Ano ang tuberculosis meningitis? Ang tuberculosis meningitis o TB meningitis ay isang kondisyong medikal na potensyal na nakamamatay. Kaya naman mahalagang maging maingat sa mga sintomas ng TB meningitis.
Meningitis
Ang meningitis ay isang medikal na kondisyon. Nangyayari ito kung ang meninges, o ang membranes na bumabalot at pumoprotekta sa utak at spinal cord ay namamaga. May iba’t ibang mga sanhi ang pamamagang ito. Kabilang sa mga uri ng kondisyong ito ay ang bacterial, viral, fungal, parasitic, amebic, at non-infectious meningitis. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay maaaring humantong sa mas malubhang komplikasyong neurological kung hindi agad magagamot.
TB Meningitis
Isang uri ng bacterial meningitis ang TB meningitis. Ang bakterya na Mycobacterium tuberculosis ang sanhi ng kondisyong ito. Ito ang parehong bakterya na nagiging dahilan ng tuberculosis (TB), isang sakit na karaniwang nakaaapekto sa mga baga. Gayunpaman, maaari din itong kumalat sa iba pang mga bahagi tulad ng lymph nodes, bituka, mga kasukasuan, buto at iba pa.
Ang TB meningitis ay isang bihirang komplikasyong nangyayari sa ilang taong mayroon o nagkaroon na ng TB. Mas nakaaapekto ang tuberculosis sa mga taong nakatira sa mga mahihirap na lugar o bansa na may mataas na kaso ng TB. Ang kondisyong ito ay nakamamatay dahil sa mga hindi tiyak na sintomas nito na kadalasang humahantong sa late na diagnosis. Kung hindi magagamot, ito ay maaaring magresulta sa mas malubha at pangmatagalang kondisyon.
Paano Lumulubha Ang TB Meningitis?
Narito ang paraan kung paano lumulubha ang TB meningitis sa katawan:
- Pumapasok ang bakterya sa katawan sa pamamagitan ng malapitang kontak at paglanghap ng droplets mula sa pag-ubo o pagbahing ng isang taong may TB.
- Pagkatapos makapasok sa mga baga, dumarami ang bakterya. Kung hindi sapat ang lakas ng resistensya ng isang tao upang labanan ang impeksyon, maaari itong kumalat. Dumaraan ang mga ito sa daluyan ng dugo o lymphatic system, at sa iba pang organs.
- Sa madaling kapitan na host, maaaring makarating ang bakterya sa central nervous system. Dito ito bumubuo ng mga maliliit na koleksyon ng mga nakahahawang “tubercle” o pamamaga ng meninges at tissue ng utak. Ito ay humahantong sa TB meningitis.
Ang reaksyon sa impeksyon ay nagiging sanhi ng pagtaas ng presyon sa loob ng bungo, na maaaring makapinsala sa nerves at tissues ng utak.
Mga Sintomas Ng TB Meningitis
Iba-iba ang mga sintomas ng TB meningitis depende sa resistensya ng isang tao at sa kalubhaan ng sakit.
Hindi Malinaw/Di-Tiyak Na Mga Sintomas Ng TB Meningitis
Ang mga paunang sintomas ng TB meningitis ay inilalarawan bilang hindi malinaw at hindi tiyak. Ang mga sintomas na ito ay may kaugnayan din sa iba pang mas karaniwang mga impeksyon at kondisyon.
- Sinat
- Hindi mabuting pakiramdam o karamdaman
- Pagkapagod
- Pagkirot at pananakit
- Mahinang gana sa pagkain
- Pagsakit ng ulo
- Pagiging iritable
Mga Tiyak Na Sintomas Ng TB Meningitis
Ang mga tiyak at mas may kaugnayang sintomas ng meningitis ay mararanasan ng mga pasyente kung ang TB meningitis ay hindi na-detect at kung nagkaroon ng posibleng pagtaas ng intracranial pressure. Kabilang dito ang:
- Malaking pagbabago sa estado ng pag-iisip tulad ng pagkaantok, pagkahilo
- Matinding sakit ng ulo
- Paninigas ng leeg
- Mga senyales na tulad ng stroke (focal neurological deficits)
- Hindi normal na hindi boluntaryong paggalaw
Mga Sintomas Sa Huling Yugto
Kung ang TB meningitis ay hindi ipagagamot, ang taong may ganitong kondisyon ay maaaring makaranas ng mga sumusunod:
- Kawalan ng pandamdam
- Coma
- Pangingisay
Paggamot Sa Una At Huling Yugto Ng TB Meningitis
Sa pamamagitan ng paggamot sa mga maaagang senyales ng kondisyong ito, maaaring matitiyak ang mabuting paggaling. Gayunpaman, kung ang isang taong may TB meningitis ay gagamutin sa huling yugto ng sakit kung saan may maraming komplikasyong neurological, maaari siyang makaranas ng mga pangmatagalang epekto.
Kabilang sa mga pangpatagalang komplikasyon ang mga sumusunod:
- Hydrocephalus
- Cranial nerve palsies
- Hemiplegia
- Mga pagbabagong kognitibo
Bagama’t ang gamutan ay maaaring iba-iba depende sa reaksyon ng pasyente sa gamot, ang pag-iwas ay palaging mas mainam kaysa sa pangangailangan sa lunas. Dahil lubhang magkaugnay ang TB meningitis at tuberculosis, ang pagpapabakuna ng Bacillus Calmette-Guerin (BCG) ay iminumungkahi, lalo na kung nakatira sa isang bansa may mataas na kaso ng TB.
Key Takeaways
Ang TB meningitis ay isang uri ng bacterial meningitis. Ito ay sanhi ng Mycobacterium tuberculosis, na siyang parehong bakteryang nagdudulot ng pulmonary tuberculosis. Ang mga sintomas ng meningitis ay kadalasang nagsisimula bilang hindi malinaw at hindi tiyak, na maaaring maging dahilan upang mahirap na ma-diagnose ang kondisyong ito sa unang yugto. Ang paggamot nito sa mas huling yugto ay maaaring humantong sa mga pangmatagalang epekto. Mahalaga ang maagang pag-detect at paggamot upang mapigilang lumubha ang kondisyon. Maaaring makaiwas sa sakit na ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna ng BCG vaccine, lalo kung nakatira sa bansang may mataas na kaso ng TB.
Matuto pa tungkol sa Meningitis dito.