backup og meta

Ano ang pakiramdam na manganak ng kambal?

Ano ang pakiramdam na manganak ng kambal?

Ang bawat pagbubuntis ay natatangi, at lahat ng mga ina ay may sariling kwento ng pagbubuntis na maibabahagi. Kamakailan lang ay nakausap namin si Regina Abad. Magiliw na ibinahagi nya sa amin kung ano ang pakiramdam na manganak ng kambal at ang pagkakaroon ng kambal.

Maaari mo bang ipakilala sa amin ang sarili mo?

Ako si Regina P. Fregillana-Abad. 20 taon na akong kasal, at nagtatrabaho ako bilang full-time na empleyado sa isang paaralan. Apat ang anak namin ng asawa ko. Ang panganay ay isang 19 na taong gulang na lalaki, pagkatapos ay 17 taong gulang na kambal na babae, at ang aking bunso ay isang 10 taong gulang na babae.

Kailan mo nalaman na magkakaroon ka ng kambal? May lahi ba kayong kambal?

Nalaman ko na kambal ang pinagbubuntis ko noong una kong ultrasound para masuri na buntis ako. Noong una, kinumpirma ng resident doctor na buntis ako at may isang fetus. Pero, noog sinuri na ako ng head sonologist para sa final assessment, kinumpirma n’ya may dalawang heartbeats. Ibig sabihin, kambal ang pinagbubuntis ko.

Identical ang kambal ko, na nangyayari kapag ang isang fertilized egg (ovum) ay nahati at nagiging dalawang sanggol na may eksaktong parehong genetic na impormasyon.

Buntis ako sa aking kambal sa edad na 33. Lahi namin ito sa pamilya, sa parehong side- sa father’s side ko at sa mother-in-law’s side.

May mga worries o concerns ka ba noong nalaman mo?

Oo. Nung nalaman kong kambal pala, ang unang pumasok sa isip ko, conjoined kaya sila? May halo-halong emosyon din. Dahil alam kong may ilang health concerns ako tulad ng hypertension at problem sa spinal. Naisip ko, kaya ko kaya ang safe na pagbubuntis hanggang sa panganganak.

May espesyal na payo ba ang doctor mo o mga pag-iingat dahil kambal ang pinagbubuntis mo?

Dahil sa hypertension ko, complete bed rest ang payo sa akin. Kinailangan ko ring uminom ng ilang mga gamot. Para maiwasan ang miscarriage. Kailangan din kumain ng malulusog na pagkain at uminom ng vitamins.

Ano ang pakiramdam na mabuntis at manganak ng kambal?

Pakiramdam ko blessed ako sa pagkakaroon ng kambal. Lalo na’t nangyari ito ng normal conception at hindi ginamitan ng anumang drug intervention (fertility pills).

Pero nakaramdam din ako ng anxiety dahil may dalawa akong babies sa tiyan ko. Nagdasal din ako araw-araw na maging malusog at ligtas kaming tatlo. Dobleng kasiyahan ang pagkakaroon ng kambal. At syempre doble ang gastos sa lahat. Haha. Pero sulit naman.

Nakaranas ka bang hirap sa panganganak?

Oo, tuwing magli-labor ako, inaabot ako ng halos 40 oras. Expected ko na manganak ng normal (vaginal delivery) ang isa sa kambal ay hindi nagco-cooperate. Dagdag pa, unstable ang blood pressure ko. Kaya pagkatapos ng mahabang paghihintay, ni-recommend ang cesarean delivery. 

Pagdating sa pagkakaroon ng kambal at pag-aalaga, ano ang pinakamalaking hadlang?

Ang kambal ko – sina Felise Gabrielle at Charlotte Ingrid – ay may G6PD (glucose-6-phosphate dehydrogenase) deficiency, na nakakaapekto sa red blood cells. Sa madaling salita, sa kondisyong ito, ang kanilang mga pulang cells ay mas mabilis na masira kaysa sa magawa. Nakita ang deficiency sa newborn screening.

Ang G6PD ay generic, at namana nila yun sa father nila. Nung nalaman ko ang deficiency nila, nag-decide ako na iwan ang trabaho ko at alagaan sila. Sumali kami ng asawa ko sa mga session kung paano mag-cope ang kambal. Natuto kami ng marami tungkol sa sa mga dapat at hindi dapat gawin sa pagkakaroon ng kambal na may G6Pd deficiency.   

Isa pa ay kapag nagkasakit sila at kailangang maospital. Hindi sila nagkakasakit nang sabay. Siguro dahil kambal sila, meron silang common bond at care sa isa’t-isa. Madalas, kung magkasakit ang isa, magkakaroon din ng parehong symptoms ng sakit ang isa pa.

Kahit na sila ay kambal at identical, mayroon silang sariling mga personalidad. Normal para sa kanila na makaranas ng konting sibling rivalry. Kaya naman kailangan laging balansehin ang atensyon ko para maiwasan ang selos.

Paano mo inalagaan ang kambal pagkatapos ng panganganak?

Masasabi ko na hands-on ako sa kambal nung maliliit pa sila. Palagi akong nagbibigay ng oras sa kanilang activities at tinitingnan ko ang kanilang mga pangangailangan. Ang malungkot lang, hindi ko sila na-breastfeed nung baby pa sila. Dahil ‘yon sa maintenance na mga gamot ko para sa hypertension.

May payo ka ba sa ibang mga nanay na kasalukuyang buntis ng kambal?

Huwag matakot kung nalaman mong naglilihi ka ng kambal. Magpasalamat at maging blessed para sa regalong ito. Siguro kinakabahan ka o nag-aalala sa gastos sa pagpapalaki ng dalawang bata ng sabay. Pero, rewarding kapag nakita mo silang lumaking masaya, malusog, at safe.

Naniniwala ako na ang paglilihi maging single, double, o triple na mga sanggol, ang mga ina ay dapat maging mas maingat sa kanilang kalusugan at mental na kalusugan. Para maipanganak ang isang malusog na sanggol o mga sanggol. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kasalukuyang Version

07/26/2024

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement