backup og meta

Bulok Na Ngipin: Sanhi, Sintomas, Gamot, At Pag-iwas

Bulok Na Ngipin: Sanhi, Sintomas, Gamot, At Pag-iwas

Ang pagkakaroon ng bulok na ngipin ay isa sa mga unang naiisip na dahilan kung bakit sumasakit ang ngipin ng ilan. Bagaman ito ay isang karaniwang isyu sa oral na kalusugan, hindi lahat ay nakakaalam kung ano ang nagdudulot nito, dahilan para humantong ito sa iba pang mga problema at komplikasyon. Sa artikulong ito ilalatag natin ang mga sanhi, sintomas, gamot, at paraan ng pag-iwas para rito. 

Pag-Unawa Sa Kung Ano Ang Bulok na Ngipin

Ang pagkabulok ng ngipin ay tumutukoy sa pinsala sa ibabaw ng ngipin o ang tinatawag na enamel. Nangyayari ito kapag ang bacteria sa iyong bibig ay gumagawa ng mga acid na umaatake sa enamel. Ito ay kadalasang humahantong sa pagkabutas ng mga ngipin kung saan ito ay kinikilala bilang mga cavities o dental caries. 

Maaaring tumagal ng tatlong taon para mabuo ang isang cavity sa malakas outer layer ng tooth enamel. Mas mabilis na umuusad ang pagkabulok sa pamamagitan ng dentin (gitnang layer) hanggang sa pulp (pinakaloob na layer). Ang pulp ay naglalaman ng mga nerve ending ng ngipin at suplay ng dugo. Posible itong magdulot ng pananakit, impeksyon, at maging ang pagkawala ng ngipin.

Sinuman ay maaaring magkaroon ng bulok na ngipin, ngunit mas karaniwan ito sa mga bata. Ito ay marahil hindi nila nasisipilyo nang maayos ang kanilang mga ngipin. Dagdag pa rito, ang kanilang pagkahilig sa mga matatamis na pagkain ay nagiging sanhi ng bulok na ngipin. Gayunpaman, posible pa ring magkaroon ng cavities ang mga matatanda. Minsan, ito ay nabubuo buhat ng pagkakaroon ng lumang cavities noong pagkabata. Bukod pa rito, malaki rin ang posibilidad na sila ay magkaroon ng receding gums. Inilalantad ng kondisyong ito ang ibabang bahagi ng ngipin sa plaque na nagdudulot ng naturang cavity.

Mayroong iba’t ibang uri ng bulok na ngipin na kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Smooth surface. Ito ay tumutukoy sa klase na mabagal ang pag-unlad ng cavity. Karaniwan ito sa mga taong nasa kanilang 20s. 
  • Pit and fissure decay. Ito naman ay kadalasang namumuo sa taas na bahagi ng chewing surface ng ngipin na maaari ring maaapektuhan ang harap at likod na mga ngipin. Ang pit and fissure decay ay ang uri na nagkakaroon ng mabilis na pag-unlad.
  • Root decay. Ang mga matatanda ay kadalasang nagkakaroon ng root decay buhat ng kanilang receding gums. 

Sanhi Ng Bulok Na Ngipin

Ang mga ngipin ay sumasailalim sa ilang mga hakbang bago ito matukoy na bulok. Narito ang proseso upang maunawaan ang sanhi nito.

Nagsisimula ang pagkabulok ng ngipin dahil sa pamumuo ng mga dental plaque. Katulad ng nabanggit, kadalasan itong sanhi ng pagkain ng matatamis at hindi tamang pagsisipilyo. Kapag hindi nalinis nang maayos ang plaque, mabilis na gumagalaw ang mga bacteria upang kainin ang mga ito. Ito ang nagiging dahilan ng tinatawag na plaque build-up. Ang pananatili ng mga plaque ang nagpapatigas ng ilalim o itaas ng gum upang maging tartar o calculus. Kapag nagkaroon na ng mga tartar, mas nagiging mahirap ang pagtanggal ng mga naturang plaque.  

Dahil tinatanggal ng acids ng plaque ang mga mineral na matatagpuan sa enamel, nagsisimulang magkaroon ng butas ang ngipin. At habang patuloy nitong ginagawa ang pag-atake, naaabot na rin ang ilang layer ng ngipin tulad ng dentin. Ito naman ang mga maliliit na tubes na direktang nakikipagugnayan sa mga nerves ng ngipin, dahilan para makaramdam ng pangingilo.

Patuloy na naglalakbay ang mga naturang bacteria at acid sa iba pang bahagi ng ngipin hanggang sa magdulot ito ng pamamaga. Ngunit dahil walang lugar para sa pamamaga sa loob ng ngipin, naiipit ang mga nerves, dahilan ng pananakit ng ngipin. Ang discomfort na nararamdaman ay maaaring umabot sa labas ng tooth root papunta sa buto. 

Sintomas Ng Bulok Na Ngipin

Ang mga senyales at sintomas ng cavities ay nakadepende sa lokasyon at kalubhaan nito. Maaaring wala kang maramdaman sa simula, ngunit kalaunan ay lumalaki at lumala ito. Ilan sa mga karaniwang sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng ngipin (maaaring biglaan o dahil sa hindi matukoy na dahilan)
  • Pangingilo ng ngipin
  • Banayad hanggang sa matinding pananakit kapag kumakagat, kumakain, o umiinom ng matamis, mainit, o malamig 
  • Mga butas sa ngipin
  • Brown, black, o white staining sa ibabaw ng ngipin

Posible ring sintomas ng bulok ng ngipin ang pagkakaroon ng mabahong hininga. Ang iba naman ay nagkakaroon ng impeksyon, na maaaring humantong sa abscess, dahilan para makaramdam ng:

  • Pananakit
  • Pamamaga ng mukha
  • Lagnat

Iba’t Ibang Paraan Ng Paggamot At Pag-iwas

Mayroong iba’t ibang paraan upang magamot ang bulok na ngipin. Ito ay nakabatay sa  kalubhaan ng kondisyon.

  • Flouride treatments tulad ng mouthwash na nagtataglay nito o ang pagsasagawa ng varnish
  • Fillings
  • Root canal
  • Extraction o pagbunot ng ngipin

Ang pag-iwas sa pagkakaroon ng tooth decay ang pinakamainam na paraan ng paggamot. Maaari mong ikonsidera ang pagsasagawa ng mga sumusunod:

  • Pagsipilyo ng ngipin dalawang beses sa isang araw gamit ang flouride toothpaste
  • Regular na pag-floss ng ngipin
  • Paggamit ng mouthwash na mayroong flouride
  • Pagkain ng masustansya at balanseng pagkain. Limitahan din ang pagkain at pag-inom ng mga maasukal na pagkain
  • Huwag manigarilyo.

Kaugnay ng mga ito, siguraduhin din ang regular na pagpapapatingin sa iyong dentista. 

Key Takeaways

Bagaman karaniwang problema ang pagkakaroon ng bulok na ngipin, madali naman itong maiwasan. Ang pagpapanatiling ng good oral hygiene ang makatutulong upang mapanatiling malusog ang mga ngipin at gilagid. Kabilang ang regular na pagsisipilyo at flossing sa ilan sa mga maaari mong gawin. 

Alamin ang iba pa tungkol sa Oral na Kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cavities, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/10946-cavities, Accessed August 17, 2022

Cavities/tooth decay, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cavities/symptoms-causes/syc-20352892#:~:text=Cavities%20are%20permanently%20damaged%20areas,not%20cleaning%20your%20teeth%20well, Accessed August 17, 2022

Tooth decay, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/mouth/tooth-decay, Accessed August 17, 2022

Tooth decay, https://www.nhs.uk/conditions/tooth-decay/, Accessed August 17, 2022

Tooth Decay, https://medlineplus.gov/toothdecay.html, Accessed August 17, 2022

Kasalukuyang Version

07/11/2024

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Hello Doctor Medical Panel

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Gamot Sa Sakit Ng Ngipin Ng Bata: Subukan Ang Mga Ito!

Pangingilo Ng Ngipin: Sanhi, Sintomas, At Paggamot


Narebyung medikal ni

Hello Doctor Medical Panel

General Practitioner


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement