Ang pagbubuntis ay isa sa mga pinakadelikadong yugto ng buhay ng isang babae. Ito ang dahilan kung bakit ang anumang uri ng pagdurugo habang pagbubuntis ay maaaring maging alalahanin. Karaniwan, kapag dinugo ang isang nagdadalantao, kaagad na sinasabi ng mga tao na nalaglag ang sanggol na kanyang dinadala. Ngunit ang pagdurugo habang nagbubuntis ay hindi palaging nagsasabi na may mali sa pagbubuntis. Para pakalmahin ang iyong mga alalahanin, alamin natin kung normal ang pagdurugo habang buntis.
Normal ba ang Pagdurugo Habang Buntis?
Ang pagdurugo ay normal sa pagbubuntis. Tinatayang 15% hanggang 25% ng mga pagkakataon, nangyayari ito sa unang trimester ng pagbubuntis. Karamihan sa mga babaeng nakararanas ng maagang pagdurugo ay nagkakaroon ng malusog at matagumpay na pagbubuntis.
Gayunpaman, ang pagdurugo ay maaari ding mangyari sa mga naglalaong linggo ng pagbubuntis, kung kailan maaari itong mas mas seryoso at nakaaalarma kaysa sa nakaraang mga linggo.
Gaano Katinding Pagdurugo ang Normal sa Pagbubuntis?
Ang implantation bleeding o spotting ay karaniwang nangyayari sa unang dalawang linggo matapos ang pagdadalantao. Ito ay nangyayari dahil sa implantation ng fertilized na itlog sa lining ng matres.
Ang spotting ay kinabibilangan ng mga patak ng dugo na napapansin lamang pagkatapos mong pahirin ang iyong pagkababae ng tissue o kapag nakapansin ka ng brownish, pinkish na mantsa sa iyong panloob.
Tandaan na iba ang spotting sa pagdurugo. Ang spotting ay tumutukoy sa kaunting dugo o mga maliliit na patak, habang ang pagdurugo naman ay ang matinding pag-agos ng dugo na maaaring makabasa sa buong menstrual pad.
Tiyaking masasabihan mo ang iyong doktor kapag nakaranas ka ng pagdurugo habang nagbubuntis.
Ano ang Sanhi ng Matinding Pagdurugo habang Nagbubuntis?
Unang Trimester
Ang mga karaniwang dahilan ng pagdurugo sa unang trimester ay ang:
- Ectopic pregnancy. Ito ay nangyayari kapag ang itlog ay nabubuo sa labas ng matres.
- Pagkalaglag ng sanggol. Pagkawala ng pagbubuntis o pagkamatay ng fetus bago ang ika-20 linggo ng gestation.
- Molar pregnancy. Isang pagbubuntis kung saan ang abnormal fertilized egg ay nagiging mga bukol na kakulay ng ubas na naihahalo sa dugo, nang mayroon o walang mga bahagi ng fetus.
- Subchorionic hematoma. Ang koleksyon ng dugo sa pagitan ng uterine wall at ng chorionic membrane o sa ilalim ng inunan.
Ikalawa at Ikatlong Trimester
Ang pagdurugo sa ikalawa at ikatlong trimester ay dulot ng:
- Pagkalaglag ng sanggol o pagkamatay ng fetus
- Incompetent na cervix. Ang kahinaan ng cervical tissue ay maaaring magdulot ng preterm birth o pagkawala ng pagbubuntis.
- Placental abruption. Ito ay nangyayari kapag ang placenta ay humihiwalay sa uterine wall na nagbubunga ng matinding pagdurugo habang buntis.
- Placenta previa. Ang inunan ay nakalagay sa isang napakababang posisyon, nasa o malapit sa bukana ng cervix. Ito ay maaaring magdulot ng pagdurugo sa anumang panahon ng pagbubuntis at lalo na sa panganganak.
- Placenta accreta. Ito ay isang seryosong komplikasyon sa pagbubuntis na nangyayari kapag ang inunan o bahagi ng inunan ay matinding nakakabit sa uterine wall. Ang isang nagdadalantao na na-diagnose sa ganitong kondisyon at may banta sa pagkakaroon ng nakamamatay na pagdurugo sa mismong panganganak. Maaari din itong maging indikasyon na tanggalin na rin ang matres (hysterectomy).
- Preterm labor. Isang senyales na ang katawan ay naghahanda na para sa pagle-labor. Ito ay karaniwang nangyayari matapos ang ika-20 linggo at bago ang ika-37 linggo ng pagbubuntis.
Kailan Dapat ba Bumisita o Tumawag sa Doktor?
Ngayon na alam mo na kung gaano katinding pagdurugo ang normal, mas magiging madali para sa iyo na matukoy ang mga senyales kung kailan mo kailangang tumawag sa iyong doktor.
Tawagan mo ang iyong doktor kung:
- Napansin mo ang kaunting pagdurugo o spotting sa unang pagkakataon.
- Nakaranas ka ng pagdurugo ng pagkababae nang lagpas sa 24 na oras.
- Nagiging katamtaman mula sa kakaunti na may kasamang buo-buong dugo at tissue ang pagdurugo.
- Ang pagdurugo ng pagkababae ay sinasabayan ng pananakit ng puson, cramping, o lagnat.
Ang pagdurugo ng pagkababae sa huling ilang linggo ng ikatlong trimester ay maaaring maging indikasyon na ikaw ay magle-labor na.
Tiyaking matatawagan kaagad ang iyong doktor para kumpirmahin kung ikaw ay manganganak na o kung senyales lamang ito ng komplikasyon sa pagbubuntis.
Key Takeaways
Palaging tandaan na ang spotting ay iba sa pagdurugo. Kung ikaw ay nakararanas ng katamtaman hanggang sa matinding pagdurugo, tumawag ng emergency para agaran mong makuha ang lahat ng kinakailangan mong tests.
Gayundin, tandaan na kailangan mong ipagbigay-alam sa iyong kapareha at mga kamag-anak ang mga posibleng pagdurugo habang buntis, upang malaman nila kung ano ang dapat gawin kung sakaling mangyari ito.
Matuto ng higit pa ukol sa Pagbubuntis rito.
[embed-health-tool-bmi]