backup og meta

Paggamot Sa Typhoid Fever: Antibiotics At Treatment Plans

Paggamot Sa Typhoid Fever: Antibiotics At Treatment Plans

Maaaring ma-diagnose ang typhoid fever batay sa mga sintomas nito kasama ng history ng paglalakbay o ng pagkakalantad ng pasyente. Ang diagnosis na ito ay kinukumpira sa pamamagitan ng tests na nagpapatunay sa pagkakaroon ng Salmonella typhi sa samples ng dugo, fluid ng katawan, dumi, o tissue. Maaari ding ma-detect sa tests ang antibodies na may reaksyon sa bakteryang ito, o suriin ang pagkakaroon ng DNA ng bakteryang ito sa dugo. Ang paggamot sa typhoid fever ay kailangan upang gumaling.

Dahil ang typhoid fever ay isang sakit na dulot ng pagkakaroon ng bacteria, ang paggamot nito ay kadalasang kinabibilangan ng antibiotics, kasama ng mga gamot na makatutulong upang maibsan ang iba pang mga sintomas.

Mahalagang tandaan na ang reseta ay lubhang kinakailangan upang mabili ang antibiotics. Ang antibiotics ay hindi dapat inumin nang walang pagsusuri, payo, at pangangasiwa ng doktor at ang buong kurso ng gamutan ay dapat kumpletuhin.

Paggamot Sa Typhoid Fever: Antibiotics

Ciprofloxacin

Ang una at pinakakaraniwang inireresetang antibiotic ay ang ciprofloxacin. Ito ay isang quinolone antibiotic na gumagana upang pigilan ang pagdami ng bacteria. Ang alternatibong gamot dito ay antibiotic na pareho ang pagkakabuo na tinatawag na ofloxacin. Ang parehong mga gamot na ito ay madalas na nasa anyo ng tablets.

Gayunpaman, ang ilang strains ng Salmonella typhi na bacteria ay lumalaban sa gamot na ito dito dahil sa makasaysayang maling paggamit at pagkakaroon ng antibiotic resistance.

Azithromycin

Ito ay isa pang antibiotic na karaniwang inirereseta para sa typhoid fever. Tulad ng lahat ng antibiotics, ang dosage ng gamot na ito ay partikular sa vitals ng taong iinom nito, at ang scale ng impeksyon.

Ceftriaxone

Ang isa pang posibleng opsyon ay ang gamot na ceftriaxone. Hindi tulad ng antibiotics na nabanggit kanina na kadalasang iniinom sa anyo ng tablets, ang ceftriaxone ay ibinibigay intravenously o sa pamamagitan ng pagturok o injection.

Dahil ito ay isang gamot na kadalasang ginagamit upang maiwasan ang mga impeksyon sa panahon ng mga operasyon, maaari din itong gamitin upang gamutin ang malubha o kumplikadong typhoid fever.

Iba Pang Uri Ng Paggamot Sa Typhoid Fever

Pag-Inom Ng Fluids

Upang maiwasan ang dehydration dulot ng mga karaniwang sintomas ng typhoid fever tulad ng pagtatae at lagnat, mahalagang manatiling hydrated. Kung ang dehydration ay umabot sa isang malubhang lebel, ang fluids ay maaaring kailanganging ibigay intravenously o sa pamamagitan ng IV.

Operasyon

Kung ang bituka ay pumutok o mapunit dahil sa typhoid fever, posibleng kailanganin ng operasyon. Gayunpaman, maiiwasan ito sa pamamagitan ng paghingi ng propesyonal na tulong sa sandaling maranasan ang mga sintomas

Mga Plano Ng Gamutan

Maaaring gawin sa bahay o sa ospital ang paggamot sa typhoid fever. Ngunit ito ay pagpapasyahan ng doktor at batay sa kalubhaan ng kalagayan ng pasyente.

Sa bahay, kasama sa gamutan ang pag-inom ng iniresetang gamot sa loob ng isa hanggang dalawang linggo batay sa reseta ng doktor. Mahalagang tapusin ang kurso ng pag-inom ng antibiotic kahit gaano pa kabuti ang pakiramdam makalipas ang mga unang araw. Ang pagtigil sa pag-inom ng gamot ay maaaring humantong sa paglaban sa iniinom na gamot. Siguraduhing gawin ang wastong paghuhugas ng kamay habang may sakit at paalalahanan ang mga miyembro ng pamilya na gawin din ito.

Makipag-Ugnayan Sa Doktor

Maaaring kailanganing i-admit sa ospital upang hindi lumubha ang typhoid fever. Mas dapat itong gawin kung ang may sakit ay isang bata. Maaaring kailanganin din ito para sa mga malulubhang kaso na may kasamang pagsusuka, matinding pagtatae, at paglaki ng tiyan.

May posibilidad na muling magkaroon ng typhoid fever. Dahil dito, maaaring kailanganing inumin nang mas matagal ang gamot upang ganap na maalis sa katawan ang bakterya. Ang mga relapse ay kadalasang may mas hindi ganong malubhang sintomas. Tumatagal ito ng mas maikling panahon ngunit kailangan pa ring gamutin ng doktor.

Siguraduhing sundin ang ibinigay na reseta at humingi ng tulong kung may anomang mga komplikasyon. Sa ngayon, sundin ang payo ng doktor, huwag maghanda o maghain ng pagkain, at siguraduhing maghugas ng mga kamay.

Key Takeaways

Ang pangunahing paggamot sa typhoid fever ang pag-inom ng antibiotics. Komunsulta sa doktor kung naghahanap ng gamot para sa typhoid fever.

Matuto pa tungkol sa Typhoid Fever dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Typhoid Fever, https://kidshealth.org/en/parents/typhoid.html. Accessed March 9, 2021

Diagnosis, Treatment and Prevention of Typhoid Fever in Adults 2017, http://thepafp.org/website/wp-content/uploads/2017/05/2017-Typhoid-fever-in-Adults.pdf, Accessed March 9, 2021

Symptoms and Treatment | Typhoid Fever, https://www.cdc.gov/typhoid-fever/symptoms.html, Accessed March 9, 2021

Typhoid fever – Treatment, https://www.nhs.uk/conditions/typhoid-fever/treatment/, Accessed March 9, 2021

Typhoid fever – Diagnosis and treatment, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/typhoid-fever/diagnosis-treatment/drc-20378665, Accessed March 9, 2021

Kasalukuyang Version

03/02/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Ika Villanueva Caperonce, MD

In-update ni: Vincent Sales

Narebyung medikal ni

Ika Villanueva Caperonce, MD

Infectious Disease · Makati Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement