backup og meta

Mga Uri At Sanhi Ng Meningitis

Mga Uri At Sanhi Ng Meningitis

Ano Ang Meningitis? Ano-Ano Ang Mga Uri ng Meningitis?

Ang meningitis isang potensyal na nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa meninges, ang protective membrane na bumabalot sa utak at sa spinal cord. Ito ay nagiging sanhi ng pamamaga ng meninges at ng mga pagbabago sa cerebrospinal fluid. Mayroon itong sanhing nakahahawa at hindi nakahahawa. Ito ay kadalasang sanhi ng virus o bakterya, ngunit posible rin ang ibang sanhi. Kabilang sa iba pang mga sanhi ng meningitis ay injuries o trauma, tiyak na mga gamot, cancer, o iba pang mga impeksyon. Maraming uri ng meningitis.

Mga Uri Ng Meningitis: Mga Karaniwang Sintomas

Ilang sa mga karaniwang sintomas ng meningitis ay ang mga sumusunod:

  • Lagnat
  • Pagsakit ng ulo, na maaaring malubha o hindi nawawala
  • Pagduduwal, pagsusuka
  • Paninigas ng leeg
  • Pagiging sensitibo sa ilaw
  • Mga pagbabago sa pag-iisip mula sa mahinang konsentrasyon, pagkalito, hanggang sa pagkaantok o panghihina
  • Pangingisay
  • Depende sa sanhi, mga sintomas sa katawan tulad ng ubo, sipon, pagtatae, pagkapagod, kawalan ng ganang kumain, pagkakaroon ng rashes sa balat

Ang mga gamutan at gamot para sa meningitis ay iba-iba, depende sa tiyak na uri at sanhi. Mahalagang matukoy kung anong uri ng meningitis ang nakaaapekto sa pasyente bago pa lumubha ang mga sintomas.

Mga Uri ng Meningitis

Viral Meningitis

Ang uring ito ng meningitis ay sanhi ng viruses. Ito ay ang pinakakaraniwang uri ng meningitis. Ang mga sintomas nito ay kadalasang hindi biglaan o malubha kumpara sa bacterial meningitis.

Maaaring proteksyunan ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng mask at pag-iwas sa malapitang kontak sa taong may ganitong sakit. Dagdag pa ay ang madalas na paghuhugas ng kamay at pagpapanatiling malinis ng paligid.

Manatili lamang sa bahay kung may viral meningitis upang maiwasang kumalat ang virus at makahawa ng iba. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga may ganitong sakit ay kusang gumagaling nang walang gamot. Gayunpaman, pinakamainam pa ring kumonsulta agad sa doktor kung nakararanas ng mga sintomas ng meningitis para sa tamang diagnosis, upang malaman ang sanhi nito, at magkaroon ng tamang gamot at medikal na payo.

Bacterial Meningitis

Bakterya ang sanhi ng ganitong uri ng meningitis. Ito ay ikalawa sa pinakakaraniwang uri ng meningitis. Ang mga batang edad 1 buwan hanggang 2 taon ay kadalasang may tyansang magkaroon nito.

Maaari din itong nakamamatay at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon. Maraming mga bakuna ang maaaring gamitin upang makatulong na labanan ang tiyak na uri ng bakterya na nagiging sanhi ng bacterial meningitis.

Fungal Meningitis

Kabilang sa mga uri ng meningitis ay ang fungal meningitis. Ito ay isang bihirang uri na sanhi ng nalanghap na fungal spores. Maaaring magkaroon nito kung ang fungus ay kumalat sa buong katawan at nakarating sa utak o spinal cord. Ang mga taong may mahihinang resistensya ay mas may tyansang magkaroon ng fungus meningitis.

Dahil dito, ang mga taong may mahihinang resistensya ay dapat iwasan ang lupa, at ang mga gawaing may kontak sa mga ibon at paniki (halimbawa: pagpunta sa kweba).

Parasitic Meningitis

Parasite ang sanhi ng bihirang uring ito ng meningitis. Kadalasan, ang parasites na ito ay nakaaapekto sa mga hayop at hindi sa mga tao. Ngunit sa pamamagitan ng pagkain ng apektadong hayop o ng anumang kontaminadong pagkain, maaaring magkaroon ng parasitic meningitis ang mga tao. Walang tiyak na gamot para sa sakit na ito. Maaring makontrol ng mga gamot para sa sakit ang pagsakit ng ulo at iba pang mga hindi malulubhang sintomas.

Amebic Meningitis

Tinatawag din itong Primary Amebic Meningitis (PAM). Ang impeksyong ito sa utak ay bihira at potensyal na nakamamatay. Ang malayang nabubuhay na ameba na tinatawag na Naegleria fowleri ang nagiging sanhi ng impeksyong ito. Nabubuhay ang ameba sa lupa o sa mga maiinit na yamang-tubig tulad ng hot springs, lawa at ilog, heaters ng tubig, o hindi nalilinis na swmming pools. Pumapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng ilong, kadalasan kapag naglalangoy. Matapos ito ay pupunta ito sa utak at maaapektuhan ang tissues nito. Upang mabawasan ang tyansang magkaroon ng amebic meningitis, iwasang mapunta ang tubig sa ilong sa tuwing naglalangoy.

Hindi Nakahahawang Meningitis

May mga tiyak na kondisyong ang meningitis ay hindi sanhi ng impeksyon. Ang mga hindi nakahahawang sanhi nito ay maaaring tiyak na uri ng cancer, lupus, pamamaga dulot ng injury sa utak o matapos ang operasyon sa utak, o paggamit ng droga.

Key Takeaways

Ang ilang uri ng meningitis ay hindi nakahahawa at mas madaling kontrolin. Ngunit may ibang mga uri ng meningitis na malubha at posibleng nakamamatay. Maraming mga pasyente ang gumagaling mula sa meningitis. Gayunpaman, ang impeksyon ay maaaring magresulta sa permanenteng disabilities, tulad ng kawalan ng pandinig, disabilities sa pagkatuto, o pinsala sa utak.
Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang meningitis ay prebensyon. Sa pamamagitan ng mga bakuna ay maiiwasan ang meningitis na dulot ng bakterya. Ang mga taong may mas mataas na tyansang magkaroon ng sakit na ito dulot ng ibang comorbidity o immunocompromised na sitwasyon, mga buntis, o mga sanggol ay dapat maging mas maingat sa kalinisan, pagkakaroon ng kontak sa mga may sakit, o sa mga pinupuntahang lugar at sa mga ginagawang gawain.
Laging isaisip ang wastong paghuhugas ng kamay at paghahanda ng pagkain. Magsaliksik tungkol sa mga posibleng panganib sa kalusugan kung may pupuntahan. Gawin ang lahat ng mga pag-iingat bago umalis. Protektahan ang iba sa pamamagitan ng pananatili sa bahay kung may sakit. Sanayin ang mabuting kalinisan at ang pagkain ng masustasya upang maiwasan ang mga impeksyon at sakit na ito.

Matuto pa tungkol sa Meningitis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Meningitis | Home | CDC, https://www.cdc.gov/meningitis/index.html, Accessed February 6, 2021

Meningitis – Causes and Symptoms – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/meningitis/symptoms-causes/syc-20350508, Accessed February 6, 2021

Types and causes of meningitis, https://www.meningitisnow.org/meningitis-explained/what-is-meningitis/types-and-causes/, Accessed April 20, 2021

Meningitis, https://kidshealth.org/en/parents/meningitis.html, Accessed April 20, 2021

Bacterial Meningitis, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/11039-bacterial-meningitis, Accessed April 20, 2021

Kasalukuyang Version

03/01/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Ika Villanueva Caperonce, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Stages ng TB Meningitis: Kahalagahan ng Maagang Pagtuklas

Ano ang TB Meningitis? Lahat ng Kailangan Mong Malaman


Narebyung medikal ni

Ika Villanueva Caperonce, MD

Infectious Disease · Makati Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement