backup og meta

Bakit Nakamamatay ang COVID-19? Heto ang Dapat Mong Malaman

Bakit Nakamamatay ang COVID-19? Heto ang Dapat Mong Malaman

Sa unang mga araw ng pandemyang COVID-19, mabilis ang mga eksperto sa pagpapaalam sa publiko na iba-iba ang nagiging epekto ng coronavirus sa mga tao. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon lamang ng hindi malalang sintomas ang ilang pasyente. Habang ang iba ay nangangailangan ng tulong ng mechanical ventilators upang makahinga. Ito ngayon ang lumulutang na tanong: bakit nakakamatay ang COVID?

Ang Unang Pananaw

Sa simula ng pandemya, inakala ng mga Pilipino na ang edad ay isang salik na magsasabi kung malalagpasan ba ng tao ang COVID-19. Kung tutuusin, ito nga ang nangyari – mas nakaranas ng malulubhang sintomas ang matatanda. Samantalang ang mga mas bata ay nagkakaroon ng hindi masyadong malalang mga sintomas, o nangangailangan lang ng maikling pananatili sa ospital.

Kalaunan, nagsimula nang kumalat ang mga balitang ang mas bata at malulusog na tao ay nakakaranas na rin ng mga kritikal na sintomas, habang ligtas naman ang mga taong nasa edad 70 pataas.

Lumalabas na itong mga “bata at malusog” na pasyente ay nagkaroon na ng mga underlying na kondisyon. Gayunman, ang tanong pa rin ay bakit nakakamatay ang COVID? Bakit may nakakaligtas at may nasasawi sa sakit na ito?

Ang Epekto ng mga dati nang may na Kondisyon sa Paglala ng COVID-19

Marami na ngayong pag-aaral sa epekto ng dati nang may kondisyon sa paglala ng mga sintomas ng COVID-19. Sinabi ng Center for Disease Control (CDC) na anuman ang edad, ang mga taong may dati nang may kondisyon ay may mataas na panganib na magkaroon ng malubhang sakit dulot ng novel coronavirus. Ilan sa mga nabanggit na kondisyon ang:

Type 2 Diabetes

Dahil karaniwang kondisyon ang Type 2 diabetes sa mga Pilipino, inilagay namin ito sa itaas ng ating listahan.

Sinuri ng isang review ang 13 kaugnay na mga pag-aaral at napag-alamang 3.7 na beses na mas posibleng magkaroon ng kritikal na kaso ng COVID-19 ang mga pasyenteng diabetic kumpara sa walang kondisyon. Kabilang dito ang diabetes, hypertension, at iba pang karamdaman sa paghinga. Dagdag pa, maraming mga kaso ng pagkamatay kaugnay ng COVID sa mga pasyenteng diabetic.

Obesity

Salik din ba ang timbang ng isang tao upang masabi kung malalagpasan niya ang COVID-19?

Sa isang pag-aaral, sinuri ng mga mananaliksik ang mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 mula sa New York na nasa mas bata sa 60 taong gulang ang edad. Nalaman nilang ang mga obese na pasyente ay dalawang ulit na mas malaki ang tsansang maospital kumpara sa mga taong may normal na Body Mass Index (BMI). Bukod dyan, lumalabas sa resulta ng mga pag-aaral na ang mga obese na pasyente ay 1.8 na mas malaki ang tsansang mangailangan ng matinding pag-aalaga at pagbabantay.

Paalala: Hindi lahat ng mga taong may malalaking pangangatawan ay awtomatikong obese. Sa medisina, kapag sinabing obese, ang BMI niya ay nasa 30 o higit pa.

Mga Kondisyon sa Puso

Ayon sa CDC, mas mataas ang panganib na makaranas ng malubhang impeksiyon dulot ng COVID-19 ang mga taong may seryosong kondisyon sa puso tulad ng coronary artery disease, heart failure, at cardiomyopathy. Gayunpaman, hinihikayat pa rin ng mga doktor ang mga may malulusog na puso na maging maingat. Ito ay dahil maaaring atakihin ng virus ang malusog na puso at maging sanhi ng nakakamatay na mga komplikasyon.

Halimbawa, ang unang kaso ng pagkamatay na may kaugnayan sa COVID-19 sa US ay isang 57 taong gulang na babae na may malusog, normal na puso at may normal na laki at timbang. Ayon pa sa mga ulat, regular siyang nag-eehersisyo upang mapanatiling malusog ang sarili. Gayunpaman, inatake ng virus ang kalamnan (muscle) ng puso, na dahilan upang sumabog ang organ.

Iba pang Kondisyon na Nagpapataas ng Panganib ng Malubhang Impeksyon ng COVID-19

Ang mga sumusunod na kondisyon ay nagpapataas din ng panganib ng malubhang komplikasyon dulot ng COVID-19:

  • Sickle cell disease
  • COPD or Chronic obstructive pulmonary disease
  • Huminang immunity na may kaugnayan sa organ transplant
  • Chronic kidney disease
  • Cancer

Iba Pang Salik na Maaaring Makaapekto sa Pagkakataong Malampasan ang COVID-19

Bakit nakamamatay ang COVID-19? Maaaring dulot ito ng isa sa mga sumusunod na panganib:

  • Paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay maaaring mauwi sa iba’t ibang sakit. Kaya’t hindi na nakagugulat kung magkaroon ito ng kaugnayan sa COVID-19. Isa na nga rito ang pagiging malapit ng mga taong naninigarilyo sa mga respiratory infection dahil sa mahinang panangga sa sakit. Dagdag pa, mayroong pag-aaral na kabilang ang 1,000 pasyente sa China. Lumabas sa pag-aaral na 12.3% ng mga pasyenteng naninigarilyo ay ipinasok sa intensive care unit, gumamit ng ventilator, o namatay dahil sa mga komplikasyon. 
  • Blood type. Nakagugulat man, depende sa blood type kung madali kang kakapitan ng virus. May ilang mga pag-aaral na nagsasabing ang mga taong nasa A-group (A+, A-, AB+, at AB-) ay mas mataas ang panganib na kapitan ng COVID-19 kumpara sa may O-type ang dugo. Gayunpaman, nakuha ng mga mananaliksik ang ganitong resulta sa pamamagitan lamang ng pagkukumpara ng mga blood type ng mga kalahok sa pag-aaral.

Marami pang pananaliksik ang kailangan upang makumpirma na nakakaapekto ang paninigarilyo at blood type sa tsansang malagpasan ng pasyente ang sakit.

bakit nakamamatay ang COVID

Mahalaga ang Pagkakaroon ng Magandang Pangangalaga sa Kalusugan

Bakit may mga taong nalalagpasan ang COVID-19 kahit mayroon silang mga malalang kondisyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pasyenteng ito ay nagkaroon ng access sa mayos na health care.

Para sa mga may hindi malalang sintomas, maaaring sapat na ang pananatili sa bahay. Gayunpaman, para sa mga pasyenteng may malubhang mga sintomas, ang pananatili sa ospital, suporta ng mga gamot, at dagdag na oxygen ay mahalaga.

Key Takeaways

Bakit nakakamatay ang COVID? Bakit may mga taong nalalampasan ito at mayroon namang namamatay o dumaranas ng permanenteng pinsala? Kombinasyon ito ng magandang health care at paglaban ng katawan sa virus.

Bagaman may natututuhan tayo sa sakit na ito araw-araw, kailangan pa rin nating maghintay para sa mas tiyak na kasagutan. Kailangan pa natin ng dagdag na mga pag-aaral upang patunayan ang ilang mga salik na nakakaapekto sa paglala ng sakit. Kung tutuusin, bago pa lang ang pandemyang ito, sa kabila ng pinsala at pagkamatay na naidulot nito sa buong mundo.

Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.    

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Why COVID-19 kills some people and spares others. Here’s what scientists are finding, https://www.livescience.com/why-covid-19-coronavirus-deadly-for-some-people.html, Accessed July 8, 2020

People of Any Age with Underlying Medical Conditions, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/need-extra-precautions/people-with-medical-conditions.html?CDC_AA_refVal=https%3A%2F%2Fwww.cdc.gov%2Fcoronavirus%2F2019-ncov%2Fneed-extra-precautions%2Fgroups-at-higher-risk.html, Accessed July 8, 2020

Why Does the Coronavirus Affect People so Differently?, https://rightasrain.uwmedicine.org/well/health/coronavirus-affects-people-differently, Accessed July 8, 2020

Why Some People Get Sicker Than Others, https://www.theatlantic.com/health/archive/2020/04/coronavirus-immune-response/610228/, Accessed July 8, 2020

Why do some COVID-19 patients infect many others, whereas most don’t spread the virus at all?, https://www.sciencemag.org/news/2020/05/why-do-some-covid-19-patients-infect-many-others-whereas-most-don-t-spread-virus-all, Accessed July 8, 2020

Kasalukuyang Version

08/20/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ika Villanueva Caperonce, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Pfizer Vaccine, Inaprubahan ng FDA

COVID-19 At Myocarditis Sa Mga Bata: Mga Dapat Malaman Ng Mga Magulang


Narebyung medikal ni

Ika Villanueva Caperonce, MD

Infectious Disease · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement