Ang birth defect ay maaaring mangyari kung may anomalya sa bahagi o paggana ng anumang bahagi ng katawan ng sanggol pagkasilang nito. Maaaring ito ay sanhi ng genetic, pangkalikasan, o pareho. Sa Pilipinas, nangunguna ang mga problema sa panganganak o congenital anomalies bilang sanhi ng kamatayan ng mga sanggol at bata. Alamin sa artikulong ito kung ano ang mga pinakakaraniwang birth defects sa bansa at mga angkop na gamutan.
Mga Problema Sa Panganganak At Karaniwang Birth Defects Sa Pilipinas
Ayon sa ulat ng mga bagong silang na sanggol mula sa Philippine General hospital noong 2011-2014, narito ang mga pinakakaraniwang problema sa panganganak:
Ang pinakakaraniwang congenital na anomalya ay kinabibilangan ng nervous system. Nangyayari ito sa 83 bagong silang na sanggol sa bawat 10,000 ipinapanganak.
Sa ngayon, ang congenital hydrocephalus ay ang pinakakaraniwang anomalya sa nervous system. Nangyayari ito kung may sobrang cerebrospinal fluid sa utak.
Ang kadalasang gamot sa kondisyong ito ay kadalasang ang shunting, kung saan ang doktor ay naglalagay ng maliit at flexible na tubo sa utak upang maalis ang fluid mula sa utak patungo sa ibang bahagi ng katawan tulad ng tiyan.
2. Iba Pang Nervous System Anomalies
Dahil ang mga anomalya sa nervous system ay ang pinakamadalas na mangyari, narito ang ilan sa birth defects na kabilang sa kategoryang ito.
Isa sa mga ito ay ang anencephaly. Ito ay isang neural tube defect kung saan may kulang na bahagi sa ulo at bungo ng sanggol. Walang gamot para sa anencephaly at ito ay may rate na 100% ng kamatayan sa unang taon nito. Matapos maisilang ang sanggol, dapat siyang panatilihing mainit at komportable.
Maliban pa sa anencephaly at congenital hydrocephalus, ang iba pang mga karaniwang anomalya sa nervous system ay ang mga sumusunod:
- Encephalocele, kung saan may tila sac na nakausli sa utak at sa membrane na bumabalot sa mga ito hanggang sa bukana ng bungo. Kabilang sa gamutan ay ang operasyon upang mailagay ang nakausling bahagi pabalik sa utak at upang maisara ang bungo.
- Microcephaly, kung saan ang ulo ng sanggol ay mas maliit kaysa sa inaasahan. Walang gamot sa microcephaly, ngunit may therapies na maaaring makatulong sa paglaki at pagdebelop ng bata.
- Spina bifida, kung saan ang spine at spinal cord ng bagong silang na sanggol ay hindi ganap na nadebelop. Walang gamot sa spina bifida, ngunit maaaring sumailalim ang sanggol sa operasyon matapos itong maisilang upang mabawasan ang mga pinsala.
3. Congenital Malformations Sa Tainga
Ang congenital malformations sa tainga ay birth defects na nakaaapekto sa laki at hugis nito.
Isa sa mga anomalya sa pagsilang ng sanggol ay ang microtia, na literal na nangangahulugang “malilit na tainga.” Ang mga sanggol na may microtia ay kadalasang may normal na bahagi ng loob ng tainga, ngunit may kulang na bahagi o lahat ng mga istrukturang bumubuo sa labas na bahagi ng tainga.
Dahil sa mga problema sa pagdebelop ng labas na bahagi ng na tainga, ang sanggol ay maaaring magkaroon ng problema sa pandinig dahil walang istrukturang madaraanan ang tunog.
Ang pinakakaraniwang gamot sa microtia ay ang operasyon upang isaayos ang defect. May ilang mga sanggol na maaari ding mangailangan ng paggamit ng hearing aid.
4. Cardiovascular System Anomalies
Kasunod sa listahan ng karaniwang birth defects sa Pilipinas ay ang cardiovascular system anomalies. Nangyari ito sa 38 sa bawat 10,000 bagong silang na sanggol.
Tinatawag din ito bilang congenital heart disease. Maraming uri ang defect na ito. Ayon sa 2011 hanggang 2014 na mga datos, ang pinakakaraniwang congenital malformations ay ang cardiac septa, kung saan kabilang ang walls na naghihiwalay sa chambers ng puso.
Ang pinakakaraniwang septal defect ay ang ventricular septal defect o VSD, kung saan may malformation sa walls na naghihiwalay sa mabababang chambers (ventricles) ng puso.
Kinakailangan ang operasyon sa paggagamot ng VSD upang matakpan ang hindi normal na butas sa septum.
5. Digestive System Anomalies
Ang pinakahuli sa listahan ay ang digestive system birth defects. Sa Pilipinas, ang pinakakaraniwan ay ang cleft palate na may cleft lip. Ang partikular na anomalyang ito ay nangyayari sa 22 bawat 10,000 na bagong silang na sanggol.
Ang pinakakaraniwang gamutan para sa cleft palate na may cleft lip (maging sa ibang digestive system anomalies) ay ang operasyon upang maitama ang defect.
Key Takeaways
Ayon sa ulat tungkol sa pagsilang ng mga sanggol sa Philippine General Hospital mula 2011-2014, ang pinakakaraniwang defect sa mga isinilang na sanggol ay ang congenital hydrocephalus, ibang nervous system anomalies, malformations sa tainga, anomalies sa cardiovascular system, at digestive system anomalies, partikular na ang cleft palate na may cleft lip.
Matuto pa tungkol sa mga Problema sa Pagbubuntis dito.