Bagama’t lumuwag na ang COVID-19 restrictions, ang virus ay nananatili at buhay na buhay pa rin. Kahit maraming tao ang nagsasama-sama sa iba’t ibang pagdiriwang, mahalagang gawin ito nang ligtas. Dapat bang sumailalim muna sa COVID-19 tests bago pumunta sa mga pagtitipon? Aling COVID-19 tests ang nagbibigay ng pinakawastong resulta? Paano ginagawa ang COVID saliva test? Alamin ang mga kasagutan sa artikulong ito.
Mga Uri Ng COVID-19 Tests
Ano ang RT-PCR testing? Paano ginagawa ang COVID saliva test? Nagbibigay ba ng mas wastong resulta ang swab test? Ano ang antibody test?
Upang masagot ang mga katanungang ito, mahalagang malaman muna ang pagkakaiba ng mga uri ng COVID-19 tests.
Kung gustong malaman ang kasalukuyang impeksyong nakaaapekto sa isang tao – kahit man lang sa oras ng testing – piliin ang viral test, na kinabibilangan ng RT-PCR (molecular) at rapid antigen testing.
Ang antibody tests ay hindi dapat gamitin upang malaman kung ang isang tao ay may COVID-19. Ito ay dahil ang antibodies ay nananatili sa dugo kahit matagal ng wala ang impeksyon. Sa katunayan, ang pagkakaroon ng antibodies ay nangangahulugan ang isang tao ay may proteksyon laban sa virus.
RT-PCR Vs Rapid Antigen Tests
Ngayong mas alam na natin kung ano ang antibody tests, alamin naman natin ang viral tests na sa Pilipinas ay nahahati sa RT-PCR at rapid antigen testing.
Ang ibig sabihin ng RT-PCR ay Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction. Ito ay gumagamit ng mga kagamitan sa laboratoryo upang hanapin ang genetic material ng SARS-CoV-2. Kailangang maghintay ng hindi bababa sa 24 oras bago malaman ang resulta.
Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng rapid antigen tests ay nakikita ang mga tiyak na protinang nakadikit sa virus. Hindi tulad ng RT-PCR testing, ginagamit lamang sa antigen tests ang isang maliit na kit. Malalaman agad ang resulta nito matapos ang ilang minuto. Kaya tinatawag itong “rapid antigen test.”
Tandaan na ang RT-PCR testing ay nagbibigay ng mas wastong resulta. Ito ay dahil sa pagiging mas tiyak nito sa paghahanap ng viral genetic material. Upang maging tama ang resulta ng rapid tests, kailangan itong tumugon sa mga tiyak na pamantayan, tulad ng oras ng testing. Ang pag-test nang masyadong maaga o masyadong huli ay maaaring magbigay ng false negative na resulta.
COVID Saliva Test Vs Nasopharyngeal Swab Test
Paano ginagawa ang COVID saliva test? Kadalasan, kapag sinabing “swab test”, inaakala nating ito ay RT-PCR swab testing. Ngunit hindi iyon ang kaso. Ang parehong saliva at swab samples (mula sa lalamunan at ilong – nasopharyngeal o NP) ay maaaring suriin sa pamamagitan ng RT-PCR machines o rapid antigen kits.
Kaya, may NP swab RT-PCR test at saliva RT-PCR test (tulad ng isa sa mga ginagawa ng Philippine Red Cross). Mayroon ding rapid antigen swab test at rapid antigen saliva test.
Sa usapin ng wastong resulta, ang RT-PCR NP swab at COVID saliva test ay nagbibbigay ng mas wastong resulta kaysa sa NP swab o saliva antigen tests.
Nananatili pa ring ang Nasopharyngeal RT-PCR testing ang pangunahing pamantayan sa pag-detect ng SARS-CoV-2 Omicron variant. Gayunpaman, ang salivary RT-PCR ay maaaring isagawa bilang alternatibong paraan ng screening kung may anomang contraindication sa pagsasagawa ng NP sampling.
Kailan Dapat Sumailalim Sa COVID-19 Test?
Kailan dapat sumailalim sa COVID-19 saliva test? At kailan kailangang gawin ang RT-PCR testing?
Nakadepende ang sagot sa dahilan ng pagsasagawa ng test.
Kung kailangang makumpirma kung may COVID-19 para sa diagnosis, kailangang sumailalim sa RT-PCR NP swab test dahil ito ang pangunahing pamantayan ng COVID-19 testing. Halimbawa: hindi mo makukuha ang PhilHealth Benefit Package for COVID-19 maliban kung makumpirma sa RT-PCR NP swab test na ikaw ay may COVID-19.
Ngayon, kung sa iyong palagay ay ikaw ay may COVID-19 at hindi mo kailangan ang mas mahal na RT-PCR testing, maaaring rapid antigen test na lamang ang gawin. Gayunpaman, maaaring hindi wasto ang resulta kung gagawin ito sa hindi tamang oras.
Para naman makapaglakbay, mainam na alamin ang polisyang ipinatutupad sa lugar na gustong puntahan. Ang iba ay nangangailangan ng RT-PCR testing, habang ang iba ay maaaring mas maluwag na mga restriksyon at tumatanggap ng antigen results.
Key Takeaways
May antibody at viral testing para sa COVID-19. Kung gustong malaman ng isang tao kung siya sa kasalukuyan ay may COVID-19, kailangang isagawa ang viral tests, na kinabibilangan ng swab o COVID saliva tests gamit ang antigen kit o PCR machine.
Matuto pa tungkol sa Coronavirus dito.