backup og meta

Makakalimutin Habang Buntis, Bakit ito Nangyayari at Normal lang ba ito?

Makakalimutin Habang Buntis, Bakit ito Nangyayari at Normal lang ba ito?

Maliban sa mga karaniwang pagbabago na mararanasan habang buntis, isa sa mga reklamo ng mga babae ay ang pagiging makakalimutin habang buntis o kilala rin sa tawag na “pregnancy brain”.

Makakalimutin Habang Buntis:

Ano ang pregnancy brain?

Ang pregnancy brain ay tumutukoy sa problema sa memorya, kawalan ng konsentrasyon, at palaging abala habang nagbubuntis at sa early postpartum.

Ayon sa pag-aaral, mayroong litaw na kakulangan sa “general cognitive functioning, memorya, at executive functioning” sa mga buntis. Nakita rin na ang pagiging makakalimutin at mas napapansin ito sa ikatlong trimester ng pagbubuntis.

Ano ang sanhi ng pagiging makakalimutin habang buntis?

Sa ngayon, wala pang tiyak na sanhi kung bakit nakararanas ng pagiging makakalimutin ang mga babae habang buntis. Gayunpaman, may ibang mga salik na maaaring ikonsidera bilang posibleng rason bakit nararanasan ang pagiging makakalimutin ng mga buntis.

Narito ang ilan sa mga ito:

Hormones, anxiety at depression

Ang pagbabago sa hormones sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring mag sanhi ng maraming epekto sa pisikal at physiological na katangian ng isang babae.

Sa isang pag-aaral mula sa Bradford Institute for Health Research, ay natagpuan na ang mga buntis ay nakakikitaan ng sintomas ng anxiety at depression kumpara sa mga hindi buntis na babae sa pamamagitan ng Edinburgh Postnatal Depression Scale.

Ang pag-aaral ay gumamit din ng Spatial Recognition Memory (SRM) tests. Ang resulta ng SRM ay lumalabas na ang mga babae sa kanilang ikatlong trimester ng pagbubuntis ay nakakuha ng puntos na mas mababa kaysa sa mga hindi buntis na kalahok.

Ang SRM test ay isinagawa ng mga buntis sa kanilang unang trimester ng pagbubuntis. Sa kanilang kabuuang pagbubuntis, ang SRM test ay isinagawa muli, at ang resulta ay mas mababa.

Bagaman may mga sintomas ng anxiety at depression sa mga buntis, ang mga sintomas ay hindi nakaapekto sa resulta ng SRM.

Ang pagtaas ng hormones sa pagbubuntis tulad ng estrogen, progesterone, at cortisol ay maaaring maging sanhi ng “pregnancy brain”. Gayunpaman, patuloy na naghahanap ng siyentipikong ebidensya ang mga mananaliksik upang patunayan ito.

Stress

Ang mga buntis na malapit nang manganak ay nakararamdam ng stress na parehong pisikal at emosyonal. Ang stress na dulot ng pagbubuntis ay karaniwan dahil maraming mga pagbabago na kinakailangan nilang pagdaanan habang nasa panahon ng pagbubuntis hanggang postpartum.

Ang stress ay makaaapekto ng negatibo sa kalusugan ng utak ng buntis. Maaari itong mag sanhi ng pagiging makakalimutin habang buntis at problema sa konsentrasyon.

Ang pakiramdam na stressed ay normal dahil nangangamba ka tungkol sa maraming bagay na maaaring mangyari sa iyo at sa iyong anak. Gayunpaman, ang paghinga paminsan-minsan ay makatutulong upang bumangon muli.

Pagtaas ng responsibilidad

Ang pagiging makakalimutin ay hindi nagtatapos sa pagbubuntis. Maaari ka pa ring magkaroon ng “pregnancy brain” sa mas mahabang panahon matapos manganak.

Ang pagdagdag ng responsibilidad ay maaaring isang rason kung bakit nakakalimot. Ang paggawa ng marami at iba’t ibang gawain araw-araw habang inaalagaan ang bagong silang na sanggol ay sobrang dami ng gawain.

Ang pagtaas ng responsibilidad ay maaaring mag sanhi sa iyo na madaling ma-distract at wala sa pokus. Ito ay maaaring negatibong makaapekto sa iyong memorya sa paglipas ng panahon.

Ang iyong isip at katawan ay dahan-dahan na mag a-adjust sa mga bagong stage ng iyong buhay at magpapagaan ng iyong responsibilidad.

Paano kakayanin ang pagiging makakalimutin habang buntis?

Ang pagiging makakalimutin ay maaaring nakakainis ngunit may mga paraan upang makayanan ito. Narito ang mga tips paano malalabanan ang pagiging makakalimutin habang buntis:

Magkaroon ng to-do list

Ang pagsusulat ng iyong gawain ay makatutulong na maalala ang lahat ng mga bagay na kailangang gawin. Maaari mong isulat ang iyong mga gawain sa sticky notes at ilagay ito sa iba’t ibang parte ng iyong bahay.

Gamitin ang iyong calendar sa cellphone

Maaari kang mag-set ng reminders sa iyong phone calendars kung mayroon kang appointments, meetings, o events. Sa ganitong paraan, maaari kang mabilis na mano-notify kung mayroon mang paparating na gawain.

Isa-isang gawin ang mga bagay

Gawin ang iyong mga task isa-isa sa halip na ginagawa ito lahat sa parehong pagkakataon. Hangga’t maaari, iwasan ang multitasking dahil maaaring magpalala ito ng pagiging makakalimutin habang buntis.

Maging marahan sa sarili

Hindi mo kailangang matapos ang lahat ng iyong pang-araw-araw na task sa isang bagsakan. Magpahinga o magkaroon ng kaunting “me time” upang maalis sa isip mo ang mga responsibilidad.

Humingi ng tulong

Hindi mo kailangang gawin ang lahat nang ikaw lamang. Ang paghingi ng tulong ay magandang paraan upang makabawas sa stress at responsibilidad. Halimbawa, maaari mong utusan ang iyong asawa na magtapon ng basura habang ikaw ay naghuhugas ng plato o vice versa.

Kumain ng masusustansya

Ang pagkonsumo ng mga pagkain na may mataas na Omega-3 fatty acids ay mabuti para sa iyo at sa kabuuang kalusugan ng utak at development ng iyong sanggol.

Ehersisyo

Kahit na ikaw ay buntis o bagong ina, maganda pa rin na manatiling aktibo. Ang pag-ehersisyo ay naglalabas ng happy hormones (endorphins) na makatutulong na labanan ang stress, depression, at anxiety.

Matulog nang mahimbing

Alam namin na ang tulog ay isang pribilehiyo para sa mga buntis at mga babaeng may postpartum, ngunit ang pagtulog o pag-idlip habang kaya sa maghapon ay nakatutulong na maging sariwa ang memorya.

Ang kawalan ng tulog ay magpapahina sa pag-function ng brain at magpapalala ng iyong “pregnancy brain.”

Mahalagang Tandaan

Ang pagiging makakalimutin habang buntis ay maaaring nakakainis at nakababahala sa parehong pagkakataon. Ang pagiging makakalimutin, lalo na kung gumagawa ng mahalagang gawain ay nagdudulot ng pakiramdam na anxiety at stress.

Gayunpaman, ang paglalaaan ng oras para sa iyong sarili at mabagal na pag-adjust sa mga pagbabago ay maaaring makatulong na bumalik sa normal. Ang paghingi ng tulong at pagbabahagi ng nasa isip sa iyong kapareha ay makatutulong na mapadali ang sitwasyon.

Alamin ang marami pa tungkol sa pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cognitive Impairment During Pregnancy: A Meta-Analysis Volume 208, Issue 1 https://www.mja.com.au/journal/2018/208/1/cognitive-impairment-during-pregnancy-meta-analysis Accessed July 1, 2020

Assessment of Cognitive Function Across Pregnancy Using CANTAB: A Longitudinal Study https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/24321198/ Accessed July 1, 2020

Does “Baby Brain” Really Exist? https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/expert-answers/baby-brain/faq-20057896 Accessed July 1, 2020

Pregnancy Leads to Long Lasting Changes in Human Brain Structure  https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/27991897/ Accessed July 1, 2020

How Pregnancy Changes the Brain https://www.brainfacts.org/brain-anatomy-and-function/body-systems/2018/how-pregnancy-changes-the-brain-022818 Accessed July 1, 2020

Memory Loss in Pregnancy: Myth or Fact?  https://www.ifwip.org/memory-loss-pregnancy-baby-brain-momnesia/ Accessed July 1, 2020

 

Kasalukuyang Version

03/26/2022

Isinulat ni Jerra Mae Dacara

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Bianchi Mendoza, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Mga Pagkaing Maaaring Makasama Sa Sanggol Sa Tiyan

Ano Ang Dapat Gawin Kapag Nilalagnat Ang Buntis?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Jerra Mae Dacara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement