backup og meta

Pagkabaog ng Lalaki: Ano-ano ang mga Posibleng Sintomas?

Pagkabaog ng Lalaki: Ano-ano ang mga Posibleng Sintomas?

Ang mga usapin ng pagkabaog ay maaaring makaapekto sa mga lalaki at babae. Sa katunayan, ang bawat pangkat ay responsable sa 30% ng mga kaso ng pagkabaog. Ang iba pa ay kombinasyon ng pambabae at panlalaking salik. Kaya naman, mahalaga na suriin ang kakayahan ng isang magkapareha na magkaroon ng anak. Lalo na kung hindi nagbubuntis ang babae sa kabila ng mahigit isang taon na regular at hindi protektadong pagtatalik. Kung ang lalaki ang dahilan ng pagkabaog, mahalaga na malaman at maunawaan ang mga pabatid na senyales ng pagkabaog. 

Ano-ano ang mga Senyales ng Pagkabaog ng Lalaki? 

Ang pagkabaog ng lalaki ay maaaring dulot ng maraming mga dahilan. Ang ilan ay dahil sa problema sa sperm development. Sa ibang mga kaso naman, maaari silang makaranas ng kahirapan sa paghahatid ng semilya sa obaryo ng mga babae. Ang pagkabaog ay kadalasang hindi nagpapakita ng nahahalatang mga sintomas, lalo na sa mga kalalakihan. Gayunpaman, mayroong mga senyales na nagpapabatid na ang isang lalaki ay baog na dapat mong malaman: 

Mababang Sexual Drive 

Ang kawalan o mababang sex drive ay kabilang sa mga senyales ng pagkabaog ng lalaki. Ang pagbabago sa virility ay nati-trigger ng mga hormones na responsable para sa reproductive system ng lalaki. Ang mga injury at sakit gaya ng pituitary tumors ay maaari ding makapagdulot ng hormonal problems. 

Pananakit, Hindi Pagka-komportable, at Pamamaga ng Testicles 

Ang mga ito ay maaaring mula sa trauma o mga maliliit na aksidente gaya ng direktang pagsipa sa pagkalalaki. Minsan, ang mga medical emergency na ito ay maaaring mangailangan ng operasyon. 

Ang testicular swelling ay maaaring resulta ng sumusunod: 

  • Testicular Torsion. Ito ay kinakikitaan ng nakapilipit na testicle sa scrotum. Bilang resulta, ang pagpilit ay nakagagambala sa daloy ng dugo, na nakasisira sa kakayahan ng testicles. 
  • Varicoceles. Ito ay ang paglaki ng mga ugat sa scrotum. 
  • Epididymitis. Ito ay dahil sa bacterial infection sa testicles. 
  • Hydrocele. Ito ay nagaganap kapag mayroong pamumuo ng fluid sa paligid ng testicles dahil sa injury o pagbabara. 
  • Hernia. Kung hindi kaagad magagamot, maaari nitong masira ang vas deferena, ang tubo kung saan dumadaan ang semilya. 

Erectile Dysfunction (ED) 

Ito ay isa sa mga pinakahalatang senyales ng pagkabaog sa mga kalalakihan. Ito ang hindi kakayahan ng isang lalaki na mapanatiling nakatayo ang kanyang ari para sa pakikipagtalik, Ang kondisyong ito ay nakaaapekto sa hindi bababa sa 30 milyong mga kalalakihan. Sa maraming mga kaso, iniuugnay ang ED sa hormonal imbalances. Ang ibang mga sanhi ay kinabibilangan ng: 

  • Venous Leak. Ang venous leak ay nangyayari kapag ang blood vessels ay hindi sumisikip para panatilihin sa loob ang dugo habang nakikipagtalik. 
  • Pagkabahala at Stress. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga sikolohikal na salik ay nakaaapekto sa sexual drive at performance ng mga kalalakihan. 
  • Lifestyle Choices. Ang alak, tobacco, at droga ay naglalaman ng mga sangkap na maaaring makaapekto sa paggana ng mga reproductive organs. 

