil ang daloy ng dugo sa utak ng fetus. Maaari itong magresulta sa mga abnormalidad sa neurodevelopmental gaya ng ADHD, autism, Tourette’s syndrome, at developmental coordination disorder.

Patay na panganganak. (Stillbirth)

Ito ay itinuturing na isang napakabihirang pangyayari, at maaaring maganap sa una o ikalawang trimester ng pagbubuntis.

Paano sinusuri at ginagamot ang cord coil?

Ang tanging paraan upang masuri ang isang nuchal cord o komplikasyon sa pusod ay sa pamamagitan ng ultrasound. Gayunpaman, maaari lamang ipakita ng ultrasound kung may mga pagkakabuhol; hindi ito makakatulong sa mga doktor na matukoy kung ang sanggol ay nasa panganib ng anumang mga komplikasyon.

Kung minsan, ang isang cord coil ay maaaring makalas habang ang sanggol ay nasa loob pa ng sinapupunan. Gayundin, maaaring pakawalan ng sanggol ang sarili mula sa isang cord coil sa pamamagitan ng kanyang paggalaw. 

Sa mga kaso kung saan ang cord ay hindi makakalas sa sarili nito, ang doktor ang siyang manu-manong magtatanggal nito mula sa leeg ng sanggol sa oras ng panganganak. 

Kung ang sanggol ay nagpapakita ng mga palatandaan ng kakulangan ng oxygen, ang attending physician ay magsasagawa ng resuscitation upang makatulong na mapababa ang panganib ng sanggol sa pinsala sa utak.

Key Takeaways

Ang anumang pinsala sa pusod ay maaaring maging dahilan ng pag-aalala. Gayunpaman, majority sa mga pangyayari sa nuchal cord ay hindi mapanganib. Malalaman mo lang at ng mga doktor kung may posibilidad ng mga komplikasyon sa pusod sa oras ng panganganak.
Walang magagawa ang mga magulang para maiwasan ang nuchal cord. Kung ikaw ay na-diagnose na may cord coil sa panahon ng iyong pagbubuntis, ang pinakamagandang gawin ay manatiling kalmado at kumunsulta sa iyong doktor.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Nuchal Cord and Birth Asphyxia  https://www.abclawcenters.com/nuchal-cord/ Accessed October 5, 2020

What Happens if the Umbilical Cord is Around My Baby’s Neck? https://utswmed.org/medblog/nuchal-cord-during-pregnancy/ Accessed October 5, 2020

Nuchal Cord Birth Injuries https://www.cerebralpalsyguidance.com/cerebral-palsy/causes/nuchal-cord-birth-injuries/ Accessed October 5, 2020

Umbilical Cord Problems https://www.birthinjuryguide.org/birth-injury/causes/umbilical-cord-problems/ Accessed October 5, 2020

Nuchal Cord and Its Implications https://www.researchgate.net/publication/321440874_Nuchal_cord_and_its_implications Accessed October 5, 2020

Cerebral palsy, https://www.cerebralpalsyguidance.com/cerebral-palsy/, Accessed July 10, 2021

Kasalukuyang Version

03/14/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Pwede Bang Makunan nang Hindi Niraspa? Alamin Dito!

Ano Ang Uterine Atony? Paano Ito Gamutin?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement