Bukod sa paghahanda ng sarili sa panganganak, dapat mo ring ihanda ang iyong maternity go-bag essentials, lalo na kung malapit ka nang manganak. Sakaling manganak ka nang maaga, inirerekomendang ihanda mo na ang karamihan sa iyong labor at birth essentials 2 hanggang 3 linggo bago ang iyong due date. Narito ang lahat ng dapat mong malaman tungkol sa ano ang dapat dalhin bago manganak.
Paano Maghanda Para Sa Iyong Panganganak
Nasasabik ka na bang makita ang iyong baby? Nagawa mo na ba ang lahat ng kailangan mong gawin bago ka manganak? Mapapanatag ang iyong isip, magiging maayos ang takbo ng iyong panganganak at magiging less stressful ito kung makukumpleto mo na ang lahat ng paghahandang kinakailangan bago dumating ang araw na makikita mo na ang iyong baby.
Narito ang mga dapat mong gawin bago lumabas ang iyong baby:
- Tiyaking nakapagdesisyon ka na kung anong gusto mong klase ng panganganak. Ang ilan sa mga pagpipilian ayon sa naging usapan ninyo ng iyong healthcare provider ay natural vaginal birth, cesarean section, o water birth. Ngunit tandaan na dapat ay may plan B ka sakaling hindi mangyari ang una mong plano.
- Kailangan mo ring magkaroon ng pinal na desisyon kung saan mo gustong manganak. Gusto mo bang manganak sa ospital, o sa birth center?
- Kung pinili mong manganak sa ospital, mahalagang maging pamilyar ka sa mga admitting protocol ng ospital, pati na rin sa mga dokumentong kailangan mong iproseso. Mas maganda kung affiliated sa gusto mong ospital ang iyong doktor.
- Ihanda ang lahat ng iyong ID at dokumento. Ilan sa mga dokumentong kailangan mong ihanda bago manganak ay ang birth certificate mo at ng iyong asawa, resulta ng nakalipas mong laboratory test, birth plan, at insurance policy.
- Kailangan mo ring linisin ang iyong bahay bago dumating ang iyong baby. Ilang linggo bago ang iyong due date, baka maisipan mong linising mabuti ang buong bahay. Ang tawag dito ay “nesting.”
Matapos manganak, maaaring hindi mo magawang linisin nang mabuti at ayusin ang iyong bahay sa loob ng ilang linggo o buwan. Ito ang dahilan kung bakit magandang gawin ang “nesting” upang maihanda ang iyong bahay sa pagdating ng iyong baby at hindi ka gaanong ma-stress sa pag-uwi mo mula sa ospital.
Iba Pang Mga Dapat Paghandaan
- Ipaalam sa iyong partner ang lahat ng mga dapat gawin sa bahay. Makatutulong ito upang malaman ng iyong partner kung ano ang gagawin upang mapanatiling maayos ang takbo ng lahat sa loob ng bahay habang nagpapagaling ka.
- Mamili na at mag-imbak ng mga mahahalagang bagay na kailangan sa oras na manganak ka na. Puwede ka ring mamili na ng maraming pagkain at ilagay sa freezer upang hindi na mag-alala sa kakainin sa unang linggo matapos manganak.
- Tiyaking nakahanda na rin ang iyong sasakyan bago ka manganak. Ayaw mo namang ma-stress ang sarili sa paghahanap ng masasakyan papuntang ospital habang nag-le-labor ka, di ba?
- Kailangan mo ring ihanda at kompletuhin ang iyong maternity go-bag essentials isang buwan o ilang linggo bago ka manganak. Makatutulong ito upang wala kang makalimutan na kailangan mo habang nasa ospital.
Nakadepende ang iba pang kinakailangang paghahanda sa uri ng panganganak at lugar kung saan ito mangyayari. Mahalagang alamin sa iyong birth team ang mga proseso na kailangan mong pagdaanan upang ma-enjoy mo ang mga huling sandali ng iyong pagbubuntis.
Anong Maternity Go Bag Ang Kailangan Ko?
