Ang postpartum swelling o pamamanas pagkatapos manganak ay isang karaniwang pangyayari sa pangkalahatan. Nagaganap ang edema kapag ang liquid (hal. tubig) ay lumipat sa extracellular space o sa spaces sa pagitan ng tissues sa labas ng blood vessels. Maraming mga sanhi at factors na nagko-contribute sa pamamaga. Ang ilan dito ay normal lamang habang ang iba naman ay maaaring mag-indicate ng kondisyon na dapat gamutin. Matuto nang higit pa tungkol sa kung ano ang nagiging sanhi ng pamamanas pagkatapos manganak at kung paano ito i-manage.
Pamamanas pagkatapos manganak
Mga sanhi ng edema
Sa pangkalahatan ang edema ay nangyayari kapag may naipon na tubig sa katawan at kapag may fluid overload ang isang babae kung saan hindi na kaya ng cells nila makahawak ng maraming tubig.
Bukod sa nabanggit, ang sobrang sodium o asin ay maaaring magdulot ng pamamaga. Ito’y dahil hinihila nito ang tubig sa tissues na nagiging sanhi ng retention.
Sa panahon ng pagbubuntis, ang edema ay normal at inaasahan lalo na kapag malapit na ang panganganak, dahil habang lumalaki ang fetus ang ina ay nangangailangan ng mas maraming tubig at nutrients. Ang lumalaking baby ay maaari ding i-compress ang veins sa ibabang bahagi ng katawan. Ang fluid naman ay may posibilidad na mag-build up dahil sa hormones na nagdudulot ng sodium at water retention. Karamihan din sa mga buntis na nakaupo nang matagal o naka-bedrest ay magkaroon ng pinagsasama-samang liquid sa ibabang bahagi ng paa.
Banta sa kalusugan
Sa kabutihang palad, ang edema lamang ay hindi dahilan ng major concern. Kung ang edema ay makikita lamang sa mga bukung-bukong, maaari mo lamang obserbahan ito. Gayunpaman, maraming mga sakit na pwedeng maging sanhi ng edema at kasama sa ilang halimbawa ang:
- malalang sakit sa bato
- congestive heart failure
- liver cirrhosis
Bilang karagdagan, ang ilang mga gamot ay maaari ding maging dahilan ng edema bilang isang side effect.
Ang preeclampsia ay isa pang kondisyon na maaaring magpakita ng pamamaga o edema at kasama sa mga senyales ang:
- facial edema
- pagduduwal at pagsusuka
- pananakit ng tiyan
- migraine
- mabilis na pagtaas ng timbang
- pagtaas ng presyon ng dugo
Sinasabi na pangunahing alalahanin ang preeclampsia sa panahon ng pagbubuntis. Pero ang postpartum preeclampsia ay isang bihirang pangyayari na karaniwang nagaganap sa loob ng 48 oras pagkatapos manganak. Ang parehong uri ng preeclampsia ay isang medical emergency. Nangangailangan ito ng agarang tritment para maiwasan ang mga seizure at mga komplikasyon.