Sa panahon ngayon, maraming mga bagay ang dapat nang isaalang-alang ng mga ina habang sila ay nagdadalang-tao. Mga bitaminang pangbuntis, buwanang checkups, screenings, vaccinations, at maging kung papaano mo nais manganak ang ilan sa mga bagay na dapat isipin at tandaan. Ngunit, ang paggamit ng 3D ultrasound o 4D ang isa pang bagay na isa mo pang pagpipilian.
Ano ang mga eksaktong uri ng ultrasound, at ano ang mga pagkakaiba nito sa bawat isa? Magbasa upang matuto pa.
Bakit kailangan mong magpa-ultrasound?
Una sa lahat, pag-usapan muna natin kung ano ang ultrasound, at bakit mahalagang hakbang ito para sa mga buntis.
Tinatawag ring sonogram ang ultrasound. Isang hakbang ito kung saan ang isang device na naglalabas ng soundwaves ang ginagamit upang makabuo ng isang imahe. Malaking tulong ito upang makita ng doktor ang loob ng katawan nang walang napipinsala sa katawan.
Sa konteksto ng pagbubuntis, tinatawag itong fetal ultrasound. Isa itong ligtas na pamamaraan. Hindi ito nakapagdudulot ng ano mang panganib sa baby man o sa nanay.
Maaaring transvaginal o transabdominal ang mga fetal ultrasound. Gumagamit ng device na transducer ang transvaginal ultrasound, na ipinapasok sa ari ng babae. Naglalabas ng sound waves ang transducer na nakabubuo ng imahe. Sa transabdominal ultrasound, sa tiyan naman ipinapatong ang transducer.
Tinutulungan ng fetal ultrasound ang mga doktor upang masinsinang maobserbahan ang kalagayan ng baby. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito nakikita kung mayroon ba itong anumang problema, at sa iba pang kaso, nakikita rin ang kasarian ng baby. Kahit na posibleng magkaroon ng malusog na pagbubuntis nang hindi nagsasagawa ng ultrasound, nakatutulong pa rin itong masigurado ng mga ina na malusog at ligtas ang kanilang pagbubuntis.
Pero ano naman ang 3D sa 4D Ultrasound? May pagkakaiba iba ito sa regular na mga ultrasound? Paano ito naiba?
3D Ultrasound vs 4D: Ano ang pagkakaiba?
Nagbibigay ng 3-dimensional view ng baby ang pangunahing pagkakaiba ng 3D ultrasound sa isang standard fetal ultrasound.
Hindi malinaw ang imahe na nagagawa ng isang regular ultrasound, at sinanay ang mga doktor sa kung papaano titingnan ito at paano ipaliliwanag ang mga nakikita sa mga imahe nito. Habang hindi “high definition” ang ibinibigay ng 3D ultrasound, nagbibigay pa rin ito ng mas malinaw na imahe, dahil ito ay 3D.
Pinagsama-samang iba’t ibang anggulo ito ng mga imahe ng 2D ultrasound upang makabuo ng 3-dimensional view.
Mas mahal ang pagsasagawa ng 3D ultrasound kaysa sa regular na ultrasound dahil mas nangangailangan ito ng paggamit ng advanced equipment.
Ano ang pinagkaiba ng 4D ultrasound?
Sa kabilang banda, isang 3D ultrasound rin ang 4D ultrasound ngunit may dagdag itong paggalaw. Ibig sabihin, bukod sa static na imahe, makikita ng mga magulang ang paggalaw ng kanilang baby sa sinapupunan ng nanay.
Mas mahal rin ang bayad dito, pero mas gingusto ito ng ilang mga magulang dahil dito nila nakikita ang kanilang baby na “in action”, ika nga nila.
3D ultrasound vs 4D: Ano ang mas okay?
Ngayon, pipiliin mo ba ang standard ultrasound, o baka naman 3D ultrasound kaysa sa 4D ultrasound? Nakadepende ang kasagutan sa iyo.
Para sa karamihan, sapat na ang standard ultrasound upang mabigyan ng ideya ang mga doktor kung gaano kalusog ang baby. Gayunpaman, maaari ding gumamit ang mga doktor ng 3D o 4D ultrasound upang magkaroon sila nang mas malinaw na tingin ng mga internal structures ng katawan ng baby. Makatutulong ito upang mas malaman nila ang mga posibleng birth defects o problema na pwedeng mayroon ang baby.
Bagaman malusog ka at walang problema sa baby na nakikita ang iyong doktor, sasapat na ang paggamit ng standard ultrasound. Madalas namang ang mga doktor ang nagrerekomenda sa paggamit ng 3D o 4D ultrasound kung sa tingin nilang mas makatutulong ito para sa mas maayos na pagsusuri.
Pinakamainam na gawin na komonsulta sa iyong doktor ukol dito. Sila ang mainam na makapagbigay ng payo kung anong uri ng ultrasound ang aakma sa iyo.