Nakapapagod ngunit nakasasabik din ang paghahanda ng iyong bag bago ang panganganak lalo na kung ikaw ay first-time mom. Narito ang listahan ng mga dapat dalhin bago manganak, para sa iyo, sa iyong partner, at sa inyong baby.
Mga Dapat Dalhin Bago Manganak — Para Sa Iyo At Sa Iyong Partner
- Mahahalagang dokumento gaya ng ID, birth plan, doctor’s note, lahat ng resulta ng iyong nakalipas na laboratory tests, at ang iyong insurance policy.
- Pera o anumang paraan ng pagbabayad na mayroon ka. Mahalaga ito kapag ikaw ay nasa ospital. Makatutulong din ang pagkakaroon ng sobrang pera sa iyong maternity go bag essentials sakaling biglang kailanganin.
- Komportableng mga damit gaya ng maluluwag na maternity dress, maternity panties, at nursing bras ay makatutulong upang makagalaw ka nang maayos habang nanganganak. Huwag ding kalimutang magdala ng ekstrang damit na isusuot sa iyong pag-uwi at ng iyong partner.
- Mga personal hygiene essentials gaya ng tuwalya, shampoo, conditioner, sabon sa katawan, toothbrush, at toothpaste na dapat na kasama sa iyong maternity bag. Baka mangailangan ka ng maraming maternity pads dahil maaaring magkaroon ka pa rin ng banayad na vaginal bleeding matapos manganak. Maaari itong magbago depende sa iyong gusto.
- Listahan ng mga pangalan at phone numbers. Kailangan din ito upang ipaalam sa iyong pamilya na manganganak ka na o nakapanganak ka na.
- Entertainment o leisure items gaya ng iyong cellphone (huwag kalimutan ang charger), tablet, laptop, o magasin upang hindi ka ma-bored. Makatutulong din ang mga bagay na ito sa iyong partner bilang pampalipas oras habang hinihintay ang iyong panganganak. Maaalis din nito ang iyong isip mula sa sakit na dulot ng contractions ng iyong tyan.
- Magbaon ng pagkain at inumin para sa iyo at sa iyong partner. Mahalaga ang pagkain at inumin dahil maaari kang maubusan ng lakas habang nag-le-labor. Gayunpaman, tanungin muna ang iyong medical provider kung puwede kang kumain at uminom bago manganak.
- Mahalaga ring magdala ng camera o video recorder upang hindi makalimutan na kumuha ng mga larawan o video ng iyong panganganak (kung pinahihintulutan) o ng mga unang tagpo ninyo ni baby na magkasama.
Mga Dapat Dalhin Bago Manganak — Para Kay Baby
Ito naman ang mga bagay na dapat dalhin bago manganak na para sa iyong baby:
- Mga damit gaya ng onesies at iba pang damit ng sanggol, sumbrero, at medyas. Maghanda rin ng cute at komportableng damit para sa pag-uwi ng iyong baby.
- Toiletries gaya ng diapers (marami nito), fragrance-free na baby wipes, bulak, alcohol, baby oil, at gentle baby cleanser.
- Tuwalya at receiving blankets na mahalagang isama sa iyong maternity go-bag essentials.
- Mahalaga rin ang car seat para sa ligtas na pagbiyahe at kung ini-re-require ng inyong lungsod ang pagkakaroon nito kapag nagmamaneho nang may kasamang sanggol.
[embed-health-tool-due-date]
Key Takeaways
Kapag malapit ka nang manganak, maaaring makaranas ka ng pressure at stress. Nakababawas ng pag-aalala ang pagiging abala sa paghahanda ng iyong mga kinakailangan bago ang target na petsa ng iyong panganganak. Sa tulong ng listahan dito, ngayon alam mo na ang lahat ng dapat dalhin bago manganak.
Huwag kalimutang ihanda ang sarili at ang iyong partner sa bagong kabanata ng inyong buhay. I-enjoy ang huling mga sandali ng iyong pagbubuntis, at sa ilang sandali lang ay makikita ni’yo na ang inyong baby.
Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis at Panganganak dito.