Posible bang hindi mo alam na buntis ka? Kahit pitong buwan na ang sanggol sa’yong sinapupunan? Marahil natatawa o curious ka sa katanungang ito. Subalit ang totoo pwedeng mangyari ito at maraming kaso ng pagbubuntis na hindi nila alam na sila’y nagdadalang-tao. Kung minsan mayroon pang mga pagkakataon na nalalaman lamang nila na sila’y buntis kapag malapit na sila manganak — o nakunan na.
Dagdag pa rito maaari pang maging nakakalito at nakakatakot kapag nalaman mong nasa 7-9 months na ang iyong dinadalang bata, at sa ilang mga kaso pa ang labor pains sa panganganak ang nagiging una at “real sign” ng pregnancy ng isang babae.
Tinatawag na “cryptic pregnancy” ang ganitong klase ng pagbubuntis kung saan hindi alam ng isang babae na sila’y buntis at mayroong mga kaso na nasa ikatlong trimester o manganganak na sila bago nila ma-realize na nagdadalang-tao sila.
Ganito ang naging karanasan ni Mrs. Emery Rapisora Pangindian sa kanyang first born baby na si Athena Lianelle.
“January 26, 2020 no’ng nagpa-check ako sa hospital, ang sabi ng doktor going 7 months na si Athena, weeks na lang. So ako, ang initial reaction ko is “talaga ba?” totoo ba talaga? Kasi 7 months na eh parang ang imposible na 7 months na bago ko malaman kasi 2 months na lang manganganak na ‘ko,” pahayag ni Emery.
Noong makumpirma niya na buntis siya sa kanyang first baby nangingibabaw ang takot at pangamba sa kanya, dahil wala pa sa plano niya ang magkaanak.
“Kasi as in talaga, wala akong masyadong naramdaman na pregnancy symptoms dahil normal para sakin na mataba ang tiyan na parang bloated, tapos mapuson,” pagdadagdag niya.
Ipagpatuloy ang pagbabasa ng artikulong ito para sa mahahalagang detalye at kwento tungkol sa cryptic pregnancy ni Emery.
Hindi Mo Alam Na Buntis Ka: Pag-Unawa Sa Cryptic Pregnancy
Kadalasan ang mga babaeng nagkaroon ng cryptic pregnancy ay hindi nakakaranas ng mga sintomas sa pagbubuntis tulad ng pagduduwal, pagsusuka at paglaki ng tiyan.
“Ang nakakatawa, noong makumpirma na buntis ako parang doon nag-start lumobo talaga ‘yung tiyan ko. So, noong 8 months na ‘yung tiyan ko, saka pa lang talaga halatang-halata na buntis ako. Even my best friend na lagi kong kasama, hindi na halata na buntis ako. Kaya gulat din s’ya sa confirmation ng doktor.”
Sa pagkakaroon ng cryptic pregnancy, walang set ng chain of events ang nagli-lead para sa pagdiskubre ng pagbubuntis tulad na lamang sa naging karanasan ni Emery, dahil noong una inakala niyang negative ang kanyang pregnancy test.
“May speculations na ang co-teachers ko November pa lang na buntis ako kasi parang iba raw ang shape ko, pero kasi para sa’kin normal lang ‘yung katawan ko. Pero noong December nag-PT na ‘ko akala ko negative kasi malabo ‘yung isang line pero ‘di pa rin ako mapakali kaya nag-open up ako sa best friend ko.”
Isa pa sa mga dahilan ang kawalan ng pregnancy symptoms kung bakit mas lalong hindi nalalaman ang pagbubuntis ng isang tao at pwedeng makadagdag ito ng pagkalito, lalo na kung ito ang unang pagbubuntis ng babae. Madali nilang naidi-dismiss ang mga sintomas ng pagbubuntis, gaya ng fetal movement, bahagyang pagtaas ng timbang — at pagkapagod bilang resulta ng lifestyle choices at diet.
Bakit Hindi Nalalaman Ang Pagbubuntis?
“Hindi namin makakalimutan ng asawa ko at ng best friend ko, kasi nu’ng time na parang may something na sa sarili ko. Muntik na kong magpurga, kasi ang sabi ko kasi sa kaibigan ko, parang may pumipintig sa tiyan ko. So, akala ng kaibigan ko bulate, ‘yun pala sumisipa na ang anak ko sa tiyan.”
Dagdag pa rito, ang mababang lebel ng pregnancy hormones ay pwedeng mangahulugan na ang iyong pregnancy symptoms ay napakabanayad (very mild) — o posibleng hindi mapansin.
Dagdag pa rito pwedeng humantong ang fluctuating hormones sa bleeding na kapareha ng buwanang menstruation kaya mas lalong lumalaki ang tyansa na hindi malaman ang pagbubuntis. Ngunit sa kaso ni Emery hindi siya buwan-buwan nagkakaroon ng regla kaya para sa kanya normal lamang ang nagaganap sa kanyang sarili.
“Mayroong akong assumption na may PCOS ako dahil irreg ang mens ko at grabe ang tigyawat ko. Sana’y ako na hindi nagkakaroon ng 7-8 months at kahit anong diet ko hindi ako pumapayat.”
Ayon sa mga doktor at eksperto ang ganitong klaseng karanasan ang isa sa malaking factor kung bakit hindi nalalaman ng ilang mga kababaihan ang kanilang pregnancy.
Narito pa ang ilang mga kondisyon na pwedeng iugnay sa hindi alam na pagbubuntis:
- Paggamit ng birth control pills at intrauterine devices. Nagbibigay ito ng confidence sa isang tao na hindi siya mabubuntis sa paggamit nito. Ngunit mayroon pa ring tyansa ng pagbubuntis habang gumagamit nito.
- Perimenopause. Sa kondisyong ito nagiging less consistent ang regla ng babae — at sa oras na huminto ang menstruation nangangahulugan ito ng menopause ng isang babae. Kaugnay nito pwedeng maging magkatulad ang pregnancy symptoms at perimenopause symptoms gaya ng pagtaas ng timbang, at hormone fluctuations.
- Mental illness. Ang mga babaeng may psychotic denial of pregnancy ay maaaring nagtataglay ng sakit sa pag-iisip tulad ng schizophrenia o bipolar disorder, kung saan maaari silang makaranas ng pregnancy symptoms pero pwede nila itong i-link sa delusional causes.
- Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS). Pwedeng limitahan ng kondisyong ito ang fertility ng isang babae — at magkaroon ng hormonal imbalance ito ang sanhi para maging irregular ang regla ng isang indibidwal.
Bukod sa mga nabanggit, maaaring maging sanhi ng missed period ang mababang body fat at athletic activity, at nagiging mahirap din ang pag-detect sa kanilang pregnancy dahil sa high-impact sports na pwedeng maging dahilan ng mababang lebel ng partikular na hormones.
Huwag ding kakalimutan na posible ang pagbubuntis muli pagkatapos ng pregnancy at bago bumalik ang regla dahil ang breastfeeding at hormonal factors ang maaaring maging dahilan para ma-delay ang obulasyon — at regla sa loob ng ilang buwan pagkatapos ng panganganak.
Kaugnay nito pwedeng i-assume ng isang babae na nagkakaroon lang adjustment ang katawan sa postpartum state, pero ang totoo buntis na pala sila ulit.
Hindi Mo Alam Na Buntis Ka: Anu-Ano Ang Mga Risk Factor?
Mayroon man o walang mental illness ang isang babae pwede pa rin silang makaranas ng stress at conflict na maaaring humantong sa cryptic pregnancy.
Sa ngayon, hindi pa rin nakakapag-establish ang mga doktor ng risk factors sa cryptic pregnancy sapagkat hindi nila matukoy ang common features nito.
Mga karagdagang factors sa cryptic pregnancy:
Ayon sa mga mananaliksik pwedeng magkaroon ng isa o higit pang mga sumusunod na factor sa pagkakaroon cryptic pregnancy:
- Pagkakaroon ng batang edad
- May learning disabilities at mental illnesses
- History ng drug abuse
Subalit tandaan walang clear indicator na nag-e-exist para sa cryptic pregnancy.
Hindi Mo Alam Na Buntis Ka: Mayroon Ba Itong Mga Komplikasyon?
“Mixed emotions kasi hindi planado, iniisip ko noon end of the world na. Mababa ang pain tolerance ko kaya takot ako namamatay sa panganganak.”
Ang mga ganitong klaseng alalahanin ay normal lamang dahil may mga pagkakataong nasa later terms ng pagbubuntis ang ilang mga babae bago nila malaman na buntis sila at kaugnay nito pwede silang makaranas ng emotional disturbances.
“Unang nag-rupture sa’kin ang panubigan ko, ‘di ko naramdaman na dumaranas na pala ako ng labor pero habang nag-e-expand ang cervix ko doon siya sumasakit, patindi nang patindi talaga, ang hirap. Kaya thankful ako sa asawa ko na nag-avail kami ng painless, tapos noong nakita ng doktor na crowning na si Athena doon na nila ako pinatulog kaya hindi ko na naramdaman ‘yung pagtatahi.”
Wala namang halos naging komplikasyon sa panganganak ni Emery maliban na lamang sa nahirapan siyang dumumi sa loob ng 3 araw dahil sa kanyang tahi. Ngunit sa ibang mga kaso naman dahil hindi nila alam na buntis sila nagkakaroon ng unassisted deliveries na delekado para sa ina at bata, at ayon sa pag-aaral na nailathala sa National Library of Medicine, 15% ng lahat ng kapanganakan ang involve sa fatal complications — at higit sa 500,000 na babae sa buong mundo ang namamatay habang nanganganak.
“Masaya ako noong nakita ko si Athena, ‘di ko ma-explain. Wala akong magiging pangarap kung ‘di siya dumating at natuto akong mag-explore, magsikap at magkaroon ng goal sa buhay.”
Ngunit, hindi lahat ng mga babaeng nakakaranas ng cryptic pregnancy ay kaparehas ni Emery sa pagtugon nito dahil ang ilan sa mga kababaihan ay dumadaan sa denial stage ng pagbubuntis na pwedeng maglagay sa risk sa baby. Narito ang mga sumusunod:
- Pagkakaospital
- Pagkamatay
- Maliit na sukat ng bata
- Pagiging premature
Ano Ang Pwedeng Mangyari Sa Baby Dahil Sa Cryptic Pregnancy?
Isa si Emery sa mga mapalad na ina, dahil naging maayos at normal ang kanyang anak. Mayroon kasing mga pagkakataon na ang ilang mga bata na ipinanganak — mula sa cryptic pregnancy ay nagiging underweight at minsan naaapektuhan din ang development ng bata dahil sa kakulangan ng prenatal care sa dahilan na hindi kasi alam ng magulang na siya’y buntis.
Ano Ang Suportang Pwedeng Ibigay Sa Mga Babaeng Nagkaroon Ng Cryptic Pregnancy?
“Lahat ng bagay na hindi planado nakakagulat talaga kaya thankful din ako suporta ni Ezekiel kasi, hindi rin ako aware na during my pregnancy may prepartum ako, sobrang emosyonal ko, pero hindi ako iniwan ng asawa ko.”
Tulad ng pagsuporta na ginawa ng asawa ni Emery, mahalaga na bigyan ng financial, moral, at emotional support ang kapareha anuman ang kondisyon at kalagayan nito, dahil makakatulong ito para maproseso ang mga negatibong damdamin — at pangangailangan. Dagdag pa rito malaki rin ang naiaambag nito sa pagpapatibay ng relasyon na kailangan sa lahat ng aspeto ng pakikipagrelasyon at pagpapamilya.
“Masuwerte talaga kami na hindi nalaglag si Athena, at supportive ang asawa ko at ang pamilya niya. Kaya mas naappreciate ko ngayon ‘yung milestone ng pagiging mommy at blessing ng pagkakaroon ng anak. Saka inalagaan talaga ako, kaya dami ring nagsabi na blooming akong nagbuntis at nanganak,” pagwawakas ni Emery.
Key Takeaways
Ang mga kondisyon at factors na nabanggit sa artikulong ito ang ilan sa dahilan kung bakit hindi nalalaman ang pregnancy dahil akala nila normal lamang ang kanilang mga nararamdaman at wala itong kaugnayan sa pagbubuntis. Gayunpaman mahalaga na mapagkonsulta sa doktor para sa tamang diagnosis at medikal na payo.
Matuto pa tungkol sa Nagbubuntis dito.