Habang nagbubuntis, lahat ng gagawin mo bilang magiging nanay ay may epekto sa iyong baby. Kahit ang pinatutugtog mong music para sa baby ay maaaring may positibong epekto sa sanggol. Gayunpaman, may ilang konsiderasyong dapat tingnan bago ka magparinig ng music para sa baby. Tingnan natin ngayon kung paano nakatutulong ang music para sa baby habang nagbubuntis.
Music para sa baby: Pakikinig ng music habang nasa sinapupunan
Nagagawa na ng baby na marinig ang boses mo bago pa man kayo magkita. Kadalasang nagsisimula nang makarinig ang baby sa sinapupunan pagsapit ng ikalawang trimester. Nagsisimula silang tumugon o sumagot sa iba’t ibang tunog o ingay sa huling trimester.
Kapag binasahan mo ang iyong baby nang malakas, may nakapagpapakalmang epekto ang boses mo sa iyong baby sa loob ng iyong sinapupunan. Pareho din ang epekto nito matapos mo siyang ipanganak. Maaaring makatulong ang iyong boses upang bumagal ang kanilang heart rate, na nakapagpapakalma sa kanila.
Hindi lamang may mahalagang gampanin ang boses ng ina sa pag-unlad ng pandinig ng baby, nagbibigay din ito ng kahanga-hangang benepisyo sa kanilang social at emotional development.
Music para sa baby: Mga unang alaala
Hindi pa opisyal na nakukumpirma na mayroong epekto ang music sa development ng nasa sinapupunan pang sanggol. Gayunpaman, sinasabi ng mga pag-aaral na nakaririnig at nakatutugon ang mga fetus sa music sa pamamagitan ng paggalaw. Ngunit hindi pa natutukoy ng mga ispesyalista kung ano ang eksaktong kahulugan ng mga paggalaw na ito. Mas mahirap kasing obserbahan ang fetus kaysa sa baby na naipanganak na.
Inilabas ng European research noong 2013 na ang mga bagong silang na sanggol ay kayang maalala ang isang tiyak na bersyon ng “Twinkle, Twinkle Little Star” na pinatutugtog habang nasa sinapupunan ang sanggol. Ang mga unang alaalang ito na nabuo noong nasa sinapupunan pa sila ay tumatagal hanggang apat na buwang gulang.
Music para sa baby: Mga benepisyo ng pakikinig sa music habang nagbubuntis
Walang ebidensya ang mga mananaliksik upang patunayang ang pakikinig sa music habang nagbubuntis ay nakapagpapatalino ng bata.
Gayunpaman, nakababawas ng anxiety level ng isang nanay ang pakikinig sa music. Maganda ito dahil ang stress ay may negatibong epekto sa development ng baby sa sinapupunan.
Nakatutulong ang music sa mas masaya at malusog na baby. Maaari kang magpatugtog ng kahit na anong soft music na nais mo, mapa-Jazz hanggang lullaby – tiyakin lamang na mahina lang ang volume nito na ligtas para sa bata.
Pinasisigla rin ng music para sa baby ang prenatal bonding. Subukang makinig sa mabagal at relaxing music na nakatutulong na magbigay ng calming chemicals sa buong katawan at sa placenta. Pinagaganda nito ang ugnayan ng nanay at ng kaniyang baby.
Tamang lakas ng pagpapatugtog ng music
Marami nang pag-aaral ang nagsiwalat na ang matagal na exposure sa malakas na tugtog ay naglalapit sa sanggol sa preterm birth, mas mababang birth weight, at mas mataas na tsansang mawalan ng pandinig dahil sa higher frequency noises.
Kaya’t huwag magpatugtog nang mas mataas pa sa 65 decibels (dB). Ang ingay na mas mataas pa sa 65 dB ay maaaring makasakit sa sanggol sa sinapupunan o makapagdulot ng takot sa kanila. Kung mahilig kang makinig ng music nang matagal, panatilihin lang ang 50dB na lakas o mas mababa pa.
Maaaring mahilig ka sa rock music o sa mga evergreen metal tracks. Iwasan ang sobrang pagpapatugtog nito o anumang heavy music dahil hindi pa ito ang tamang panahon para marinig ito ng iyong baby. Magparinig lang sa kanila ng lullabies, melodious at soft music.
Laging tandaan, anumang tunog, boses o music, ang pinakagusto ng baby ang boses ng nanay. Kaya’t simulan na ang masasayang usapan, basahan ang iyong baby ng magagandang libro, o bumigkas ng panalangin. Bigyan ang iyong baby ng pinakamagandang pisikal at mental na kalusugan.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Prenatal Care dito.