Ang tigdas o measles ay isang respiratory infection na kumakalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing. Nagiging sanhi ito ng lagnat, ubo, sipon, at pagluluha. Dalawa hanggang tatlong araw matapos magsimula ang mga sintomas na ito, kadalasang may lumalabas na maliliit na puting spots sa loob ng bibig (Koplik spots), na sinusundan ng mapulang pantal na kumakalat mula ulo hanggang paa. At kung mapanganib ito para sa mga batang wala pang 5 taon at matatandang higit 20, isa rin itong seryosong sakit para sa mga buntis. Ano ang mga posibleng komplikasyon ng measles kung magkaroon ka nito habang nagbubuntis?
Kung Bakit Mas Malaking Problema Ang Measles Para sa Buntis (at sa kanyang sanggol)
Lahat ng komplikasyong nararanasan ng hindi buntis ay maaari ding maranasan ng buntis. Kabilang dito ang:
- Pneumonia, na nangangailangan ng gamot, o sa seryosong mga kaso, pagkakaospital.
- Pagtatae at pagsusuka
- Encephalitis o inflammation ng utak. Nangyayari ito sa 1 sa 1000 pasyente.
- Bronchitis (pamamaga ng daanan ng hangin) at laryngitis (pamamaga ng voice box)
Kung buntis ka, mas mahirap gamutin ang mga komplikasyon ng measles. May mga antibiotics pang hindi ligtas para sa fetus. Bukod dyan, may mga komplikasyong nakaaapekto sa sanggol sa sinapupunan. Ang pneumonia sa pagbubuntis halimbawa ay naiuugnay sa mababang timbang ng sanggol pagkapanganak at preterm birth.
Ngunit hindi pa rito natatapos ang mga komplikasyon ng measles habang nagbubuntis. Maaari ding magdulot ang measles ng:
- Miscarriage (makunan)
- Stillbirth
- Premature birth (ipinanganak bago mag-37 linggo)
- Low birth weight
Mahalagang tandaan na ang measles habang nagbubuntis ay hindi naiuugnay sa birth defects.
Dapat Iwasan ng Buntis ang Exposure sa Sinumang May Measles
Dahil sa tindi ng maaaring maging komplikasyon ng measles, dapat na maging maingat ang mga buntis na hindi malapit sa impeksyon. Ang mga sumusunod na sintomas ay magbibigay sa iyo ng hudyat na ang isang tao ay maaaring may measles:
- Namumula at namamasang mata
- Umuubo at bumabahing
- Lagnat
- Tumutulo ang sipon o barado ang ilong
- May mga pantal
Sa kabuoan, iwasan ang paglapit sa mga taong may tulad sa sipong sakit. Makatutulong kung makikipag-ugnayan sa iyong mga kaanak at kaibigan in advance, lalo na kung hindi ka pa bakunado ng MMR (Measles, Mumps, Rubella). Sabihing hindi ka makadadalo sa malalaking pagtitipon o tatanggap ng bisita sa bahay na may sipon.
Tungkol sa Bakuna sa Measles
Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang measles habang nagbubuntis ay magpakabuna isang buwan bago mabuntis o sa lalong madaling panahon matapos manganak. Hindi ka pwedeng magpabakuna ng MMR habang buntis ka dahil gumagamit ito ng live attenuated (pinahinang) virus, na ayon sa mga teorya ay kayang makapasok sa placenta at nakakahawa sa fetus.
Tiyakin ding bakunado na ang miyembro ng iyong pamilya upang maging protektado ang iyong anak mula sa exposure.
Kailan Dapat Magpunta sa Doktor
Magpunta sa doktor kung:
- na-expose ka sa taong may measles. Napakahalagang makipag-ugnayan sa iyong doktor kung wala ka pang measles o hindi pa nakapagpapaturok ng 2 dose ng MMR vaccine.
- kung may mahina kang resistensya at na-expose sa may measles.
- may kasama sa bahay na nagkaroon ng measles o mga sintomas na tulad nito. Tandaang mapanganib ang measles sa mga batang wala pang limang taon.
Key Takeaways
Kung hindi ka pa protektado kontra tigdas o measles, dapat kang maging maingat. Ito ay dahil kabilang sa mga komplikasyon ng measles ang stillbirth, preterm birth, mababang timbang ng sanggol pagkapanganak, at pagkalaglag. Gayunpaman, walang kaugnayan ang measles sa birth defects.
Ang pinakamainam na gawin upang maiwasan ang measles habang nagbubuntis ay ang magpabakuna at least isang buwan bago mabuntis (o sa lalong madaling panahon matapos manganak). Hindi pwedeng magpabakuna ng MMR ang buntis dahil ang attenuated virus ay pwedeng makapasok sa placenta. Isa pang paraan upang makaiwas sa measles ay ang mapabakunahan lahat ng miyembro ng pamilya.
Matuto pa tungkol sa mga problema sa pagbubuntis dito.