Ang mga mananaliksik na nagsasagawa ng pag-aaral sa COVID-19 ay naglabas ng kanilang natuklasan. Ito ay ang pagkakaroon ng buhay na samples ng COVID-19 sa dumi ng tao. Ayon sa kanila, may potensyal na kumalat ang virus sa isa pang paraan, tinatawag itong fecal-oral route.
Bakit Nagkakaroon Ng COVID-19 Sa Dumi Ng Tao?
Batay sa ulat mula sa journal ng Emerging Infectious Diseases, ang mga mananaliksik mula sa China ay nakakita ng buhay na samples ng COVID-19 sa dumi ng mga pasyenteng kamakailan lamang ay namatay. Sinimulan nilang kolektahin ang samples ng dumi noong nabubuhay pa ang mga pasyente. Matapos ito ay sinuri nila kung positibo ang mga ito sa COVID-19.
Karamihan sa samples ay nagtataglay lamang ng RNA ng virus o ng genetic components na bumubuo sa COVID-19. Sinubukan nilang ihiwalay ang buhay na SARS-CoV-2 virus mula sa tatlong PCR positive fecal samples. Nagtagumpay sila dahil dalawa sa tatlong samples ng dumi ang kinakitaan ng buhay na SARS-CoV-2 virus.
Ang resulta ay nangangahulugang ang virus ay may potensyal na kumalat sa pamamagitan ng dumi ng tao at ng mga kontaminadong bagay. Kabilang dito ang banyo, lababo, gripo, at iba pa.
Dahil sa kanilang natuklasan, inirerekomenda ng mga mananaliksik ang ibayong paglilinis ng kapaligiran. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang panganib na kumalat ang virus.
COVID-19 Sa Dumi Ng Tao: Paano Kumakalat Ang Virus Sa Fecal-Oral Route?
Fecal-oral route ang tawag sa isa sa mga paraan kung paano nahahawa ang mga tao ng mga virus tulad ng Hepatitis A at Hepatitis E. Nangyayari ito kung ang virus ay nakarating sa dumi ng isang tao, patungo sa bibig ng iba pang tao. Ang taong ito ay maaaring mahawa ng COVID-19.
Karaniwan itong nangyari resulta ng pagiging hindi malinis sa katawan. Kasama rito ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain o maghanda ng pagkain, o pagkatapos gumamit ng banyo. Ang ilang mga virus ay maaari ding kumalat kung ang banyo ay hindi regular na nililinis at dini-disinfect.
Kumakalat din ang mga virus sa pamamagitan ng tinatawag na toilet plume. Nangyayari ito kung ang isang tao ay nagbuhos ng tubig sa inidoro, at ang tubig nito ay nagtataglay ng bahagi ng virus. Sa sitwasyong ito, ang virus ay maaaring maipasa mula sa kanilang dumi sa inidoro. Ang dumi ay maaaring kumalat sa hangin kung nagbuhos ng inidoro.
Kung ang virus ay kumalat sa hangin, ang isang tao ay maaaring mahawa sa pamamagitan ng paglanghap ng kontaminadong hangin o paghawak sa anomang bagay na kontaminado ng virus.
COVID-19 Sa Dumi Ng Tao: Maaari Bang Mahawa Sa Ganitong Paraan?
Ang pagkakaroon ng COVID-19 sa dumi ng tao ay lubhang nakababahalang balita. Kung makukumpirma ng mga mananaliksik ang fecal-oral na transmisyon, ang COVID ay magiging mas nakahahawa lubha pa sa ating naiisip.
Isa sa mga posibleng banta ng fecal-oral na transmisyon ay ang mga pampublikong banyo. Ang mga ito ay ginagamit ng iba’t ibang mga tao. Hindi lahat ng mga ito ay nalilinis at nadi-disinfect nang mabuti. Dagdag pa, ang ibang pampublikong banyo ay hindi napapanatili ang kaayusan. May ibang walang takip ang upuan ng inidoro o kaya ay walang sabon.
Ibig sabihin, kung ang isang taong may COVID-19 ay gumamit ng pampublikong banyo, may posibilidad na mabilis nilang maipapasa ang virus sa iba. Dahil din dito, mas mahirap matukoy kung sino ang nahawa ng virus dahil sinuman ay maaaring gumamit ng pampublikong banyo.
Sa kabila ng panganib, isang mahalagang bagay na dapat isaalang-alang ay ang viral load o dami ng virus na taglay ng isang sample. Kung ang dumi ng isang taong positibo sa virus ay may mataas na viral load, mataas ang posibilidad na mahawa ang ibang tao. Sa kabilang banda, kung mababa ang viral load, ibig sabihin na ang dami ng taglay nitong virus ay hindi sapat upang makahawa.
Hindi pa natutuklasan ng mga mananaliksik kung ang COVID-19 sa dumi ng tao ay may mataas ang viral load. Gayundin, kung ito ay makahahawa sa pamamagitan ng fecal-oral route.
Sa kasalukuyan, hindi pa kinukumpirma ng World Health Organization ang fecal-oral transmission ng COVID-19. Kailangan ng maraming pang mga pag-aaral upang malaman kung ano ang mga posibleng paraan ng transmisyon. Sa kabila nito, mainam pa ring panatilihing malinis ang kapaligiran at iwasan ang paggamit ng pampubliko o pinagsasaluhang banyo sa abot ng makakaya.
Ano Ang Maaaring Gawin Upang Manatiling Ligtas?
Narito ang ilang mga mahahalagang paalala upang manatiling ligtas at malayo sa impeksyon:
- Siguraduhing laging maghugas ng kamay matapos gumamit ng banyo, at bago kumain at maghanda ng pagkain.
- Hangga’t maaari, iwasan ang paghawak sa mukha, lalo na kung hindi pa nakapaghuhugas ng kamay.
- Kung maaari, iwasan ang paggamit ng pampublikong banyo.
- Mainam kung mananatili sa loob ng bahay hangga’t maaari upang maiwasang mahawa.
- Kung kinakailangang lumabas, tiyaking magsuot ng mask at panatilihin ang distansya mula sa iba.
- Mainam din ang pag-iwas sa matataong lugar hangga’t maaari. Ang pagpunta sa mga matataong lugar ay maaaring mapanganib.
- Tiyaking kumain ng mga masusustanysang pagkain upang mapalakas ang immune system.
- Mag-ehersisyo kahit sa loob lamang ng 30 minuto sa isang araw. Mapalalakas din nito ang immune system.
Ang pag-iwas sa impeksyon ay hindi lamang nakapipigil sa pagkakasakit. Napabababa rin nito ang posibilidad na kumalat ang virus sa ibang tao. Kaya’t mainam ang pagiging maingat, at huwag makampante sa COVID-19.
Maghanap ng marami pang bagong balita at impormasyon tungkol sa COVID-19, dito.