Ang bulok na ngipin ay isa sa pinakakaraniwang problema sa kalusugan. Lalong pangkaraniwan ito sa mga bata, teenager at matatanda. Ngunit ang sinumang may ngipin ay maaaring magkaroon ng mga cavities, kabilang na ang mga bata na kakatubo lamang ng ngipin.
Ang cavity ay mga bahagi ng matigas na ibabaw ng iyong mga ngipin na may permanenteng pagkasira o butas. Ang mga cavities, na tinatawag ding dental caries, ay sanhi ng kumbinasyon na mga dahilan tulad ng:
- Acidogenic na bacteria sa iyong bibig
- Routine o madalas pa sa routine na pagkain ng meryenda
- Pagkain at pag-inom ng mga matatamis at hindi paglilinis ng iyong ngipin
Kung hindi ginamot ang mga cavities, lumalaki ang mga ito at nakakaapekto sa mas malalim na parte ng iyong ngipin. Maaari itong humantong sa matinding sakit ng ngipin, impeksyon sa ngipin, at di kalaunan ay pagtanggal ng ngipin. Ang mga regular na pagbisita sa dentista, mahusay na pagsisipilyo at paggamit ng floss ay ilan lang sa pinakamahusay na proteksyon laban sa cavities at pagkabulok ng ngipin.
Sanhi ng bulok na ngipin
Ang pagkabulok ng ngipin ay sanhi ng aktibidad ng ilang uri ng bacteria na maaaring mabuhay sa dental plaque. Dahil sa bacteria na nasa plaque, maaaring maging acid ang mga asukal na nakuha sa mga iyong kinain. Kapag hinayaang dumami ang plaque at pinatagal ito, magsisimulang sirain ng mga acid na ito ang iyong mga ngipin. Ito ang dahilan kung bakit ang mabuting oral hygiene ay isang mahalagang bahagi ng pagpigil sa pagkabulok ng ngipin.
Ang bacteria ay karaniwang matatagpuan sa iyong bibig. Binabago ng mga bacteria na ito ang mga pagkain, lalo na ang asukal at starch na ginagawang acid. Ang bacteria, acid, mga piraso ng pagkain, at laway ay nagsasama-sama sa bibig upang bumuo ng isang malagkit na sangkap na tinatawag na plaque. Ang plaque ay dumidikit sa ngipin. Ito ay pinakakaraniwan nabubuo sa likod na molar, sa itaas lamang ng linya ng gilagid at sa mga gilid ng mga fillings ng ngipin.
Papaano namumuo ang bulok na ngipin at ang plaque
Nagsisimulang mamuo ang plaque sa mga ngipin sa loob ng 20 minuto pagkatapos kumain. Kung hindi ito aalisin, ito ay titigas at magiging tartar. Naaapektuhan ng plaque at tartar ang gilagid, na nagreresulta sa pamamaga nito (gingivitis at periodontitis). Ang acid sa plaque ay sumisira sa enamel at siya ring nagiging sanhi ng cavities. Ang mga cavities ay karaniwang hindi sumasakit, maliban na lang kung sila ay sumobra sa laki at umabot na sa mga ugat. Kadalasan ito ay nagiging sanhi ng pagkabali ng ngipin.
Ang hindi ginagamot na cavity ay maaaring humantong sa impeksiyon sa ngipin na tinatawag na tooth abscess. Kapag hindi ginamot ang bulok na ngipin, nasisira din ang pulp sa loob nito. Kapag nangyari ito, mangangailangan ng mas malawak na paggamot, o posibleng pagbunot ng ngipin.
Ano ang bulok na ngipin at mga kadahilanan ng panganib
Lokasyon ng ngipin
Ang pagkabulok ay kadalasang nangyayari sa likod ng ngipin tulad ng molars at premolars. Ito ay may maraming mga uka, hukay, siwang, at maraming ugat na maaaring mangolekta ng mga tirang pagkain. Dahil dito, mas mahirap panatilihing malinis ang mga ito kaysa sa mga ngipin sa harap.
Ilang pagkain at inumin
Ang mga pagkaing nakakapit sa iyong ngipin ng matagal ay mas maaaring magdulot ng pagkabulok kaysa sa mga pagkain na madaling natangay ng laway. Kasama sa mga pagkaing ito ang sumusunod:
- Gatas
- Ice cream
- Pulot
- Asukal
- Soda
- Pinatuyong prutas
- Cake
- Matapang na kendi at mints
- Tuyong cereal
- Chips
Madalas na pagmeryenda
Ang walang humpay na pagmemeryenda o paghigop ng mga matatamis na inumin ay nagbibigay sa bacteria ng mas maraming pagkakataong makagawa ng acid na umaatake at sumisira sa ngipin. Lumilikha ng tuloy-tuloy na acid bath sa iyong mga ngipin ang pagsipsip ng soda o iba pang acidic na inumin sa buong araw.
Hindi sapat na pagsipilyo
Kung hindi mo lilinisin ang iyong mga ngipin pagkatapos kumain at uminom, mabilis na nabubuo ang plaque at maaaring magsimula ang mga unang yugto ng pagkabulok.
Ang paggamot para sa pagkabulok ng ngipin ay depende sa kung gaano ito kalubha. Maaaring magreseta ang iyong dentista ng mga fluoride treatment tulad ng mouthwash o varnish upang mabawi ang maagang pagkabulok ng ngipin. Malamang na kakailanganin mo ng filling kung mayroon kang butas sa ngipin.