backup og meta

Ano ang Dapat gawin Kapag may COVID ang Buong Pamilya?

Ano ang Dapat gawin Kapag may COVID ang Buong Pamilya?

Kung nakatira ka kasama ng extended family ninyo ngayong may pandemya, normal lang na mag-isip ng “Paano kung may COVID ang buong pamilya?”

Higit na posible ang hawahan ng coronavirus sa loob ng bahay. Lalo na kung madalas lumabas ang mga taong nakatira dito.

Dahil nakapanghahawa ang virus sa pamamagitan ng mga kontaminadong lugar at mula sa secretions gaya ng sipon at laway, posibleng magpositibo sa COVID-19 ang buong pamilya. 

Kung may kasama kang matatanda, bata, at may sakit sa inyong bahay, lalong mahalagang gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan kayo mula sa COVID-19, kahit nasa bahay lang.

Talakayin natin kung ano ang dapat gawin sakaling may COVID ang buong pamilya ninyo.

Paano nagkakaroon ng COVID ang buong pamilya?

Madalas na kumakalat ang coronavirus sa pamamagitan ng direkta o hindi direktang contact sa sipon at laway. 

Kapag nahawahan ng virus mula sa labas ang sinuman sa pamilya, madali itong maipapasa sa iba kung walang physical distancing sa loob ng bahay. Puwede ring mangyari ito kung walang tamang disinfection ang madalas na hawakang mga lugar tulad ng doorknob at mesa.

Kahit na asymptomatic ang miyembro ng pamilya, maaari pa rin siyang makahawa.

Upang matiyak ang kaligtasan ng buong pamilya, mahalagang bantayan ang isa’t isa. Lalo na kung may lumilitaw o nararanasang mga sintomas ng COVID.

Kapag nagkasakit ang isa sa miyembro ng pamilya, pinakamainam na ibukod sila at kumonsulta sa doktor para sa COVID test sa lalong madaling panahon.

Kung nagpositibo sa COVID test, tiyaking makapagpapa-test din ang buong pamilya at mag-isolate sa loob ng 14 araw.

Paano Mag-isolate ng Isang Kapamilya na may COVID-19?

Kadalasang nagsisimula sa isang tao ang pagkalat ng coronavirus sa bahay.

Narito ang ilang tips kung paano tamang i-isolate ang may sakit na kapamilya kung walang sobrang kuwarto sa bahay:

  • Ipagawa sa lahat ang physical distancing sa pamamagitan ng 6 na talampakang distansya sa pagitan ng pasyente at iba pang miyembro.
  • Sabihan ang pasyenteng palaging magsuot ng face mask, lalo na kung nandyan ang ibang kasama sa bahay.
  • Kapag uubo o babahing, takpan ang bibig at ilong. Gawin ito upang maiwasang mapunta sa mga gamit o bagay ang kontaminadong patak o manatili sa hangin.
  • Palagiang maghugas ng mga kamay at linisin ang mga na-expose na gamit o anumang bagay.
  • Isa lamang ang dapat na mag-alaga sa pasyenteng may sakit at may mababang tsansang magka-COVID.
  • Kailangan ding dumistansya ng tagapag-alaga sa iba pang kasama sa bahay. Kailangang dumistansya lalo na sa mga taong mas mataas ang panganib na magkasakit. Dapat ding linisin at i-disinfect ng tagapag-alaga ang mga sapin at unan sa higaan at maging ang mga labahing damit ng pasyente.
  • Iwasang tumanggap muna ng mga bisita.
  • Iwasang magpahiram ng personal na gamit gaya ng damit, mga unan, kumot at sapin, phone at iba pa.
  • Kung kasama mo sa kuwarto ang pasyente, tiyaking maayos ang pasok ng hangin sa silid, 6 na talampakan ang distansya ng mga higaan, at maglagay ng harang sa pagitan ng mga kama.
  • Sabihan ang pasyenteng i-disinfect ang CR tuwing pagkatapos gamitin.
  • Sa pagbibigay ng pagkain, mas mainam kung ang tagapag-alaga lamang ang mag-aabot sa pasyente.
  • Parehong plato, baso, at kutsara at tinidor lamang ang gagamitin ng pasyente hanggang sa matapos sa isolation.
  • Dapat na magsuot ng gloves at mask ang tagapag-alaga kapag naghahanda ng pagkain para sa pasyente.
  • Palaging maghugas ng kamay bago at matapos maghanda ng pagkain.

Ano ang dapat gawin kung may COVID ang buong pamilya?

Paano kung may COVID ang buong pamilya namin? Ito ang isa sa karaniwang tanong ng puno ng pamilya ngayong may pandemya. Ang magkaroon ng kahit isa lamang na may COVID sa pamilya ay nakapag-aalala na. Gaano pa kung may COVID ang buong pamilya?

Ang home quarantine ay para lamang sa mga miyembro ng pamilya na asymptomatic at may mga mild na sintomas. Kailangang dalhin naman sa ospital ang mga nakararanas ng matinding mga sintomas at may iba pang mga sakit.

Narito ang dapat mong gawin kapag naka-home quarantine ang buong pamilya:

  • Manatiling kalmado at tiyakin sa iyong pamilya na quarantine ang pinakamainam na gawin sa panahong ito.
  • Sundin ang sinasabi ng mga health professional at inumin ang mga gamot. Sundin din ang mga pag-iingat.
  • Sunding maigi ang tamang paglilinis ng katawan at kapaligiran upang matanggal ang virus sa loob ng bahay.
  • Makipag-ugnayan sa mga kaanak o kaibigan gamit ang video call upang ipaalam sa kanila ang iyong sitwasyon.
  • Bantayan ang mga sintomas ng ibang kasama sa bahay. Tingnan kung lumalala o umaayos ang kanilang pakiramdam.
  • Tawagan ang inyong local emergency hotline kung naging seryoso o malala ang mga sintomas na nararanasan ng isa sa inyong pamilya.

Key Takeaways

Nakatatakot ang pag-iisip tungkol sa kaligtasan ng inyong pamilya dahil walang pinipili ang virus na ito. 

Ang unang dapat isipin upang maiwasang makapagdala ng virus sa loob ng bahay ay ugaliin ang physical distancing sa matataong lugar at agad mag-disinfect ng sarili pag-uwi ng bahay.

Paano kung may COVID ang buong pamilya namin? Kung naka-isolate ang buong pamilya, dapat matiyak ng puno ng pamilya na lahat ay sumusunod sa protocol at ginagawa ang makakaya upang labanan ang COVID-19 infection.

Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Guidance for Large or Extended Families Living in the Same Household https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/downloads/living-in-close-quarters.pdf?fbclid=-7wsA Accessed September 27, 2020

COVID-19: What to Do if You or a Family Member Test Positive https://healthcare.utah.edu/healthfeed/postings/2020/03/caring-at-home.php Accessed September 27, 2020

Caring for Someone Sick at Home https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/if-you-are-sick/care-for-someone.html Accessed September 27, 2020

QC Quarantine Facilities in Barangays to Help Control COVID-19 https://www.pna.gov.ph/articles/1113230 Accessed September 27, 2020

Home Quarantine https://www.doh.gov.ph/covid-19/infographics/Home-Quarantine Accessed September 27, 2020

Kasalukuyang Version

08/04/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Michael Henry Wanat

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Pfizer Vaccine, Inaprubahan ng FDA

COVID-19 At Myocarditis Sa Mga Bata: Mga Dapat Malaman Ng Mga Magulang


Narebyung medikal ni

Michael Henry Wanat

Respiratory Therapy


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement