Paano mawawala ang mabahong hininga na tinatawag ding halitosis? Ito ay totoong tanong sa mabahong hininga na humahantong sa pangamba na hindi kumausap ng mga tao at magpababa ng self-esteem. Alamin ang ang dapat gawin sa mabahong hininga at ang mga susi na gawain sa hygiene para sa kabuuang oral na kalusugan.
Ano ang mga Sanhi ng Mabahong Hininga?
Maliban sa hindi maayos na oral hygiene, maaaring mayroong medikal na rason para sa ganitong kondisyon. Ilan sa mga ito ay kabilang ang:
- Impeksyon
- Kidney failure
- Diabetes
- Problema sa panunaw
- mpeksyon sa baga tulad ng bronchitis o pulmonya
- Problema sa atay
Dapat Gawin sa Mabahong Hininga
Isagawa ang maayos na oral hygiene
Hindi na kailangan pang paulit-ulitin. Kailangan mong magsipilyo agad matapos kumain. Kung hindi, ang mga plaque at tartar ay mamumuo sa dulong parte ng gilagid malapit sa ngipin, sa harapan at likod ng iyong mga ngipin.
Karagdagan, kung ikaw ay nagsisipilyo, huwag din kalimutan na linisin ang iyong dila dahil ito rin ay nakakukuha ng bacteria. Ang pagsisipilyo rito ay nakababawas ng mabahong hininga. Tandaan na upang maayos na malinis ang ngipin, kailangan mong magsipilyo ng nasa dalawang minuto, kaysa sa 30 hanggang 45 segundo na ginagawa ng karamihan ng mga tao.
Mag-floss nang regular
Maliban sa pagsisipilyo ng iyong mga ngipin at dila, mahalaga rin na mag-floss nang regular kahit na isang beses kada araw upang mawala ang food particles at plaque sa pagitan ng iyong mga ngipin. Nakatutulong ito na makontrol ang mabahong hininga.
Linisin nang mabuti ang dentures o retainers sa iyong bibig
Kung ikaw ay gumagamit ng dentures o dental retainers, sipilyuhin at linisin ang mga ito nang mabuti kada araw. Tanggalin ang mga ito bago matulog at linisin upang matanggal ang namumuong bacteria mula sa mga pagkain at inumin. Maaari kang magtanong sa iyong dentista para sa pinaka mainam na panlinis na produkto para sa iyong dentures o retainers.
Iwasan ang tuyot na bibig
Ang mabahong hininga ay sintomas ng tuyot na bibig o kawalan ng laway. Upang manatiling basa ang bibig, maliban sa pag-inom ng tubig, kailangan mong iwasan ang mga inumin na makapagdudulot ng pagiging tuyo ng bibig tulad ng sodas, kape, o soft drinks.
Iwasan din ang tobacco. Isa pang dapat gawin sa mabahong hininga ay ang pag-stimulate ng laway sa bibig. Ngumuya ng gum o kumain ng candy (sugarless mas mainam). Kung mayroon kang labis na tuyong bibig, maaaring magreseta ang dentista ng oral na gamot na maaaring mag-manage ng laway.
Uminom ng maraming tubig
Ang pag-inom ng maraming tubig kada araw (ng nasa 6 hanggang 8 basong tubig kada araw) ay makaiiwas sa baho ng hininga. Maaari din nitong tanggalin ang particles at bacteria, na sanhi ng halitosis. Ang susi ay panatilihin ang iyong bibig at lalamunan na basa.
Pansinin ang mga kinakain
Ilan sa mga pagkain na iyong kinakain ay maaaring makadagdag sa iyong halitosis. Ang pagkain ng maraming bawang o sibuyas ay nakapagpapabaho ng iyong hininga. Kaya’t hangga’t maaari, iwasan ang mga ganitong uri ng produkto.
Dalasan ang pagpapalit ng sipilyo
Kung patuloy mo pa ring gagamitin ang sipilyo mo ng ilang mga buwan hanggang sa maging maluwag na ang bristles, hindi na ito epektibo sa paglaban ng plaque at mabahong hininga. Maaari din itong pagmulan ng bacteria. Ang iyong sipilyo ay mainam lamang na gamitin ng dalawa hanggang tatlong buwan, matapos ito maaari ka nang bumili ng bago.
Bumisita sa iyong dentista nang regular
Pumunta sa iyong dentista kahit dalawang beses kada taon at ipatingin ang iyong mga ngipin, ipalinis, at ipaayos. Tandaan na ang plaque ay dumarami sa iyong mga ngipin at nakadaragdag ng mabahong hininga. Gagawan ng paraan ng iyong dentista ang pagtanggal ng plaque na ito.
Karagdagan, agad na aksyunan ang mga napinsalang ngipin. Ang mga nabubulok na ngipin ay hindi lang magiging sanhi ng mabahong hininga ngunit gagawa rin ng nana sa bagang.
Itigil ang paninigarilyo
Ang tar at nicotine mula sa sigarilyo ay maaaring dumami sa iyong bibig at manatili sa iyong gilagid, dila, mga ngipin, at maging sa dalawang gilid ng iyong pisngi. Isa sa pinakamahalagang dapat gawin sa mabahong hininga ay itigil ang ganitong gawi. Ngunit kung hindi mo kaya, humingi ng propesyonal na payo at tanungin ang iyong dentista o doktor kung paano titigil sa paninigarilyo.
Gumamit ng antiseptic mouthwash
Ang antiseptic mouthwash — na maaari mong gamitin matapos ang pagsisipilyo ay makatutulong na mawala ang mabahong hininga at mapuksa ang bacteria na sanhi ng mabahong hininga. Bumili nito na alcohol-free. Maaari kang magtanong sa iyong dentista anong brand ang akma para sa iyo.
Gumamit ng mga lunas sa bahay
Ang kalidad ng antiseptic ng cloves o aniseeds na maaaring manguya ay makatutulong upang labanan ang halitosis na sanhi ng bacteria. Kumain ng orange o lemon dahil ang kanilang citric acid ay maaaring mag-stimulate sa salivary glands. Ito rin ay nakapagtatanggal ng mabahong hininga. Maaari ka ring kumain ng mansanas, stick ng celey, o carrot dahil ang mga ito ay makatutulong na matanggal ang namuong bacteria mula sa iyong mga ngipin.
Habang ang pagnguya ng cilantro, basil, parsley, o mint ay nakapag neu-neutralize rin ng mabahong hininga.
Mahalagang Tandaan
Ang halitosis o mabahong hininga ay nagiging malaking problema na hindi lamang nakaaapekto sa iyong kalusugan ngunit sa iyong kabuuang emosyonal na kalagayan din. Ang magandang balita ay sa pagsunod sa mga dapat gawin sa mabahong hininga, maaari mong magamot ang hindi magandang kondisyon na ito.
Kung mayroon ka pa ring mabahong hininga matapos ang pagsasagawa ng lahat ng tips na ito , mainam na komunsulta sa iyong doktor upang matukoy ang posibleng gastrointestinal na kondisyon.
Matuto pa tungkol sa Oral na Kalusugan dito.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.