Kadalasan nagsasagawa ang mga tao ng gamutan sa bahay para sa COVID-19 kapag nagkaroon sila ng mild symptoms ng virus na ito. Pwedeng tumagal ng ilang araw ang mga sintomas at bumuti ang kondisyon sa loob ng halos 1 linggo. Ngunit ang tanong anong mga treatment ang maaaring gawin sa bahay upang mapahupa ang mga sintomas at gumaling mula sa virus?
Bago natin sagutin ang katanungang ito, alamin muna natin ang mga sintomas ng COVID-19.
Sintomas Ng COVID-19
Karamihan sa mga taong nahawaan ng COVID-19 ay nakakaranas ng mild symptoms at gumagaling kahit hindi nadala sa ospital. Dagdag pa rito, pwedeng maging iba rin ang epekto ng COVID-19 sa bawat tao sa iba’t ibang mga paraan, at kadalasan nakabatay ang mga daranasin na sintomas sa’yong kasalukuyang medikal na kondisyon, pangangatawan, at immune system. Kaya naman sa oras na makakita o makaranas ng malubhang sintomas, ipinapayo sa’yo na magpakonsulta sa doktor.
Para magkarooon ka ng gabay kung kailan dadalhin ang isang tao sa oras na magpositibo siya sa virus, narito ang maikling listahan ng mga sintomas para sa COVID-19:
Mga pinakakaraniwang sintomas:
- Pagkapagod
- Pagkawala ng pang-amoy
- Lagnat
- Ubo
- Pagkawala ng panlasa
Hindi gaanong karaniwang mga sintomas:
- Pagsakit ng ulo
- Diarrhea
- Pagsakit ng lalamunan
- Pananakit ng katawan
- Mga pantal o discolouration ng daliri o paa
- Pamumula o pagiging iritado ng mata
Malubhang mga sintomas:
- Pagsakit ng dibdib o chest pain
- Kahirapan o kinakapos sa paghinga
- Loss of speech o mobility at pagkalito
Gamutan Sa Bahay Para Sa COVID-19
Karaniwan ang mga taong nagkaroon ng mild symptoms ng COVID-19 ay mina-manage ang sakit at sintomas sa kanilang tahanan.
Sa average, inaabot ng 5-6 na araw bago magpakita ng sintomas ang taong nahawaan ng virus. Gayunpaman, pwede pa ring tumagal ng hanggang 14 na araw bago magpakita ang mga sintomas ng COVID-19. Kaya naman napakahalaga na alam natin ang mga sintomas at paggamot na pwede nating gawin sa oras na tayo ang mabiktima ng virus na ito.
Narito ang ilang tips na dapat mong malaman tungkol sa gamutan sa bahay para sa COVID-19:
- Kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa vitamin C.
- Uminom ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration.
- Kumuha ng sapat na pahinga.
- Siguraduhin na nakakakuha ng sapat na tulog para sa muling pagpapalakas ng katawan.
- I-isolate muna ang iyong sarili o manatili lang muna sa isang lugar o kwarto para hindi ka makahawa sa mga kasama sa bahay.
- Mag-take ng mga vitamins.
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
- Panatilihing malinis ang pangangatawan.
Kailan Dapat Magpakonsulta Sa Doktor
Lagi mong tandaan na dapat kang kumonsulta agad sa doktor kapag nagkaroon ka ng malubhang sintomas na may kaugnayan sa COVID-19 upang mabigyan ka ng angkop na medikal na atensyon at paggamot.
Key Takeaways
Isa sa mga mabisang paraan upang makaiwas sa COVID-19 ay ang pagbibigay ng proteksyon sa sarili, gaya ng pagpapabakuna ng COVID vaccine, at pagkakaroon ng isang malusog na pamumuhay at diet. Laging tandaan na ang pagbibigay ng proteksyon sa sarili ay nakakatulong upang mapangalagaan din ang mga mahal sa buhay dahil nababawasan ang kanilang risk na magkaroon ng virus.
Dagdag pa rito, kung ikaw man ay magkakaroon ng mild symptoms ng COVID-19 ipinapayo na hindi ka dapat mag-panic agad lalo na kung mayroong kang malusog na pangangatawan at resistensya. Sapagkat karaniwan sa mga ganoong kaso ay maaaring gawin sa bahay ang gamutan, pero dapat mo pa ring isaisip na kung mayroon kang underlying health condition maganda na magkaroon ka ng konsultasyon sa doktor.
At kung malubha naman ang iyong mga naging sintomas dahil sa virus, ipinapayo na magpakonsulta sa eksperto at magpadala sa ospital para sa medikal na payo, diagnosis, at paggamot nang sagayon ay maiwasan ang anumang komplikasyon.
Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.