backup og meta

Panganganak Ng Marami o Multiple Births: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Panganganak Ng Marami o Multiple Births: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Pagdating sa pagbubuntis, maraming mga bagay ang hindi natitiyak ng isang ina, at isa na nga dyan ang panganganak ng marami o multiple births. Tinatawag din itong multiple pregnancies at nangyayari ito kapag nagkaroon ng higit sa isang sanggol ang ina sa kanyang sinapupunan. Ang pinakakaraniwang uri nito ay ang kambal (twins).

Para sa ilan, maaaring nakabibigla ang pagbubuntis ng higit sa isang sanggol, ngunit mayroon din namang iba na umaasang magkaroon ng ganitong klase ng pagbubuntis. Kaya’t ang pinakamalaking tanong ngayon ay gaano ito kadalas mangyari?

Ano Ang Sanhi Ng Panganganak Ng Marami?

Genetics

Ang genes ng nanay ang isa sa mga pangunahing dahilan ng panganganak ng marami (multiple births). Batay sa mga pag-aaral, kapag may history ng pagbubuntis ng kambal sa side ng pamilya ng ina, malaki ang tsansa na magkaroon din siya nito.

Edad

Isa pang nakaaapekto sa tsansang magkaroon ang ina ng marami o multiple pregnancies ay ang kanyang edad. Lumalabas sa mga pag-aaral na ang pagbabago sa hormones ng babae matapos ang edad na 35 kung kailan higit sa isang egg ang maaaring nailalabas niya ay nagbibigay ng mas mataas na tsansa na magkaroon ng multiple pregnancies.

Lahi/Etnisidad

Maraming mga pag-aaral ang nagsasabing ang lahi ng babae ay isa ring factor na nakaaapekto sa tsansang magbuntis ng higit sa isang sanggol sa iisang pagkakataon. May ilang etnisidad na pinatataas ang posibilidad nito, ngunit mayroon din namang pinabababa ito. 

Karaniwan Ba Ang Panganganak Ng Marami?

Sa pangkalahatan, bihira para sa babae ang magkaroon ng kambal dahil mayroon lamang 3% na tsansang mangyari ito. Gaya ng nabanggit, maraming mga salik ang puwedeng maging dahilan ng pagkakaroon ng multiple pregnancy.

Ang etnisidad o lahi ay isang napakahalagang salik. Batay sa mga pag-aaral, mababa ang tsansa ng pagkakaroon ng multiple pregnancy sa mga Asyano, lalo na para sa mga taong nasa bansa sa Silangang Asya, kabilang na ang Pilipinas. Sa kabilang banda, ang may pinakamaraming kaso ng multiple pregnancies sa buong mundo ay ang mga bansa sa Africa. 

Gayunpaman, may isang bagong pag-aaral na nagsasabi na mayroong tumataas na bilang ng twin pregnancies (kambal) na pinakakaraniwang uri ng multiple birth sa loob ng nakalipas na mga taon. Madali itong mapansin sa mga bansa sa kanlurang bahagi ng daigdig.

Maiuugnay ang mabilis na pagdami ng multiple pregnancies sa advancement ng medical technology at assisted pregnancies gaya ng in-vitro at iba pa. Dumarami nang dumarami ang mga taong pinipili ang laboratory procedure upang mapataas ang posibilidad na magbuntis ng marami kaysa sa umasa lang sa pagkakataon.

Ano Ang Mga Panganib Ng Panganganak Ng Marami?

Mahalaga ring malaman kung ano ang mga panganib na maaaring harapin ng isang ina sakaling magkaroon siya ng multiple pregnancies. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat malaman ng bawat babae:

Anemia

Kung higit sa isang sanggol ang ipinagbubuntis ng isang babae, kailangan din ng dagdag na nutrisyon upang patuloy na masuportahan ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit malapit sa panganib na magkaroon ng anemia ang isang ina, lalo na kung hindi tama at balanse ang kanyang mga kinakain.

High Blood Pressure

May malaki ring tsansa para sa mga ina na higit sa isang sanggol ang ipinagbubuntis na makaranas ng mas mataas na blood pressure. Napakahalagang magkaroon ng regular na check-up sa iyong doktor. 

Premature Babies At Miscarriage

Isa pa sa panganib na maaaring maranasan ng isang ina ay ang pagkakaroon ng premature babies o kaya’y miscarriage. Muli, mahirap ang magkaroon ng higit sa isang sanggol sa sinapupunan. Kaya’t palaging may tsansa ng miscarriage kung isa sa mga sanggol na ito ang hindi nakakukuha ng sapat na nutrisyon. Kung pareho naman silang mabuhay, mayroon pa ring tsansa na maipanganak sila nang maaga (premature). 

Cesarean Delivery

Posible naman talaga ang normal vaginal delivery kung kambal ang iyong ipinagbubuntis. Ngunit karamihan sa mga kaso, mas ligtas ang C-section delivery. Ito’y ginagamit lalo na kung ang unang sanggol ay hindi nakaposisyon ang kanyang ulo sa baba (head down). Kahit sa normal delivery, nakahanda ang mga doktor na mag-opera sakaling may mangyaring emergency. 

Postpartum Hemorrhage

Nangyayari ang postpartum hemorrhage kapag nagdugo nang sobra ang sinapupunan ng ina matapos manganak. Kung manganganak ang ina ng higit sa isang sanggol, mayroong mataas na tsansa na mangyari ito.

Paano Magkakaroon ng Multiple Pregnancy?

Bihira ang mabuntis ng higit sa isang sanggol sa natural na paraan. Mas umaasa ito sa tsansa kaysa sa siyensya. Isa sa mga paraan na nakapagbibigay ng mas mataas na tagumpay sa multiple births ay sa pamamagitan ng assisted medical technology.

Puwede kang kumonsulta sa fertility specialist at makipag-usap sa iyong doktor para sa iba pang paraan gaya ng In Vitro Fertilization (IVF). Ang IVF ay isang medical procedure na karaniwang ginagamit ng mga mag-asawa na hindi makabuo ng anak nang natural. Sa pamamaraang ito, may malaking tsansa na mabuntis ng higit sa isang sanggol ang isang babae. Gayunpaman, hindi pa rin nakatitiyak dito. Kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa ligtas na pagbubuntis sa pamamagitan ng assisted medical methods. 

[embed-health-tool-ovulation]

Key Takeaways

Hindi karaniwang pangyayari ang pagbubuntis ng higit sa isang sanggol. Bagaman may ilang mga taong gustong magkaroon ng anak na kambal o higit pa,  nakadepende pa rin sa maraming factors ang kahihinatnan ng lahat sa dulo. May mga medikal na pamamaraan upang mapataas ang tsansa na magkaroon ng multiple pregnancy. Gayunpaman, palaging mayroon itong kaakibat na panganib. Para sa higit na impormasyon at alalahanin, humingi ng gabay mula sa mga doktor.

Matuto pa tungkol sa conception issues dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Multiple Pregnancy – Getting Pregnant With Twins or Triplets, https://parenting.firstcry.com/articles/multiple-pregnancy-causes-symptoms-risks-more/, Accessed March 15, 2021

Twin Peaks: more twinning in humans than ever before, https://www.researchgate.net/publication/350034962_Twin_Peaks_more_twinning_in_humans_than_ever_before , Accessed March 15, 2021

Twin pregnancy: What twins or multiples mean for mom, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/twin-pregnancy/art-20048161, Accessed March 15, 2021

Multiple Births, https://www.cdc.gov/nchs/fastats/multiple.htm, Accessed March 15, 2021

How to Conceive Twins, https://www.wikihow.com/Conceive-Twins , Accessed March 15, 2021

Kasalukuyang Version

03/18/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Matandang Pagbubuntis: Mga Tips Para Sa Mga Nagbabalak Na Mabuntis

IVF o Artificial Insemination: Alin Ang Nararapat Sa Akin?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement