backup og meta

Gamot Sa Sakit Ng Ngipin: Ano Ba Ang Mabisang Solusyon?

Gamot Sa Sakit Ng Ngipin: Ano Ba Ang Mabisang Solusyon?

Ang iyong kapatid ay bigla na lang nagrereklamo na sumasakit ang kanyang ngipin matapos niyo kumain. Naranasan mo na rin ba ito? Tatalakayin ng artikulong ito ang mga posibleng gamot sa sakit ng ngipin na maaaring makatulong sa iyo. 

Pananakit Ng Ngipin, Ang Pagpapaliwanag

Gaya ng ipinapahiwatig sa pangalan, ang sakit ng ngipin, o toothache sa Ingles, ay tumutukoy sa sakit na nararamdaman sa loob o paligid ng ngipin, maging sa mga gilagid. Maaaring makaramdam ka ng pananakit ng ngipin sa maraming paraan. Maaari itong mawala agad o maaari rin naman itong tumagal. Nakaapekto ang pagkain o pag-inom sa pagpapalala ng sakit, lalo na kung ang pagkain o inumin ay mainit o malamig.

Higit pa rito, maaaring banayad o malubha ang sakit na nararamdaman. Ang mga minor toothaches ay maaaring magmula sa isang pansamantalang pangangati ng gilagid. Sa kabilang banda, ang mas malubhang mga toothache ay sanhi ng mga problema sa ngipin at bibig. Kung kaya, mahalaga ang mga gamot sa sakit ng ngipin upang maabatan ang posibleng paglala nito. 

Mga Sanhi Ng Sakit Ng Ngipin

Kadalasan, ang pananakit ng ngipin ay nangyayari kapag ang pinakaloob na layer ng ngipin (dental pulp) ay namamaga. Sapagkat, ang mga pulp ay binubuo ng mga sensitibong nerves at mga daluyan ng dugo. Ang pamamaga ng dental pulp ay posibleng resulta ng:

  • Pagkabulok ng ngipin (tooth decay)
  • Pagkabasag ng ngipin
  • Maluwag o sirang mga fillings
  • Pagliit ng mga gilagid na nag-eexpose ng mga mas malalambot at sensitibong parte ng tooth rooth (receding gums)
  • Periapical abscess
  • Mga paulit-ulit na galaw (tulad ng pagnguya ng gum o pag-grind o pag-clench ng mga ngipin) 
  • Mga infected na gilagid 
  • Paglabas ng mga ngipin (eruption)

Dagdag pa rito, mayroong ilang iba pang mga kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit, ngunit hindi na ang dental pulp ang apektado. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Peridontal abscess 
  • Mga ulcer sa gilagid
  • Masakit at namamagang paligid ng gilagid (halimbawa, ang pagtanggal ng wisdom tooth ay maaaring magdulot pa rin nito)
  • Sinusitis
  • Temporomandibular joint
  • Teething sa mga sanggol 

Nakabatay ang maaaring ialok na mga gamot sa sakit ng ngipin sa mga naturang mga sanhi.

Mga Sintomas Ng Sakit Ng Ngipin

Ang sakit ng ngipin ay maaaring biglaang magsimula. Maaari rin itong makaapekto sa iyong ulo, tenga at panga. Ilan sa mga sintomas na maaari mong maranasan ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit na maaaring matalim, tumitibok, o patuloy
  • Pananakit habang naglalagay ng presyon sa ngipin (tulad ng pagkagat at pagnguya)
  • Pamamaga sa paligid ng ngipin, loob ng bibig, panga, o mukha
  • Pagdugo ng ngipin o ng mga gilagid
  • Pagiging maselan sa pagkain (malamig, mainit, o matamis man ito)
  • Lagnat o pananakit ng ulo
  • Mabahong lasa ng drainage mula sa nahawaang ngipin
  • Masamang amoy mula sa bibig

Kung ikaw ay nakararanas ng problema sa paghinga at paglunok kasabay ng pananakit, tumawag kaagad sa iyong dentista tungkol dito. Susuriin niya ang iyong bibig, ngipin, gilagid, dila, lalamunan, tainga, ilong, at leeg. Bukod pa rito, maaari siyang magsagawa ng dental x-ray at iba pang mga tests, depende sa pinaghihinalaang dahilan.

Mga Gamot Sa Sakit Ng Ngipin

Narito ang ilan sa mga maaring mong gawin o gamot sa sakit ng ngipin para sa pansamantalang pag-alis ng pananakit:

  • Magmumog gamit ang warm saltwater. Ang tubig na may asin ay nakatutulong mapaluwag ang mga labi sa pagitan ng iyong mga ngipin. Ito ay umaaksyon din bilang isang disinfectant at nakapagbabawas ng pamamaga. Haluin ang ½ kutsarita ng asin sa isang baso ng maligamgam na tubig at banlawan nang maigi ang iyong bibig. 
  • Magmumog gamit ang hydrogen peroxide. Isa pang alternatibo ay ang paggamit ng hydrogen peroxide (3% solution). Ito ay nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga at pananakit. Ihalo ang hydrogen peroxide na may pantay na bahagi ng tubig at lubusang linisin ang bibig. 
  • Gumamit ng cold compress. Para sa pamamaga at pananakit, gumamit ng cold compress na nakabalot sa isang tuwalya at ilagay ito sa masakit na lugar sa loob ng 20 minuto. Ulitin ito bawat ilang oras upang lalong maibsan ang pananakit. 
  • Uminom ng mga pain reliever. Ang mga over-the-counter medications, tulad ng aspirin, ibuprofen, naproxen, o acetaminophen, ay kilala bilang gamot sa sakit ng ngipin. Ito ay marahil mabisa ang mga ito upang maibsan ang pananakit at pamamaga. 
  • Ikonsidera ang paggamit ng mga halamang gamot.  Bukod sa mga nabanggit, maari rin gumamit ng mga halamang gamot bilang alternatibong gamot sa sakit ng ngipin. Ilan sa maaari mong gamitin ay ang bawang, peppermint tea, vanilla extract, at clove oil. 

Key Takeaways

Ang sakit sa ngipin ay isang pangkaraniwang kondisyon na kadalasang nararanasan ng mga tao, mapa bata man o matanda. Siguruhing kumunsulta agad sa doktor kung ang sakit ay patuloy at hindi nawawala sa loob ng ilang araw o linggo. Siya ang makakapagbigay sayo ng angkop na gamot sa sakit ng ngipin. 

Alamin ang iba pa tungkol sa Sakit sa Bibig at Gilagid dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Toothaches, https://medlineplus.gov/ency/article/003067.htm, Accessed July 1, 2022

Toothache, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/10957-toothache, Accessed July 1, 2022

Toothache, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/mouth/toothache, Accessed July 1, 2022

Toothache, https://www.nhs.uk/conditions/toothache/, Accessed July 1, 2022

Toothache and swelling, https://www.healthdirect.gov.au/toothache-and-swelling, Accessed July 1, 2022

Toothache: First aid, https://www.mayoclinic.org/first-aid/first-aid-toothache/basics/art-20056628, Accessed July 1, 2022

Kasalukuyang Version

06/27/2024

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Namamagang Gilagid, Ano Ba Ang Mainam Na Gamot Para Dito?

Lagnat Kapag Nagngingipin: Ano ang Sanhi Nito?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement