backup og meta

Ano ang moriamin forte, at inirerekomenda ba ito sa mga buntis?

Karaniwan sa maraming buntis ang nangangailangan ng supplements. Ayon sa mga eksperto, kailangan ng mga buntis ng folic acid, iron, calcium, choline, vitamins B, C, and D, at omega 3 fatty acids. At dahilan kailangan nila ng mga bitamina at mineral, ang ilang mga buntis ay pumipili ng brand ng multivitamins na mayroon ng maraming micronutrients. Isa na sa mga brand na ito ay ang Moriamin Forte. Ngunit safe ba ang moriamin forte sa buntis? Inirerekomenda ba ito ng mga doktor? Alamin dito.

Ano ang moriamin forte, at inirerekomenda ba ito sa mga buntis?

Ano ang Moriamin Forte?

Ang Moriamin Forte ay itinuturing na dietary supplement na naglalaman ng maraming bitamina at mineral.

Ilan sa mga micronutrients na mayroon ang Moriamin Forte ay ang mga sumusunod:

  • 2,000 IU Vitamin A
  • 0.2 mg Folic acid
  • 5mg Vitamin B1
  • 3 mg Vitamin B2
  • 20 mg Nicotinamide (water-soluble form of vitamin B3)
  • 2.5 mg Vitamin B6
  • 1 mcg Vitamin B12
  • 20 mg Vitamin C
  • 200 IU Vitamin D
  • 1 mg Vitamin E

Bukod pa sa mga bitaminang ito, ang Moriamin Forte ay naglalaman din ng maraming mahahalagang amino acids – pinakasangkap ng protina na may mahalagang gampanin sa katawan.

Moriamin Forte sa Buntis: Naglalaman ba ito ng Nutrients para sa Malusog na Pagbubuntis?

Ang Moriamin Forte ay naglalaman ng folic acid and vitamins B, C, and D. Ngunit ang mga ito ay hindi sapat sa pangangailangan ng isang buntis.

Halimbawa, ang mga kababaihan ay araw-araw na nangangailangan ng 400 micrograms (halos 0.4 mg) ng folic acid bago magbuntis hanggang sa ikatlong buwan ng pagbubuntis. Maaaring madagdagan pa ito pagsapit ng ikaapat na buwan. Ang Moriamin Forte ay naglalaman ng 0.2 mg – kalahati lamang ng inrerekomenda.

Ang brand ding ito ay walang iron, calcium, choline, and omega 3 fatty acids.

Ang “kakulangan” na ito ay hindi masama dahil ang Moriamin Forte ay pang-supplement lamang sa pagkain ng isang tao. Gayunpaman, ipinakikita lamang nito na ang brand na ito ay hindi talaga ginawa para sa mga buntis.

Safe ba ang Moriamin Forte sa Buntis?

Ngayong nalaman na natin ang ilan sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa brand ng supplement na ito, alamin naman natin, safe ba ang Moriamin Forte sa buntis?

Wala tayong sapat na impormasyon tungkol sa supplement na ito at sa epekto nito sa pagbubuntis, maging sa epekto nito sa sanggol bago, habang, at pagkatapos itong ipanganak. Dahil dito, mainam kung iiwasan ang pag-inom ng multivitamin na ito kung ikaw ay nagbubuntis.

Inirerekomenda ba ng mga doktor ang Moriamin Forte sa mga Buntis?

Karaniwang hindi inirerekomenda ng mga doktor ang dietary supplements sa mga buntis bukod sa mga bitamina at mineral na kinakailangan sa pagbubuntis.

Maraming dietary supplements ang hindi inirerekomenda dahil sa kaligtasan at kabisaan ng mga ito. Ibig sabihin, ang mga ito ay maaaring may mga kemikal, lason, metal, o maging bakterya na maaaring makapagdulot ng kapahamalan sa ina at sa sanggol.

Isa pang dapat tandaan ay ang ibang dietary supplements, lalo na ang kanilang additives, ay hindi lubhang napag-aralan. Ito ang dahilan kung bakit wala tayong sapat na kaalaman sa posibleng epekto nito sa pagbubuntis at pagdebelop ng sanggol sa sinapupunan. 

Isa pang maaaring dahilan kung bakit hindi inirerekomenda ng mga doktor ang Moriamin Forte sa buntis ay dahil ang isang tableta nito ay naglalaman ng maraming bitamina. Ang sobrang pag-inom nito ay maaaring maging mapanganib sa pagbubuntis.

Mga Supplement habang Nagbubuntis: Ano ang mga pwedeng inumin?

Kung karaniwang hindi inirerekomenda ng mga doktor ang Moriamin Forte sa buntis, anong supplements ang pwedeng inumin?

Matapos magpakonsulta sa iyong doktor, maaari ka niyang resetahan ng folic acid upang maiwasan ang neural tube defects. Maaari din silang magrekomenda ng supplement para sa iron at iodine.

Gayunpaman, ang bawat babae ay magkakaiba. Kaya naman ang mga rekomendasyon ay maaari ding magbago depende sa pangangailangan ng ina (at ng sanggol).

Pinakadapat tandaan: huwag uminom ng anomang supplement o gamot maliban na lamang kung may reseta ng doktor.

Pangunahing Konklusyon

Ang Moriamin Forte ay isang dietary supplement na naglalaman ng maraming bitamina at mahahalagang amino acids. Gayunpaman, hindi ito ginawa para sa pagbubuntis.

Karaniwang hindi inirerekomenda ng mga doktor ang Moriamin Forte sa buntis. Kung ikaw ay buntis, huwag uminom ng anomang supplement o gamot nang walang reseta.

Ang pinakamabisa pa ring gawin upang magtaglay ang isang buntis ng lahat ng iba pang nutrients (vitamins A, C, E, omega 3 fatty acids) ay ang tamang dyeta at nutrisyon na may gabay ng doktor.

Matuto pa tungkol sa pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1. Nutrition During Pregnancy, https://www.acog.org/womens-health/faqs/nutrition-during-pregnancy#:~:text, Accessed January 10, 2022

2. Moriamin Forte, https://www.mims.com/philippines/drug/info/moriamin%20forte, Accessed January 10, 2022

3. Vitamins, supplements and nutrition in pregnancy, https://www.nhs.uk/pregnancy/keeping-well/vitamins-supplements-and-nutrition/, Accessed January 10, 2022

4. Should women take supplements while pregnant?, https://www.mayoclinichealthsystem.org/hometown-health/speaking-of-health/should-women-take-supplements-while-pregnant, Accessed January 10, 2022

5. What supplements should I take during pregnancy?, https://www.health.qld.gov.au/news-events/news/supplements-vitamins-for-pregnant-wome, Accessed January 10, 2022

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Prenatal Vitamins Para Sa Buntis: Mahalagang Micronutrients

Anu-Ano Ang Mga Posibleng Matuklasan Sa Fetal Biometry?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas