Totoo bang bawal sa buntis ang malamig? Ang hydration ay napaka-importante para sa lahat, lalo na sa buntis. Sa init nga naman ng panahon ngayon, mas masarap uminom ng malamig na tubig. At kung buntis ka, may panahon na mainit talaga ang iyong pakiramdam at nais mong uminom ng tubig na may yelo.
Maaari kang ma-dehydrate kapag hindi ka uminom ng sapat na likido gaya ng tubig. Ito ay isang kondisyon kung saan mas maraming likdo ang nawawala sa iyong katawan kaysa sa iyong iniinom.
Kung ikaw ay may sakit o labis na pagpapawis, na maaaring mangyari sa panahon ng pagbubuntis, maaari kang ma-dehydrate nang mabilis. Ang pag-inom ng sapat ay makakatulong sa iyong pakiramdam sa panahon ng pagbubuntis. Ngunit paano kung bawal sa buntis ang malamig?
Napakahalaga na mag-ingat sa panahon ng pagbubuntis ang isang babae. Ang isang malusog na pagbubuntis ay humahantong sa pagsilang ng isang malusog na sanggol. Dapat kang uminom ng tubig upang mapanatili ang antas ng tubig na kailangan ng iyong katawan.
Ang katotohanan kung bawal ba sa buntis ang malamig ay mahalaga lalo na kung nasanay kang uminom ng malamig. Narito ang mga rason kung bakit importante ang tubig sa pagbubuntis:
Mainit Na Pakiramdam Ng Buntis
Mas maraming dugo ang pinipiga ng iyong katawan sa pagbubuntis. Idagdag pa dito ang hormones na maaaring mas lalong magpainit sa katawan. Sa panahong ito, kailangan mo ang sumusunod:
- Gumamit ng electric fan o air conditioner
- Magsuot ng maluwang na damit na gawa sa preskong tela
- Laging uminom ng tubig kahit na sinasabi nilang bawal ang malamig sa buntis
- Maligo sa banyo upang mabawasan ang init
Kailangan uminom ng sapat na likido upang madagdagan ang antas ng amniotic fluid ng buntis. Nag-iiba ang antas nito sa bawat yugto ng pagbubuntis. Ang volume nito ay pwede tumaas sa 800 ml kapag ikaw ay 32-34 linggo nang buntis. Ngunit maaari itong bumaba sa 400 ml mula ika 34 na linggo ng pagbubuntis hanggang sa ikaw ay manganak.
Importante ang amniotic fluid dahil:
- Sinusuportahan ng amniotic fluid ang pagbuo ng fetus sa sinapupunan sa panahon ng pagbubuntis.
- Nakakatulong upang protektahan ang fetus
- Importante ito upang makontrol ang nakapalibot na temperatura.
- Nakakatulong na maiwasan ang anumang pag piga sa pusod na dahilan upang matigil ang supply ng pagkain at oxygen sa fetus
Mga Kuro-Kuro Kung Bakit Bawal Sa Buntis Ang Malamig
Maraming nagsasabi na di maganda sa kalusugan ng buntis at ng sanggol sa kanyang sinapupunan ang malamig. Ngunit ito ay mga kuro-kuro lamang na walang basehan. Narito ang ilan sa mga siyentipikong eksplanasyon kung bakit hindi ito dapat paniwalaan.
Fetal Macrosomia
Hindi daw dapat uminom ng malamig na tubig ang buntis dahil mas lalaki sa inaasahan ang sanggol. Ang kondisyong ito ay tinatawag na “fetal macrosomia”. Ang sanggol na ipinanganak na may bigat na sobra sa 8 pounds at 13 ounces ay may ganitong kondisyon.
Delikado para sa ina ang ganitong kondisyon dahil maaaring may komplikasyon sa normal o vaginal delivery. May panganib din sa kalusugan ng sanggol pagkatapos itong ipanganak. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng fetal macrosomia ay hindi dahil bawal sa buntis ang malamig.
Ang fetal macrosomia ay maaaring sanhi ng:
- Maternal diabetes
- Obesity
- Pagtaas ng timbang habang nagbubuntis
- Isang hindi karaniwang kondisyon ng sanggol na nakakaapekto sa paglaki nito
Sa susunod na pagsabihan ka na bawal sa buntis ang malamig, isipin mo kung ito ay may medikal na basehan. Kung wala naman, at hindi ipinagbawal ng iyong doktor, maaari kang uminom ng tubig na gusto mo upang pawiin ang uhaw o init ng panahon.
Ang tubig ay walang calories at imposible itong maging dahilan ng pagtaas ng timbang mo o ng iyong sanggol.
Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.