Ang pagiging isang vegan na buntis ay kakaibang karanasan kumpara sa ibang mga ina. Ito ay dahil mayroong ilang nutrients na hindi nahahanap sa mga plant-based foods. Ngunit totoo ba na mas madalas makaranas ng pagkalaglag ng bata ang mga vegan? Nagbabago nga ba ang pagbubuntis base sa iyong kinakain?
Pagiging Vegan
Marami tao ang nagnanais na sumubok ng mas healthy at sustainable na pamumuhay. Sa pamamagitan ng vegan diet, lahat ng iyong kinakain ay plant-based. Hindi ka na kakain ng karne at manok, kabilang na rin ang itlog, gatas, at seafood.
Ang pagbabawas ng ganitong pagkain ay nakakapagpababa ng fat at sugar intake, at nakakapagpataas ng fiber sa katawan. Dahil dito, nagiging mas malusog ang katawan at naibababa ang panganib ng mga sakit tulad ng heart disease.
Mga Dahilan Ng Pagkalaglag Ng Bata
Ang pagkalaglag ng bata o miscarriage kung tawagin ay kadalasang nangyayari bago ang ika-20 na linggo ng pagbubuntis. Maraming dahilan kung bakit ito nangyayari. Ngunit kadalasan, ito ay dahil sa mga underlying conditions ng isang ina habang siya ay nagbubuntis. Heto ang ilang posibleng dahilan:
- Pagiging edad 35 pataas
- Uncontrolled diabetes
- Pabago-bagong mga hormones
- Mga impeksyon
- Problema sa uterus o cervix
- Sakit sa thyroid
- Pagkakaroon ng malnutrisyon
- Epekto ng ilang gamot
- Problema sa mga chromosomes
Kadalasan, hindi naiiwasan ang pagkalaglag ng bata. Ngunit ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ay nakakabawas ng panganib nito. Ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, at paggamit ng droga naman ay nakakapagpataas ng posibilidad ng pagkalaglag ng bata. Bukod dito, kabilang rin ang pagiging underweight o overweight sa mga posibleng dahilan kaya ito nangyayari.
Mas Nakakaranas Ba Ng Pagkalaglag Ng Bata Ang Vegans?
Hindi totoo na mas mataas ang posibilidad ng miscarriage sa mga vegan. Ito ay dahil nakukuha rin naman nila ang kailangan nilang nutrisyon mula sa plant-based na mga pagkain. Kung mayroon mang kulang sa kanilang nutrisyon, maaari nila itong makuha sa pag-inom ng mga supplements.
Ngunit ang posibleng mangyari ay ang pagkakaroon ng tinatawag na nutrient deficiencies habang nagbubuntis, lalo na at limitado ang kinakain ng mga vegan.
Ang vitamin B12, vitamin D, omega-3 fatty acids, iron, at protein ay kadalasang nahahanap lamang sa animal-based na pagkain. Ngunit nakakatulong naman ang pag-inom ng mga supplements tulad ng vitamins, at pati na rin ang pagkain ng nutritional yeast pagdating dito.
Mahalaga rin na magpakonsulta ang mga ina sa kanilang doktor upang malaman kung anu-ano ba ang nutrients na kailangan nila habang nagdadalang tao. Bukod dito, mainam rin na tanungin ang iyong doktor kung mayroon ka bang mga kondisyon na posibleng makaapekto sa iyong dinadalang sanggol. Kung maagapan agad ang mga problemang ito, tiyak na magiging mababa ang posibilidad na magkaroon ng pagkalaglag ng bata.
Karagdagang Kaalaman
Kung babalik tayo sa tanong na “Mas nakararanas ba ng pagkalaglag ng bata ang mga vegan?” ay walang pag-aaral na nagsasabing konektado ang dalawang bagay na ito. Ang pagiging vegan ay karapatan na gawin ng mga ina, at marami namang alternatibong pagkain na nagbibigay rin ng nutrisyon para sa mga nagdadalang tao.
Bagamat maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng miscarriage, hindi rito kasama ang pagiging vegan o vegetarian. Ang tanging dapat alalahanin ng mga nanay na vegan ay kung sapat ba ang nakukuha nilang nutrisyon. Madali rin naman itong solusyonan basta’t uminom ng mga supplements at maghanap ng alternatibong pagkukuhanan ng mga vitamins at minerals. Kung mayroon ka pang mga karagdagang tanong, huwag mag atubiling magpakonsulta sa iyong doktor.
Alamin ang tungkol sa Pregnancy Problems dito.