Ang tigyawat sa ilong ay maaaring maging abala para sa ating lahat dahil maaari itong maging masakit lalo na kapag natamaan ng kamay ang ating ilong. Pwedeng makapag-iwan ng peklat sa atin ang tigyawat lalo na kung hindi natin mabibigyan ng angkop na atensyon at treatment ito.
Mahalaga na magkaroon tayo ng kaalaman tungkol sa kung paano haharapin ang mga problemang dulot ng tigyawat. Kaugnay nito, basahin mo ang artikulong ito para sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa acne sa ilong.
Tigyawat Sa Ilong: Bakit Ito Nangyayari?
Sa pangkalahatan nagsisimula ang acne kapag naging barado ang ating pores dahil sa langis o sebum, at dead cell skins. Lumilitaw ito sa ating balat bilang mga pulang bukol at nagtataglay ito ng nana sa loob kung minsan.
Mayroon tayong iba’t ibang uri ng acne na mas malalim at mas masakit tulad ng pustules, nodules, at cysts — at para sa mga ganitong uri ng tigyawat pinakamahusay na kumunsulta sa iyong doktor para maiwasan ang pinsala sa balat.
Huwag mo ring kakalimutan na mayroon tayong iba’t ibang factors na nagpapataas ng posibilidad sa pagkakaroon natin ng acne. Kaugnay nito, pwedeng maging dahilan ang hormonal changes sa katawan, mga pagkain na ating kinokonsumo, at ilang gamot na iniinom sa pagkakaroon ng tigyawat. Mayroon ding mga pagkakataon na dahil sa pangangati at pagkakaroon ng bakterya sa balat ay dumadami ang ang ating acne.
Mga Bagay Na Dapat Iwasan Para Bawasan Ang Tigyawat Sa Ilong
Ang mga tigyawat ay maaaring mangyari sa loob at labas ng ating ilong. Narito ang ilang tips na pwede mong gawin upang iwasan at mabawasan ang mga tigyawat:
- Iwasan ang pagputok ng mga pimples dahil maaaring humantong ito sa pamamaga, peklat, at impeksyon.
- Subukang huwag hawakan ang iyong ilong o mukha o madapuan ng anumang bagay na hindi malinis dahil isa ito sa mga pinagmumulan ng bakterya.
- Huwag ka suminga ng sobra kung hindi naman ito kailangan dahil mas nagiging madali para sa bakterya ang paglipat nito sa’yong ilong.
- Bawasan ang nose-picking at paghila ng mga buhok sa ilong dahil maaari itong magdulot ng mga sugat sa loob sa ilong at nagiging dahilan ito upang mas madaling kumalat ang acne.
Ang pagkakaroon ng mga tigyawat sa ilong sa nasal vestibule (pasukan o ang mga butas ng ilong) ay nagaganap dahil sa bacterial infection. Maaari itong humantong sa iba pang mga kondisyon tulad ng nasal vestibulitis, furunculosis, o pagkakaroon ng mga pigsa at cellulitis.
Ano Ang Magagawa Mo Para Sa Tigyawat Sa Ilong?
Marami tayong mga paraan at hakbang na pwedeng gawin para harapin ang ating mga problema sa tigyawat, at kung sakali na hindi na gumagana para sa’yo ang mga home remedy, pinakamahusay na kumunsulta sa mga propesyonal upang makapagbigay sila ng payo para gamutin ang iyong acne depende sa’yong kondisyon.
Narito ang ilang tips sa kung ano ang pwede mong gawin para sa’yong tigyawat sa ilong:
- Hugasan ang balat kung saan makikita ang lugar ng problema nang hindi hihigit sa dalawang beses sa isang araw. Maganda kung lilinisin ang apektadong balat na may kasamang gentle cleanser upang maaalis ang moisture at mga bagay na nakakairita sa iyong balat o mukha.
- Subukang gumamit ng mga produktong may salicylic acid, retinoid, at benzoyl peroxide dahil nakakatulong ito para mabawasan ang bakterya sa’yong ilong. Subalit ang sobrang paggamit nito ay maaaring magdulot ng pagkasunog ng balat at stinging sensation. Gamitin ang mga produkto na ito na may pag-iingat at sundin ang instructions na makikita sa kanilang pakete.
- Bilang pamalit sa mga topical product ang ilan ay gumagamit ng tea tree oil at mga herbal mask upang gumawa ng spot treatment sa mga pimples. Nakakatulong ito sa pagpapatuyo ng mga pimples nang mas mabilis.
- Hanapin ang pinakamahusay na cleansing routine para sa iyong balat. Ang ilan sa mga produkto na maaari mong magamit sa iyong routine ay kinabibilangan ng moisturizer at mild cleanser. Nakakatulong ito para sa’yo na alisin ang mga dumi sa balat at gawing malusog ito.
- Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga pinaka-basic na tip na kayang-kaya mo gawin para makaiwas at maharap ang iyong acne problem. Sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay nakakaiwas ka sa anumang bakterya, tigyawat at iba pang health conditions.
Subukang gawin ang mga simpleng remedyo na ito sa loob ng 3 hanggang 4 na linggo at tingnan kung ang iyong mga pimples sa ilong ay lumiliit o gumaling. Kung hindi ito gumana, kumunsulta sa isang propesyonal para sa angkop na paggamot.
Lagi ring tandaan na ang mga pimples sa loob ng ilong ay dapat bigyan ng angkop na pagtingin at paggamot dahil sensitibo ang nasal cavity at maaaring makaapekto ito sa iba pang bahagi ng katawan. Maganda kung magpapakonsulta ka muna sa iyong doktor bago gumawa ng anuman remedyo para dito.
Ang paggamot at treatment na ibibigay sa’yo ng doktor ay nakadepende sa kalubhaan ng iyong acne. Maaari silang magreseta ng mga antibiotic, retinoid, isotretinoin, at birth control pill. Bukod pa rito, mayroon ding mga therapy na pwedeng irekomenda sa’yo, tulad ng chemical peel, extraction at drainage, injection at light therapy na sinamahan ng topical o oral medication na makakatulong sa’yong pagpapagaling.
Mahalagang paalala:
Sa mga severe na kaso, ang pagputok ng mga pimples sa ilong ay maaaring nakamamatay — dahil ang ilong ay bahagi ng danger triangle ng mukha. Kung saan kapag naimpeksyon ka dahil sa tigyawat at hindi ito ginamot, maaaring humantong ito sa pagkakaroon ng brain infection at mauwi sa kamatayan.
Key Takeaways
Lahat ng tao ay posibleng magkaroon ng tigyawat sa ilong at hindi ito dapat isawalang-bahala lamang. Dahil ang ilong natin ang isa sa pinakasensitibong bahagi ng ating katawan. Maraming factor kung bakit nagkakaroon ng tigyawat ang isang tao at dapat na maging maingat tayo sa pagharap ng ating acne problems. Maganda kung magkakaroon tayo ng konsultasyon sa ating doktor para sa angkop na diagnosis at paggamot. Ugaliin din natin na maging malinis sa katawan para maiwasan ang anumang dumi o bakterya na pwedeng pagmulan ng tigyawat.
Matuto nang higit pa tungkol sa Kondisyon ng Ilong dito.