Mga Isyu sa Semilya 

Ang kahirapan sa page-ejaculate habang nakikipagtalik ay isa sa mga kapansin-pansing senyales ng pagkabaog sa mga kalalakihan. Ito ay karaniwang direktang resulta ng erectile dysfunction. Ang kawalan ng kakayahang mag-ejaculate ay maaaring magsabi na may problema sa produksyon ng semilya at iba pang mga kondisyong pangkalusugan gaya ng diabetes at/o nerve problems ang isang lalaki. Kung ang isang lalaki ay nakakapag-ejaculate, minsan ang problema ay nasa kalidad ng semilya. Ang mga karaniwang dahilan ay: 

  • Genetic Defects. Ang mga chromosomal abnormalities gaya ng Down’s Syndrome at spina bifida ay maaaring makaapekto sa kalidad ng semilya. 
  • Sexually Transmitted Infections (STIs). Ang mga STIs gaya ng chlamydia at gonorrhea ay maaaring maging dahilan ng impeksyon sa reproductive organs at makasira sa fertility sa pamamagitan ng pagdudulot ng matinding sira sa semilya. 
  • Medikasyon. Ang ilang mga gamot at medikasyon ay maaaring maging dahilan ng pagkabaog ng lalaki. Halimbawa, ang anabolic steroids ay nakapagpapababa ng kalidad ng semilya. 
  • Pagkahantad sa Init at Radiation. Ang testicles ay may mas mababang temperatura kung ikukumpara sa ibang mga organs. Ang paghahantad dito sa init o mataas na dosis ng radiation ay maaaring makapagdulot ng permanenteng sira sa produksyon ng semilya. 
  • Ang iba pang mga senyales ng pagkabaog ng lalaki ay ang pagkawala o pagninipis ng buhok, retrograde ejaculation, at lumalaking dibdib (gynecomastia)

Paano Nada-diagnose ng mga Doktor ang Pagkabaog ng Lalaki? 

Matapos malaman ang mga senyales ng pagkabaog, mahalaga na makapagpasuri sa iyong doktor upang malapatan ito ng sapat at tamang lunas. Ang pagsusuri ay kadalasang nagsisimula sa masusing pagsusuri ng iyong medical history, at maging sa iyong mga palagiang gawaing sekswal. Makatutulong itong matukoy ang mga salik na maaaring maging dahilan ng iyong pagkabaog. Pagkatapos, ang mga lalaki ay maaaring sumailalim sa karagdagang mga test na kinabibilangan ng sumusunod: 

  • Semen Analysis. Ang sample ng iyong semilya ay kukunin para sa ebalwasyon sa isang laboratoryo. Kadalasang kinasasangkutan ito ng pagsusuri sa sperm count, motilitym at hitsura. 
  • Testicular Biopsy. Ang isang karayom ay ipinapasok sa scrotum para makakuha ng sample ng tissue na makikita sa testes. Ito ay isang epektibong paraan para masuri ang produksyon ng semilya. 
  • Ultrasonography. Ang ultrasound ay nagmamapa ng mga reproductove organs na nagpapadali na makita kung may mga pagbabara o pagsusugat.
  • Hemizona Assay at Acrosome Reaction. Ang mga ito ay halimbawa ng mga lab tests na nagsusuri ng kakayahan ng semilya na makapasok sa obaryo ng babae. 

Paano Ginagamot ang Pagkabaog ng Lalaki? 

Ang panggagamot sa pagkabaog sa lalaki ay nakadepende sa sanhi nito. Ito ay natutukoy sa pamamagitan ng mga senyales ng pagkabaog at diagnosis dito. Ang pagkabaog sa mga lalaki ay maaaring magamot sa medukasyon o mga tiyak na gawain, ang ilan ay kinabibilangan ng: 

Hormone Therapy 

Ang mga tiyak na medikasyon ay maaaring makapagpabago sa lebel ng mga hormones na nakaaapekto sa fertility. Halimbawa, ang pagtuturok ng recombinant human follicle-stimulating hormone (rhFSH) sa dugo ay makapagpapataas ng sperm count. 

Operasyon 

Ang mga operasyon ay maaaring makatugon sa mga sira at pagbabara sa mga reproductive organs. Halimbawa, ang pagputol sa mga abnormal na ugat ay maaaring makagamot sa varicoceles. Karagdagan pa, kayang tanggalin ng mga doktor ang sagabal sa reproductive tract. 

Pagbabago sa Paraan ng Pamumuhay 

Ang tamang paraan ng pagkain, page-ehersisyo, at pag-iwas sa mga masasamang bisyo, gaya ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, ay maaaring makapagpataas ng fertility. 

Assisted Reproductive Technologies 

Para sa mga magkapareha na sumusubok na magkaanak, ang assisted reproductive technologies (ART) ay maaari ding mairekomenda. Ang mga ito ay mga fertility methods na ginagamit para mapataas ang posibilidad ng pagbubuntis. Kabilang sa halimbawa ng ART ay ang sumusunod: 

  • Intrauterine Insemination (IUI). Ang pamamaraang ito ay naglalagay ng semilya sa direktang paraan sa matre gamit ang isang manipis na catheter. Ito ay pinakaepektibo sa panahon ng ovulation. 
  • In-vitro Fertilization (IVF). Ang IVF ay ginagawa sa pamamagitan ng pangongolekta ng eggs at isinasama ito sa semilya sa isang petri dish kung saan inaasahang maganap ang fertilization. Itatanim ng mga doktor ang embryo sa matres ng babae. Karagdagan pa, ang pamamaraan na ito ay nangangailangan ng hormone pre-treatment. 
  • Intracytoplasmic Sperm injection (ICSI). Sa makabagong pamamaraan na ito, nagtuturok ang doktor ng isang malusog na semilya sa egg para makalikha ng embryo. 

Key Takeaways

Ang pagkabaog sa mga lalaki ay responsable sa 30% ng mga kaso ng pagkabaog. Karaniwan na ito ay bunga ng problema sa pagpoprodyus ng semilya at iba pang pisikal na hindi kakayahan bagaman ang mga sintomas ng pagkabaog sa mga lalaki ay hindi masyadong halata. Minsan, kung hindi pa sumubok ang magkapareha na magkaanak, hindi pa malalaman ang kondisyong ito. Mahalaga ring maunawaan ang fertility at suriin kung may mga senyales na nagpapabatid ng pagkabaog. Sa paggawa nito, maaaring makahanap ang mga magkapareha ng lunas na kailangan nila. 

Matuto ng higit pa ukol sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Male infertility, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/male-infertility, Accessed May 5, 2020

Infertility in men, https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/ConditionsAndTreatments/infertility-in-men, Accessed May 5, 2020

Infertility, https://www.nichd.nih.gov/health/topics/menshealth/conditioninfo/infertility, Accessed May 5, 2020

Male infertility, https://www.hhs.gov/opa/reproductive-health/fact-sheets/male-infertility/index.html, Accessed May 5, 2020

Male infertility: Symptoms and Causes, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/male-infertility/symptoms-causes/syc-20374773, Accessed May 5, 2020

Infertility, https://www.cdc.gov/reproductivehealth/infertility/index.htm, Accessed May 5, 2020

What treatment options are available for male infertility, https://www.nichd.nih.gov/health/topics/menshealth/conditioninfo/treatments, Accessed May 5, 2020

 

Kasalukuyang Version

06/21/2022

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Nakakabaog ba ang fasting? Alamin dito ang kasagutan!

Epekto Ng Alak Sa Gusto Manganak: Dapat Ba Itong Iwasan?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement