Marami sa atin ang naghahanap ng kasagutan kung paano malulunasan ang dengue, dahil isa ito sa mga sakit na pwedeng magdulot ng kamatayan sa isang tao. Sa ngayon ang bilang ng kaso ng dengue mula Enero 1-Hunyo 25, 2022 ay 90% na mas mataas kumpara sa naitalang cases sa parehong panahon noong nakaraang tao, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).
Batay sa datos ng DOH, tinatayang nasa 64,797 na ang naitalang mga kaso ng dengue at ang karamihan ng cases ay galing sa mga sumusunod:
- Central Luzon — 9,426
- Central Visayas — 7,741
- Zamboanga Peninsula — 5684
Dagdag pa rito, nasa 21,115 ang naitalang dengue cases sa period ng Mayo 29-Hunyo 25. Nasa Central Luzon pa rin ang karamihan ng mga pasyente. Sinundan ito ng Central Visayas na mayroong 2,316 na kaso, at National Capital Region na nakapagtala ng 1,997 na dengue cases.
Ayon din sa ulat ng DOH nasa 274 na ang pagkamatay sa dengue ang naitala hanggang Hunyo, at bunga ng mga balitang ito kaya naman mas lalong gustong pagbutihin ng mga tao ang paghahanap ng lunas sa dengue upang maiwasan ang mga pagkamatay. Kaya naman, patuloy na basahin ang artikulong ito para sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa dengue.
Ano Ang Dengue?
Ang dengue ay isang viral infection na mula sa lamok at sa pamamagitan ng pagkagat ng babaeng lamok na Aedes ay naililipat niya sa tao ang mikrobyo na pwedeng maging dahilan ng marami at iba’t ibang komplikasyon sa kalusugan. Kapag hindi rin naagapan ang dengue maaaring maging dahilan ito ng kamatayan ng tao, kaya dapat mong makita at pansinin ang mga sintomas na may kaugnayan sa dengue.
Ano Ang Sintomas Ng Dengue?
Kapag nagkaroon ka ng dengue pwedeng hindi ka magpakita ng anumang sintomas sa simula at lalabas lamang ito kapag malala na ang sakit. Ang unang sintomas ay kadalasan na nagsisimula sa 4 hanggang 7 araw matapos makagat ng lamok.
Narito ang mga sumusunod na paunang sintomas ng dengue na pwedeng maramdaman:
- Pabalik-balik na mataas na lagnat kada 4 o 6 na oras
- Pagkakaroon ng UTI, sipon, at pag-ubo ng plema
Para naman sa malalang sintomas ng severe dengue, narito ang mga sumusunod na dapat mong malaman:
- Pagsusuka
- Sobrang pagsakit ng tiyan
- Pagdurugo ng ilong at gilagid
- Pagsakit ng ulo ng matindi
- Pananakit ng mga palibot ng mata
- Pagkakaroon ng rashes sa balat
Tandaan na dapat kang dalhin agad sa ospital kung pinagsusupetsyahan na may dengue ka para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon at pagkamatay.
Paano Malulunasan Ang Dengue?
Nakakalungkot man isipin at tanggapin, ngunit walang partikular na gamot para sa dengue dahil ang “dengue fever” ay sanhi ng isang virus kaya hindi magiging epektibo ang antibiotics para sa paglaban ng impeksyon.
Sa pagharap sa sakit na ito madalas na pinapahupa ang mga sintomas na dala ng dengue. Kung saan pwede kang painumin ng mga gamot sa lagnat at vitamins para makabawi ng lakas. Asahan mo rin ang pagpapainom ng maraming tubig sa pasyente upang hindi sila ma-dehydrate dahil sa pagsusuka.
Bukod pa rito, ipinapayo ng mga doktor ang pagkakaroon ng pasyente ng sapat na pahinga at angkop na pagkain upang lumakas ang resistensya at malabanan ang sakit na nasa katawan.
Mahalagang Paalala
Laging ipinapalala ng mga doktor na iwasan ang pagbibigay ng nonsteroidal anti-inflammatory medicines tulad ng mefenamic acid, aspirin at ibuprofen dahil maaari nitong pataasin ang bleeding ng pasyente.
Huwag mo ring kakalimutan na dapat aprubado ng doktor ang lahat ng gamot at vitamins na iinumin ng pasyente upang maiwasan ang anumang komplikasyon.
Key Takeaways
Sa oras na makitaan ng mga sintomas na kaugnay sa dengue ang isang tao, ipinapayo na magpakonsulta na agad sa doktor para sa medikal na atensyon, payo at diagnosis. Sa ganitong paraan mas madaling maagapan ang sakit ng isang tao at isa ito sa mahusay na hakbang para maiwasan ang mga pagkamatay dahil sa dengue.
Matuto pa tungkol sa Dengue dito.