Ano ang pananakit ng muscle?
Ang pananakit ng muscle ay ang tensyong maaari mong maramdaman sa tiyak na bahagi ng iyong katawan. Madalas itong mangyari matapos mag-ehersisyo o iba pang pisikal na gawain. May mga gamot sa masakit na muscles na maaari mong gamitin upang ito ay gumaling matapos ang matinding ehersisyo.
Kapag ikaw ay nag-eehersisyo, ikaw ay lumilikha ng micro-tears sa muscle fibers. Habang muling nabubuo ang mga ito, lumalakas din ang muscle fiber. Ang proseso ng panunumbalik ng muscle fiber ay ang pinakadahilan kung bakit sumasakit ang muscles.
Ang pananakit ng muscle ay isang mabuti at normal na uri ng pananakit. Ito ay ang reaksyong iyong nararamdaman matapos gamitin nang husto ang iyong muscles.
Mga Uri ng Pananakit ng Muscle
May dalawang uri ng pananakit ng muscle depende sa lebel at tagal ng nararanasang sakit.
1. Acute Muscle Soreness
Ito ay ang uri ng pananakit ng muscle na maaari mong maramdaman habang o agad matapos mag-ehersisyo. Matapos pa lamang ang unang minuto ng iyong ehersisyo, maaari mo ng maramdaman ang panlalambot ng iyong muscles.
Sa huli ay mawawala rin ang sakit pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong minuto o maaaring umabot ng 24 oras matapos marelaks ang nabanat na muscles.
2. Delayed Onset Muscle Soreness (DOMS)
Kapag ikaw ay nag-ehersisyo matapos ang napakahabang panahon ng pagpapahinga, kinabukasan, ang iyong muscle ay hindi mo na maigalaw. Delayed Onset Muscle Soreness (DOMS) ang tawag sa uri ng sakit na iyong nararamdaman.
Hindi tulad ng Acute Muscle Soreness, ang panlalambot ng iyong muscle at ang pananakit ng iyong buong katawan ay maaaring maranasan sa loob ng 24 hanggang 72 oras. Mawawala ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw matapos marelaks ang muscles.
Karaniwan ang DOMS sa mga atleta at sa mga taong nagsasagawa ng pisikal na training. Ito ay nararanasan dahil sa mas tumitindi ang training o ehersisyo. Ang paggawa ng bagong ehersisyo na may malaking pisikal na epekto ay maaari ding maging dahilan ng DOMS.
Gamot sa Masakit na Muscles
Matapos malaman ang uri ng pananakit iyong naranasan pagkatapos mag-ehersisyo, mainam na maghanap ng mga gamot sa masakit na muscles na maaari mong gamitin o gawin.
Mga Natural na Gamot
Ang paggamit ng natural na gamot tulad ng mga halamang gamot upang gamutin ang masakit na muscles ay isang magandang paraan upang mawala ang sakit at ang hindi magandang pakiramdam.
Ang mga halamang gamot ay madalas na ginagamit sa Pilipinas upang gamutin ang iba’t ibang mga sakit, tulad ng ubo, sipon, lagnat, altapresyon, at marami pang iba. Ang mga gamot na ito ay kapaki-pakinabang din bilang gamot sa masakit na muscles.
Narito ang ilan sa mga maaraming gamiting halamang gamot upang gamutin ang masakit na muscles.
Sambong o Blumea Camphor (Blumea balsamifera)
Ang sambong ay may anti-inflammatory factors na nakatutulong upang mawala ang pananakit ng muscles. Maaaring gumawa ng tsaa mula rito o inumin ito na parang supplement.
Bawang o Garlic (Allium sativum)
Ito ay isang karaniwang alternatibong gamot sa Pilipinas. Bukod sa pagiging sikat na gamot para sa altapresyon, ang bawang ay naglalaman din ng anti-inflammatory agents na mabuti para masakit na muscles.
