Kapag may mga rashes na mukhang mga butlig ang isang tao, agad na iniisip ng iba na ito ay bulutong o chickenpox na. Ngunit, mayroong iba’t ibang mga viral infections na nagdudulot ng parehas na sintomas tulad ng smallpox at monkeypox. Sa artikulong ito, idedetalye kung ano ang smallpox at ano ang pagkakaiba nito sa dalawa pang nabanggit na sakit.
Ano Ang Smallpox?
Ang smallpox ay tumutukoy sa isang seryoso at nakamamatay na nakahahawang sakit. Katulad ng monkeypox, ito ay sanhi ng partikular na virus na miyembro ng orthopoxvirus family, ang variola virus. Ang naturang virus ay nagdudulot ng mga paltos na puno ng nana.
Karamihan sa mga taong nagkaroon ng smallpox ay gumaling, ngunit humigit-kumulang 3 sa bawat 10 taong may sakit ang namatay. Nag-iiwan ang smallpox ng permanenteng peklat sa malalaking bahagi ng katawan, lalo na sa mukha. Mayroon din namang mga taong naiwang bulag.
Noong 1980, idineklara ng World Health Organization (WHO) na ang smallpox ay napuksa na. Ngunit bago ito masugpo, kinilala ito bilang isa sa mga sakit na nagdulot ng milyun-milyong pagkamatay na tumagal ng hindi bababa sa 3000 taon. Gayunpaman, wala ng nakumpirmang kaso matapos ang nasabing taon.
Dagdag pa rito, mayroong mga samples ng smallpox virus na naitago sa dalawang research labs para mapag-aralan pa rin ang posibleng muling paglaganap.
Sa kasalukuyan, walang gamot para sa smallpox. Ngunit, mayroon mga bakuna na makatutulong upang maiwasan ang pagkalat nito. Maaari pigilan ng smallpox vaccine ang paghawa sa ibang mga tao kung agaran mabakunahan matapos ang exposure.
Ano Ang Smallpox At Ano Ang Mga Sintomas Nito?
Hindi agarang lumilitaw ang mga sintomas ng smallpox. Ang isang tao ay maaaring hindi makaramdam ng sakit sa loob ng mga pito hanggang 14 na araw pagkatapos ng exposure sa virus. Ang nasabing oras ay ikinokonsidera na bilang incubation period. Matapos ang incubation period, ang mga unang sintomas ay lumalabas na.
Mayroong apat na klinikal na uri ng smallpox — ordinary smallpox, flat smallpox, hemorrhagic smallpox, at vaccine-modified smallpox. Katulad ng ipinapahiwatig sa pangalan, ang ordinary smallpox ay ang pinakakaraniwan sa mga uring nabanggit. Ito ay nangyayari sa 90% ng mga kaso.
Mayroon itong mga yugto na pinagdadaanan kasabay ng mga sintomas na ipinapakita ng tao kada yugto.
Initial Symptoms
Ang unang yugto ay tumatagal ng mga tatlong araw. Kasama sa mga sintomas ang mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, pananakit ng ulo, at pagsusuka.
Early Rash
Pagkatapos ng mga unang sintomas, lumilitaw ang isang pantal sa buong katawan. Ito na ang nakakahawang yugto na tinutukoy. Ang virus ay madaling kumalat sa pamamagitan ng pakikipag-usap, pagbahing, o pag-ubo. Sa panahon ng maagang yugto ng pantal:
- Nagkakaroon na ng pantal sa dila at sa loob ng bibig at lalamunan. Ang mga pulang batik sa bibig ay nagiging mga bukas na sugat.
- Kumakalat ang pantal sa mukha, sumunod sa braso, binti, likod, at katawan. Ang pantal ay tumatagal ng humigit-kumulang isang araw upang kumalat sa katawan. Ito ay kinabibilangan na ng mga palad ng mga kamay at talampakan ng mga paa.
- Napupuno ng nana ang mga bukol sa balat, na maaaring may pagkakayumi sa gitna ng bawat bukol. Tumatagal ng humigit-kumulang dalawang araw para mapuno ng likido ang mga bukol.
Pustular Rash At Scabs
Ang mga bukol ay nagiging pustules na karaniwang inilalarawan bilang matitigas at bilog na bukol. Sa susunod na 10 araw, nabubuo ang magaspang na scabs sa ibabaw ng pustules. Makalipas ang halos isang linggo, nagsisimula nang humupa ang mga ito.
Ang mga scabs ay karaniwang nalalagas sa loob ng tatlong linggo. Kapag natuyo na ang mga ito, nag-iiwan sila ng mga peklat.
Dapat tandaan na nakakahawa pa rin ang taong may smallpox hanggang sa mawala ang kanyang huling scab.
Ano Ang Smallpox At Paano Ito Naiiba Sa Chickenpox At Monkeypox?
Dahil pare-parehas silang na “pox” at nagdudulot ng mga rashes, may ilang mga taong nahihirapan kilalanin kung ano ang smallpox mula sa chickenpox at monkeypox.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, may ilang mga pagkakaiba ang chickenpox at smallpox. Para sa chickenpox, nagkakaroon daw ng mild na sakit 0 hanggang 2 araw bago magkaroon ng rash. At kadalasang unang lumalabas ang mga ito sa mukha o sa may dibdib. Sunod-sunod na nabubuo ang mga sugat. Bagaman ang ilan ay bago, ang mga luma ay patuloy ang pag-crust over. Sa kabilang banda, 2 hanggang 3 araw ng malubhang sakit ang kinakailangan para sa smallpox bago magkaroon ng mga rashes. Ito ay unang lumalabas sa lalamunan o sa bibig, na susundan ng mukha o ng braso. Hindi tulad ng chickenpox, ang mga sugat ng smallpox ay nabubuo nang magkakasabay.
Samantala, ang mga sintomas ng monkeypox at smallpox ay halos magkapareho. Nagdudulot ang dalawa ng lagnat, panginginig, pananakit ng ulo, pananakit ng muscles, at pagkapagod. Bukod pa rito, isang natatanging pagkapareha nila ay ang mga pantal na may mga sugat na puno ng likido. Kadalasan itong nakikita sa mukha, bibig at mga paa’t kamay, na kapansin-pansin sa kasalukuyang paglaganap ng monkeypox. Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng monkeypox at smallpox ay ang monkeypox ay may mas mababang fatality rate. Mas malawak din ang kilalang host range nito kaysa sa mga smallpox.
Key Takeaways
Dahil maraming mga impormasyon na nagsasabi ng ugnayan ng monkeypox at smallpox, marami ang napapatanong kung ano ang smallpox. Bagaman matagal na itong nasugpo, kinakailangan pa rin malaman ang mga impormasyon tungkol dito upang maiwasan din ang muling paglaganap.
Alamin ang iba pa tungkol sa Iba Pang Viral Infections dito.