Sa kabila ng pagkakaroon ng maraming variant ng COVID-19, hindi nagbago ang isa sa mga bagay na naobserbahan tungkol sa sakit na ito: na karamihan sa mga kaso nito ay mild o banayad lamang. Ang ibig sabihin nito ay hindi na sila kailangang maospital. Makararanas sila ng mga sintomas tulad na lamang ng pananakit ng lalamunan, ubo at sipon, lagnat, pagkawala ng pang-amoy at panlasa, at pagkapagod. Pero ang mga sintomas na ito ay hindi nangangailangan ng agaran na atensyong medikal. Maaari silang hindi magpunta sa ospital at manatili na lamang sa kanilang mga bahay habang nagpapagaling. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na pwedeng balewalain ang sakit. Mas madali ang pagka-quarantine kung handa ka at nasa iyo ang mga bagay na kakailanganin upang maalagaan ang iyong sarili, o kaya ay miyembro ng pamilya.
Ano-ano nga ba ang mga item na dapat ay kasama sa care kit para sa pandemyang ito? Tara, pag-usapan natin paano gumawa ng COVID care kit.
Paano Gumawa Ng COVID Care Kit?
Ang paghahanda ng isang COVID care kit ay makatutulong sa lahat, maging sa mga nagkaroon na ng COVID-19 noon. Ito ay dahil kahit nagkaroon ka na ng nasabing sakit ay maaari ka paring kapitan ng SARS-CoV-2 o ng virus na nagdudulot ng sakit na ito. Kaya mas makabubuti na meron kang nakahanda na care kit kung sakali mang ikaw ay mahawa uli.
Batay sa mga kit na ibinigay ng Office of the Vice President (OVP), Department of Health, at PhilHealth, ang COVID care kit ay para sa mga sumusunod:
Kaligtasan At Paglilinis
Kung kailangan mo o ng isang miyembro ng iyong pamilya na mag-isolate sa bahay, kailangan mong mag-imbak ng mga supply para sa kaligtasan at paglilinis. Kasama sa mga item na ito ang:
- Surgical mask, na kailangan mong isuot sa tuwing aalis ka ng silid (upang pumunta sa nakalaang banyo at paliguan) o makikipag-usap kanino man, kahit na sa maikling panahon lamang
- Sanitizer o alkohol (70%)
- Sabon
- Tissue o paper towel
- Mga disinfecting wipes
- Mga bag na pambasura
Sa pag-aalaga ng isang pasyenteng positibo sa COVID-19, kakailanganin mo ring magtago ng sabong panlaba, disinfectant, at guwantes.
Ginagawa ang paglilinis sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paghuhugas ng damit ng pasyente sa pamamagitan sa mainit na tubig o sa tubig na may disinfectant
- Pag-disinfect ng anumang bagay o surface na nahawakan o di kaya ay naubuhan ng pasyente
Pagsubaybay
Dapat ding kasama sa COVID care kit ang mga monitoring devices:
- Digital thermometer (ang normal na temperatura ng katawan ay mula 35.5°C hanggang 37.7°C.)
- Pulse oximeter (ang normal na saturation ng oxygen ay 95% hanggang 100%)
- Sheet ng pagsubaybay
- Telepono para makipag-ugnayan sa isang doktor sa pamamagitan ng tawag, text, o video conference
Kailangan mong subaybayan ang mga sintomas dalawang beses araw-araw sa halos parehong oras bawat araw. I-log ang temperatura, oxygen saturation, at iba pang sintomas sa monitoring sheet.
Para sa lagnat, maaaring magrekomenda ang doktor ng mga pampababa ng lagnat tulad ng paracetamol.
Kahit na walang pisikal na mga palatandaan ng mababang antas ng oxygen (problema sa paghinga, maasul na labi, pananakit ng dibdib, atbp.), ang oxygen saturation na mas mababa sa 90% ay isang dahilan ng pag-aalala; ang pasyente ay maaaring mangailangan ng oxygen therapy. Sabihin kaagad sa doktor kung magkaroon ng mababang O2 saturation.
Bitamina At Gamot
Upang makatulong na palakasin ang iyong immune system para malabanan ang sakit, ang isang COVID care kit ay dapat ding may kasamang mga bitamina at gamot. Narito ang isang listahan ng kung ano ang ihahanda at ang mga pangkalahatang tuntunin kung paano inumin ang mga ito:
Ang mga bitamina na ito ay tumutulong na palakasin ang immune system. Ang isang dosis sa isang araw ay sapat na dahil ang mga ito ay pmakakuha rin mula sa mga masusustansyang pagkain.
• Paracetamol
Nakatutulong ang paracetamol na mabawasan ang sakit ng katawan at lagnat na dulot ng COVID-19. Ang maximum na dosis nito ay 4 gramo (8 tablet na 500 mg) bawat araw. Tiyaking mayroong 4 na oras na agwat sa pagitan ng bawat pag-inom. Pag nasobrahan, ang paracetamol ay maaaring magdulot ng malubhang epekto.
Bilang karagdagang paalala, ang ibang mga over-the-counter na gamot sa iyong COVID care kit ay maaari ring maglaman ng paracetamol. Kailangang tandaan: HUWAG uminom ng mga gamot na naglalaman ng paracetamol nang sabay-sabay.
• Phenylpropanolamine HCL
Nakatutulong ito pahupain ang baradong ilong. Ang dosis ay depende sa dami ng Phenylpropanolamine HCL sa bawat tableta. Ang isang 25mg na capsule ay karaniwang iniinom isang beses kada 4 na oras (at kung kinakailangan lamang). Apat (4) na tablet bawat araw ang maximum na dosis. Kailangang tandaan: maaaring tumaas ang presyon ng dugo kung iinumin ito kasabay o kasunod ng anumang inumin na naglalaman ng caffeine.
• Carbocisteine at Lagundi
Ang carbocisteine at lagundi ay mga gamot na nakatutulong sa ubong may plema. Karaniwang iniinom alinman sa mga ito kada 8 oras. Mabibili ang mga ito sa lakas na 500 mg per capsule para sa carbocisteine, at 600 mg per capsule naman para sa lagundi.
• Butamirate
Nakatutulong ang gamot na ito sa tuyong ubo o ubong walang plema. Iniinom ito dalawang beses o tatlong beses araw-araw, na may 8 o 12-oras na pagitan sa pagitan ng bawat dosis. Ang karaniwang lakas ng dosis nito ay 50 mg kada tableta.
• Cetirizine
Ito ay isang anti-allergy na gamot na nakatutulong mapawi ang sipon, pagbahing, pangangati at pagtutubig ng mga mata, at pangangati ng ilong at lalamunan. Ang karaniwang dosis ay 10 mg per tablet isang beses sa isang araw, kadalasan sa gabi bago matulog.
• Oral Rehydration Salts
Ang ORS, na ihahalo mo sa tubig, ay makatutulong maiwasan ang dehydration, lalo na kapag ikaw ay nagtatae o may mataas na lagnat. Ang dosis ay kadalasang nakadepende sa tatak ng ORS. Tanungin ang iyong doktor kung kailan at paano mo ito dapat inumin.
• Hexetidine
Ang iyong COVID care kit ay maaari ring may kasamang hexetidine mouthwash, na makatutulong mapawi ang namamagang lalamunan. Karaniwang ang mga pasyente ay nagmumog sa loob ng 30 segundo dalawang beses araw-araw.
Key Takeaways
Mangyaring kumunsulta sa iyong doktor tungkol sa kung anong mga gamot ang dapat inumin at ang tamang dosis ng mga ito para sa iyong kondisyon. Kung lumala ang iyong mga sintomas (makaranas ng pananakit ng dibdib, hirap sa huminga, pagkalito, atbp.), iulat kaagad sa iyong doktor upang matulungan ka nilang makakuha ng in-patient na pangangalaga kung kinakailangan.
Matuto pa tungkol sa Coronavirus dito.