Bayabas o Guava (Psidium guajava)
Ang bayabas ay isang prutas na karaniwang kinukuha ng mga Pilipino sa punong makikita sa bakuran. Ang prutas na ito ay mainam na meryenda. Ito rin ay puno ng mga sangkap na maaaring makatulong upang marelaks ang nabanat na muscles.
Banaba o Giant Crape Myrtle (Lagerstroemia speciosa)
Ang banaba ay isang sikat na halamang gamot sa Pilipinas. Ito ay mayaman sa corosolic acid, isang substance na nagtataglay ng anti-inflammatory properties na mainam upang mawala ang pananakit ng muscles.
Yerba Buena o Peppermint (Clinopodium douglasii)
Ang yerba buena ay sikat dahil sa dahon at katas nito. Ang halamang gamot na ito ay isang analgesic na maaaring makapagpawala sa stress ng muscles. Mainam rin ito bilang gamot sa ubo at sipon.
Oregano (Origanum vulgare)
Dahil mayaman ito sa anti-inflammatory at anti-oxidant properties, ang oregano ay makatutulong upang kumalma ang muscles at nagbibigay rin ng maginhawang pakiramdam.
Luyang Dilaw o Turmeric (Curcuma longa)
Ang luyang dilaw ay may curcumin, na mahalaga upang humupa ang sira ng muscles. Maaari ding mawala ang pamamaga sa tulong nito.
Luya o Ginger (Zingiber officinale)
Ang luya ang may nakakakalmang therapeutic effect na maaaring makapagpahupa at makapagwala ng sakit. Ito ang pangunahing sangkap sa paggawa ng “salabat” o luyang tsaa. Ang salabat ay sikat sa mga Pilipino na madalas magkaroon ng ubo at sipon.
Mga Gamutan
Narito ang ilan sa mga gamutan na maaaring subukan upang humupa ang pananakit ng muscles.
Masahe
Ang masahe matapos ang matinding ehersisyo ay isang magandang paraan upang matulungan ang muscles na gumaling mula sa sobrang pagkakabanat. Nagagamot din nito ang pamamaga at paninigas ng muscle. Mainam din ang masahe upang maging maayos ang daloy ng dugo.
Sisimula ng professional therapist ang pagmamasahe sa pamamagitan ng paglalagay ng langis sa buong bahagi ng katawan na masakit. Ang pinakakaraniwang langis sa pagmamasahe ay ang lavender at peppermint. Nakatutulong ang mga ito upang marelaks at kumalma ang muscles. Mainam din ito upang maiwasan ang pananakit at pamamaga.
Sa Pilipinas, ang “hilot” ay isang sikat na uri ng masahe upang ikaw ay marelaks. Isinasagawa ito ng isang albularyo o manghihilot (massage therapist) sa pamamagitan ng pagsusuri sa bahagi ng katawan kung saan may namuong stress.
Ang hilot ay isang deep-tissue hand massage na nakatutulong upang mabawasan ang tensyon ng muscle at mawala ang stress.
Cold therapy
Ang cold therapy o cryotherapy, isang gamutang isinasagawa sa iba’t ibang paraan. Halimbawa ay ang paggamit ng ice packs o coolant sprays, pagsasagawa ng ice massages, at pag-upo sa isang malamig na bathtub o ice baths.
Ang paglalagay ng cold compress sa masakit na muscles ay nakatutulong upang mawala ang sakit at mabawasan ang pamamaga. Pinamamanhid ng yelo ang masakit na bahagi ng katawan upang bumagal ang pagdaloy ng dugo at maiwasang lumala ang pamamaga.
Ang ice baths o cold whirlpools ay ginagamit ng mga atleta upang gamutin ang kanilang masakit na muscles.
Key Takeaways
Ang pananakit ng katawan dahil sa mga gawaing ito ay bahagi lamang ng proseso upang ikaw ay maging malakas. Ang pag-inom ng mga gamot sa masakit na muscles ay maaaring makatulong upang mawala ang sakit na nararamdaman.














