backup og meta

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis: Mahalagang Micronutrients

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis: Mahalagang Micronutrients

Mahalaga ang prenatal period (panahon bago manganak). Sa panahong ito, ang babae ay naghahanda at nagpapalakas ng katawan para sa pagbubuntis, pag-labor, at panganganak. Ang sanggol ay nadedebelop upang magkaroon ng malusog na buhay. Kaya hindi nakagugulat na hinihikayat ng mga doktor ang mga kababaihang uminom ng prenatal vitamins para sa buntis. Narito ang mga dapat malaman tungkol sa mga ito.

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis

Ang prenatal vitamins ay supplements na inirerekomenda sa mga kababaihan kung sila ay nagbubuntis o nagpaplanong magbuntis.

Tandaang sinasabi ng mga doktor ang pinakamainam upang makakuha ng micronutrients na kinakailangan para sa malusog na pagbubuntis sa pamamagitan ng balanseng diet. Gayunpaman, dahil hindi natatamo ng mga kababaihan ang araw-araw na pangangailangan para sa ilang mga nutrisyon, maaaring magbigay ang doktor ng prenatal vitamins para sa buntis.

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis: Karaniwang Micronutrients

Nababahala ka ba sa prenatal vitamins na maaari mong inumin? Mahalagang tandaan na ang iyong pangangailangan ay maaaring maging iba sa ibang nagbubuntis, kaya mainam na kumonsulta sa iyong doktor. Maaaring magpasya ang iyong doktor, na kailangan mo lamang uminom ng isa o dalawang uri ng micronutrients o magrekomenda ng isang brand na nagtataglay ng maraming mga bitamina at mineral sa isang pill.

Upang magkaroon ka ng ideya, narito ang karaniwang micronutrients para sa prenatal vitamins para sa buntis.

Folic Acid

Kapag sinabi mo sa iyong doktor na ikaw ay nagpaplanong magbuntis (o matapos makumpirmang ikaw ay buntis), maaaring magrekomenda siya ng folic acid supplementation.

Ang folic acid ay nakatutulong upang maiwasan ang neural tube defects sa mga sanggol. Ang mga kondisyong ito ay nakaaapekto sa kanilang utak o spinal cord.

Iron

Ang iron ay nakatutulong sa paggawa ng red blood cells na nagdadala ng oxygen sa buong katawan at sa lumalaking fetus. Dagdag pa, nakatutulong ito upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng anemia.

Ang pinakamainam na mapagkukunan ng iron ay ang lean meat, gulay na may mga dahong kulay berde, mani, at tuyong mga prutas. Gayundin, maraming cereals o mga produktong may gatas ang nagtataglay ng iron.

Calcium At Bitamina D

Nakatutulong ang calcium upang ang iyong anak ay magkaroon ng malakas na buto at ngipin. Ang bitamina D ay nakatutulong din sa pagsipsip ng calcium.

Maaaring makakuha ng calcium mula sa mga produktong may gatas, mga isdang maaari ding kainin ang tinik (tulad ng sardinas), dahong kulay berde, tofu, at tinapay.

Para naman sa bitamina D, tandaan na ang malusog na pagkakalantad sa araw ay nakapagbibigay ng bitamina D. Gayundin, makukuha ito mula sa mga mamamantikang isda, itlog, at pulang karne.

Bitamina C

Karamihan sa brands ng prenatal vitamins para sa buntis ay nagtataglay rin ng bitamina C, na nakapagpapalakas ng kabuoang kalusugan at ng malusog na buto, gilagid, at ngipin.

Ang mga pagkaing mainam na mapagkukunan ng bitamina C ay ang mga gulay at prutas, lalo na ang citrus fruits.

Bitamina A

Ang bitamina A nakapagpapabuti ng maningin at kalusugan ng balat. Nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng buto.

Ang mainam na mapagkukunan nito ay ang mga dahong kulay berde, karot, at matatamis na patatas.

Iodine

Maraming prenatal vitamins para sa buntis ang nagtataglay din ng iodine, na nakatutulong sa malusog na pagdebelop ng utak.

Maaari itong makuha mula sa iodized salt, mga lamang dagat, karne, mga produktong may gatas, at itlog.

Choline

Marahil ay narinig mo ang choline sa mga patalastas ng mga gatas para sa mga bata. Ang choline ay mahalagang nutrisyon para sa malusog na pagdebelop ng utak at spinal cord ng sanggol.

Maaari itong makuha mula sa dibdib ng manok, salmon, tilapya, at legumes.

Mga Karagdagang Prenatal Vitamins Para Sa Buntis

Bukod sa mga nabanggit kanina na mga bitamina at mineral, maaari ding kabilang sa mga rekomendasyon ng doktor ang mga sumusunod:

  • B vitamins
  • Bitamina E
  • Zinc

Mga Paalala

Ang mga sumusunod ay maaaring maging solusyon sa iyong mga alalahanin tungkol sa prenatal vitamins para sa buntis:

  • Maaaring kailanganin mong uminom ng supplements sa loob ng isang buwan bago magbuntis at hanggang sa ika-12 linggo ng pagbubuntis. Ang unang trimestre ng pagbubuntis ay ang pinakamahalagang panahon sa pagdebelop ng sanggol.
  • Inirerekomenda ng ilang mga doktor ang isang tiyak na brand, may iba namang hinahayaan na ang mga pasyenteng magpasya. Kung mayroon kang naiisip na brand, maaari mo itong ikonsulta sa iyong doktor.
  • May tyansang ang supplements ay maaaring maging sanhi ng side effects. Halimbawa, ang pag-inom ng iron supplements ay maaaring makaapekto sa pagtitibi. Kung makaranas ng anomang side effects, kumonsulta sa iyong doktor.
  • Ang regular na multivitamins ay hindi dapat gamitin bilang prenatal vitamins para sa buntis. Ito ay dahil ang mga ito ay maaaring hindi nagtataglay ng iminumungkahing dosage ng bawat bitaminang kinakailangan sa malusog na pagbubuntis (partikular na ang iron at folic acid).

At huli, tandaan na ang pinakamainam na paraan upang makuha ang micronutrients na ito ay ang malusog at balanseng diet.

Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Prenatal vitamins: Why they matter, how to choose, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/prenatal-vitamins/art-20046945, Accessed June 2022

Nutrition During Pregnancy, https://www.acog.org/womens-health/faqs/nutrition-during-pregnancy, Accessed June 2022

Vitamins, supplements and nutrition in pregnancy,https://www.nhs.uk/pregnancy/keeping-well/vitamins-supplements-and-nutrition/, Accessed June 2022

What are prenatal vitamins?, https://www.plannedparenthood.org/learn/pregnancy/pre-pregnancy-health/what-are-prenatal-vitamins, Accessed June 2022

Everything You Need to Know About Prenatal Vitamins, https://www.lancastergeneralhealth.org/health-hub-home/motherhood/getting-pregnant/everything-you-need-to-know-about-prenatal-vitamins, Accessed June 2022

Kasalukuyang Version

11/28/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Safe ba ang luyang dilaw para sa buntis?

Anu-Ano Ang Mga Posibleng Matuklasan Sa Fetal Biometry?


Narebyung medikal ni

Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement