Sa dami ng tumataas na aktibong kaso ng pasyenteng may COVID, hindi maiwasan ng mga taong mag-alalang mahawa ulit. Posible bang mahawa ulit? Maaari ka bang mahawa ng coronavirus nang dalawang beses? Sa artikulong ito, masinsinan nating pag-uusapan ang kaso ng nahawa ulit ng COVID at ang immunity ng tao.
Nahawa ulit ng COVID, ano ang ibig sabihin nito?
Bago tayo magpatuloy sa ating talakayan, alamin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng nahawa ulit ng COVID.
Ang makakuha ng virus nang dalawang beses, o ang tinatawag ng mga ekspertong “reinfection” ay nangangahulugang gumaling ka na at naging negatiBO na sa virus. Ngunit matapos noon, paglipas ng ilang panahon, nagpositibo ka ulit.
At hindi ito dahil may naiwan pang virus sa iyong katawan, kundi dahil nahawa ka ulit ng COVID sa pangalawang pagkakataon.
Ibig sabihin, magkaiba ang nauna mong impeksiyon ng virus kumpara sa pangalawa.
Maaari ba akong mahawa ng coronavirus nang dalawang beses?
Marami pa ring mga tanong ang mga doktor at eksperto sa kalusugan pagdating sa virus na nagdulot ng pandemyang ito. Isa na dito ang tanong na “posible bang mangyari ang mahawa ulit?”
May mga bagong ebidensyang nagsasabing puwede itong mangyari.
Nakita nila ang pinakamalakas na indikasyon nito sa Hong Kong matapos na ang isang 33 taong gulang na lalaki ay nagpositibo sa test sa pangalawang pagkakataon.
Ayon sa mga ulat, nahawa ng virus ang lalaki noong Marso. Dinala siya sa ospital at nakaranas ng mild na sintomas, gumaling, at nakauwi rin matapos mag-negatibo nang dalawang beses.
Noong Agosto 15, dumating ang lalaki sa Hong Kong matapos magpunta sa Europa. Bilang bahagi ng protocol, sumailalim siya sa test para sa coronavirus.
Nang lumabas ang resulta, nagpositibo siya kahit wala siyang mga sintomas. Sinabi ng mga eksperto na nakakuha siya ng isang uri ng viral strain sa lumalaganap ngayon sa Europa maaaring noong Hulyo o Agosto. At iba ito sa kanyang unang impeksiyon.
Sa pamamagitan ng unang naitalang kaso ng nahawa ulit ng COVID sa mundo ayon sa mga mananaliksik, ligtas sabihing posible ang mahawa ng coronavirus nang dalawang beses.
Bakit posible ang mahawa ulit?
Nangyayari ang reinfection o mahawa ulit dahil sa kabila ng paggaling mula sa naunang impeksiyon, hindi nagbabago ang ating katawan nang lubos.
Upang pasimplehin, matapos gumaling sa impeksiyon, mayroon pa rin tayong parehong uri ng mga cells, gaya ng respiratory cells na maaaring kapitan ng virus. Hindi dahil gumaling na ang pasyente, makaiiwas na ang recovered cells na maimpeksiyon ulit.
Hindi ba nakakukuha ng immunity ang mga taong gumaling na sa coronavirus?
Sa kabila ng posibilidad na muling mahawa ng virus, sinasabi ng mga pag-aaral na ang mga pasyenteng gumaling na sa COVID-19 ay nakakukuha kahit papaano ng immunity laban sa virus na ito.
Dulot ang immunity na ito ng development ng antibodies at memory cells.
- Ang antibodies ay espesyal na mga uri ng protina na ginagamit ng ating immune system upang i-neutralize o sirain ang pathogens, tulad ng COVID-19 virus.
- Sa kabilang banda, ang memory cell ay isang immune cell na na-expose sa isang tiyak na uri ng pathogen. Matapos ang exposure, gagayahin ng memory cell ang sarili at mananatili sa sistema ng ating katawan upang maghanap ng parehong virus.
Kapag nahawa ulit ng COVID, matatandaan ng memory cells ang pathogen. Hihikayat ito ng mas mabilis na produksiyon ng antibodies laban sa impeksiyon.
Dahil sa mahusay na sistemang ito, mapipigilan ang impeksiyon bago magkaroon o makaranas ng matinding mga sintomas ang pasyente. Ito ang “immunity” na ating pinag-uusapan.
Gayunpaman, hindi pa rin matukoy ng mga mananaliksik kung gaano kahaba ang itatagal ng immunity na ito. Gaya ng ipinapaliwanag ng mga eksperto, maaaring tumagal ang immunity ng ilang buwan, ilang taon, o habambuhay.
Kung ako ay nahawa ulit ng COVID, anong mangyayari?
Pagdating sa COVID reinfection at immunity, mahalaga munang maunawaan ang mga posibleng kalalabasan:
- Una ang “disease enhancement.” Ang ibig sabihin ng disease enhancement, mas malala ang pangalawang pagkakahawa ng impeksiyon kumpara sa una. Sa kabila ng milyon-milyong positibong kaso sa buong mundo, walang ebidensya ng disease enhancement ng coronavirus infection.
- Isa pang resulta ang parehong level ng impeksiyon. Maaaring ang pangalawa mong impeksiyon ay kasing tindi o mild ng nauna mong pagkakahawa. Ipinapaliwanag ng mga doktor na kadalasan itong nangyayari kapag hindi na kailangan ng pasyente ng antibodies o memory cells sa una nilang pagkakahawa. Sapat na kasi ang iba pa niyang immune responses upang labanan ang virus.
- Improvement ang pangatlo, kung saan magkakaroon ka ng milder symptoms o hindi talaga magkaroon nito. Ito ang “ideal” scenario kung saan ang pasyente ay nagkaroon ng sapat na antibodies at memory cells. Parang ganito ang nangyari sa kaso sa Hong Kong na nabanggit kanina.
Ayon sa mga ulat, sa oras na mahawa ka, hindi mo dapat asahang magkakaroon ka ng panghabambuhay na immunity.
Gayunpaman, kahit may posibilidad na mahawa ka ulit, hinihikayat ng mga eksperto ang publiko na huwag mag-panic.
Kung nahawa ulit ng COVID, makahahawa ba ako?
Maraming mga ebidensiya ang nagsasabing maaari pa ring makapanghawa ang pasyenteng asymptomatic.
Kaya naman, kahit wala kang mga sintomas matapos mahawa, ipinapayong sundin pa rin ang safety protocols at ikonsidera ang sariling nakahahawa.
Dagdag pa, kung gumaling ka na mula sa sakit at nakararanas ulit ng mga sintomas, agad na mag-isolate. Ipaalam ito sa inyong health authorities sa inyong lugar.
Mayroon ba tayong kaso ng mga nahawa ulit ng COVID sa Pilipinas?
Sa ngayon, kailangan pa natin ng dagdag na pag-aaral upang makita kung may kaso ng nahawa ulit ng COVID dito sa bansa.
Kung natatandaan ninyo, ipinabatid ni Senator Sonny Angara noon na nagpositibo siya sa COVID matapos gumaling dito ilang linggo ang nakararaan.
Sa kabila nito, pinaniniwalaan ng kanyang mga doktor na ang positibo niyang resulta ay hindi dahil nahawa ulit ng COVID. Ngunit dahil sa natira pang bakas ng virus sa kanyang katawan.
Dagdag pa, kahit na nagpositibo ang senador sa pangalawang pagkakataon, hindi na raw siya nakapanghahawa. Negatibo rin sa test ang kanyang misis. Gayunman, sumailalim pa rin sa self-quarantine si Senador Angara upang makatiyak na ligtas ang lahat.
Sumang-ayon ang tagapagsalita ng DOH na si Ma. Rosario Vergeire sa analysis ng doktor. Sinabi niyang hindi ikinokonsidera ng mga eksperto sa kalusugan na magandang sukatan ng paggaling mula sa COVID ang RT-PCR test o swab test.
Ito ay dahil posible pa ring nasa sistema pa ng katawan ng pasyente ang virus matapos nitong gumaling.
Pagdating sa COVID reinfection at immunity, mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip. Alamin ang mga senyales at sintomas at magsaliksik ng paraan kung paano makikipag-ugnayan sa inyong komunidad sakaling may magpositibo sa COVID.
Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.