backup og meta

Mga Uri Ng Dental Implant: Alin Ang Tama Para Sa Iyo?

Mga Uri Ng Dental Implant: Alin Ang Tama Para Sa Iyo?

Ang dental implant ay isang operasyon kung saan pinapalitan ang natanggal na ngipin ng poste na parang screw, abutment, at artipisyal na pamalit na ngipin. Binubuo ng titanium at iba pang mga materyales na tugma sa katawan ng tao ang mga implant. Ang poste na parang screw ang magsisilbing ugat, habang ang abutment ay ang post-extension na ikokonekta sa artipisyal na ngipin. Ang artipisyal na pamalit na ngipin ay may disenyo at kalidad na katulad ng orihinal na malusog na ngipin. Ngunit anu-ano ang mga uri ng dental implant?

Itinuturing na epektibong paraan ang dental implant upang palitan ang natanggal na ngipin na dulot ng injury at pagkakatanggal. Malaking bilang ng populasyon ang pumipili sa implant bilang alternatibo sa pustiso. Gayunpaman, maaari din itong maging opsyon sa mga babaeng nasa edad 16 at mga lalaking nasa edad 18. Iba-iba ang uri ng dental implant depende sa kondisyon ng kalusugan ng bibig ng pasyente.

Mga Uri Ng Dental Implant

Ang dalawang pangunahing uri ng dental implant ay ang mga sumusunod:

  • Endosteal. Ito ay ang pinakakaraniwang ginagamit na uri ng implant, kung saan ang screws na gawa sa titanium ay inilalagay sa buto ng panga.
  • Subperiosteal. Ito ay isang opsyonal na uri ng implant kung ang buto ng panga ng pasyente ay hindi malusog o piniling hindi gawin ang bone augmentation. Sa prosesong ito, ang implant ay inilalagay lamang sa buto ng panga o sa ibabaw nito.

Gayunpaman, kung may ang buto ng panga ng pasyente ay hindi malusog at hindi kayang suportahan ang implants, ang mga sumusunod na teknik ay maaaring gawin upang muling buoin o panatilihin ang buto ng panga.

  • Bone Augmentation. Kabilang dito ang pagdaragdag ng buto upang panatilihin ang buto ng panga. Makatutulong ito sa pagpapatibay ng buto, kaya’t matatamo ang pinakamagandang resulta ng implant.
  • Sinus Lift. Ang teknik na ito ay tinatawag ding sinus augmentation o sinus elevation. Sa prosesong ito, ang buto ay idaragdag sa ilalim ng sinus kung ang natural na buto ay lubhang nasira dulot ng natanggal na likod na ngipin sa taas.
  • Ridge Expansion. Ito ay para sa mga pasyenteng may maliit na panga na hindi kayang suportahan ang dental implants. Ginagawa ang expansion sa pamamagitan ng pagdaragdag ng materyal na panghugpong ng buto sa ridge, na isang buto sa paligid ng ugat ng ngipin.

Proseso Ng Dental Implants

Anoman ang uri ng dental implant, ang proseso ay kadalasang may tatlong yugto:

  • Implant placement. Ilalagay ng dentista ang implant sa buto ng panga sa pamamagitan ng operasyon. Habang nasa proseso ng paggaling, kailangang sundin ng pasyente ang diet na pagkain lamang ng mga malalambot at mainit-init na sabaw.
  • Osseointegration. Ito ay ang proseso ng paggaling ng implant. Ang pasyente at dentista ay maghihintay sa paglaki ng buto ng panga at pananatilihin ang implant sa pwesto nito. Kadalasan, umaabot ng tatlong buwan o higit pa bago ganap na gumaling. Gayunpaman, may ilang pasyenteng pinipili ang parehong implant at pagpapapalit ng ngipin sa loob ng iisang araw.
  • Artificial tooth replacement. Ang dentista ay magbibigay ng pinasadyang ngipin o pustiso na may parehong kulay, laki, at itsura sa ibang mga ngipin. Sa ilang mga kaso, ang dentista ay naghahanda ng pansamantalang artipisyal na ngipin o pustiso bago ang aktwal na permanenteng kapalit na ngipin, dahil matagal ang paggawa ng permanenteng artipisyal na ngipin.

Mga Benepisyo Ng Dental Implants

Sa paglipas ng panahon, ang benepisyo ng dental implants ay mas marami kaysa sa mga hindi bentahe nito. Narito ang ilang benepisyo na maaaring mag-iba-iba sa bawat pasyente:

  • Nagbibigay ng magandang itsura at pakiramdam. Ang artipisyal na ngipin at pustiso ay ginawa nang may realistikong itsura. Ito ang nagbibigay sa pasyente ng magandang ngiti na tulad ng natural na ngipin. Sa pamamagitan din nito ay nasisiyahan ang pasyente sa pagkain ng kanyang mga gusto, tulad ng mga matitigas at malulutong na pagkain.
  • Nakapagpapabuti ng pagsasalita. Nakatutulong ang ngipin sa pagprodyus ng mga tiyak na tunog, lalo na sa pagsasalita. Ang pagpapanatili ng ngipin ay makatutulong sa mga pasyente na magsalita nang mas malinaw.
  • Mas magandang kalusugan ng bibig. Hindi tulad ng mga tradisyunal na pustiso, ang implants ay hindi nagiging sanhi ng pagkairita ng gilagid. Kaya naman, ito ay isang pangmatagalang solusyong nagbibigay ng kaginhawaan. Bukod dito, ang implants na artipisyal na ngipin ay hindi nagkakaroon ng cavities dahil ang mga ito ay titanium, na mas may proteksyon sa sakit.
  • Tibay na pangmatagalan. Ang dental implants ay maaaring umabot nang higit isang dekada, kung ang pasyente ay gumagawa ng wastong pag-iingat dito. Ang kawalan ng pag-iingat sa ngipin ay maaaring maging sanhi upang masira ang implants at magkaroon ng impeksyon.
  • Nagbibigay ng proteksyon sa buto ng mukha. Ang pagkatanggal ng ngipin ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng buto ng panga. Nakatutulong ang dental implants sa pagpapabuti ng paglaki ng buto at sa pag-iwas sa pagkawala ng buto.
  • Ito ay maaaring isang implant na ngipin o isang kompletong set. Ang dentista ay maaaring gumawa ng isang implant na ngipin o isang buong set ng denture implants.

Mga Disadvantage Ng Dental Implants

Narito ang mga disadvantage ng pagpili ng iba’t ibang uri ng dental implant:

  • Kailangan ng operasyon. Maraming tao ang hindi komportable sa ideya ng operasyon. Gayunpaman, ang pagsasagawa ng implants nang hindi sasailalim sa operasyon ay maaaring maging sanhi ng iba pang problema.
  • Hindi komportableng pakiramdam matapos ang operasyon. Ang aktuwal na operasyon ay hindi nagdudulot ng sakit dahil sa local anesthesia. Gayunpaman, matapos ang operasyon, ang pasyente ay maaaring makaranas ng hindi komportableng pakiramdam.
  • Umaabot ng maraming buwan. Kadalasang umaabot ng maraming buwan ang proseso ng dental implants. Ang pagpapalit ng artipisyal na ngipin ay maaaring matapos sa loob ng tatlo o apat na buwan makalipas ang osseointegration.

Key Takeaways

Ang dental implants ay ang pagpapalit ng natural na ngipin ng pinasadyang artipisyal na ngipin. Pinasadya ang disenyo at itsura ng artipisyal na ngipin upang maging katulad ng natitirang ngipin.
Kadalasan, walang problema sa malusog na buto ng panga ang operasyon ng dental implant. Gayunpaman, ang ilang teknik at uri ng dental implant ay maaaring isagawa sa mga pasyenteng may sirang buto ng panga. Gayundin, marami itong benepisyo matapos ang operasyon.

Matuto pa tungkol sa Cosmetic Dentistry dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Types of implants and techniques, https://www.aaid-implant.org/dental-implants/types-of-implants-and-techniques/, Accessed Feb 21, 2021

What are dental implants? https://www.aaid-implant.org/dental-implants/what-are-dental-implants/, Accessed Feb 21, 2021

Implants, https://www.mouthhealthy.org/en/az-topics/i/implants, Accessed February 15, 2021

Implant, https://www.dentalhealth.org/dental-implants, Accessed February 15, 2021

Dental implant surgery, https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/dental-implant-surgery/about/pac-20384622, Accessed February 15, 2021

Who can benefit? https://www.aaid-implant.org/dental-implants/who-can-benefit/, Accessed February 15, 2021

Kasalukuyang Version

03/22/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Invisalign Retainer: Epektibo ba Ito?

Paano Gumagana Ang Braces? Alamin!


Narebyung medikal ni

Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

Dentistry · Unihealth-Parañaque Hospital and Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement