Sinisikap ng mga mambabatas sa Pilipinas na maipasa ang batas kaugnay sa Medical Marijuana Philippines o medical cannabis sa Kongreso. Ang hakbang na ito ay sinimulan pa noong 2014 at muling ipinakilala sa 18th Congress. Sa ngayon, wala pa ring opisyal na balita sa tagumpay ng pagsasabatas sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Ang isa sa pangunahing hadlang sa pagsasabatas nito ay ang kontrobersyal na anti-drug policy sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte. Kung saan, kilala ang polisiyang ito bilang “war on drugs”. Marami ang bumabatikos dito, partikular na ang mga human rights advocate, dahil sa pagtaas ng bilang ng extra-judicial killings.
Kaugnay nito, mas lalong hindi naging madali ang pagsasabatas ng medical marijuana sa Pilipinas.
Medical Marijuana Philippines: Mga Legal Issue
Sinipi ng mga pahayagan noong 2017, ang sinabi ng spokesman ni Pangulong Duterte na bukas ang pag-apruba para gawing legal ang medical cannabis. Sinasabi, na ito ang naging inspirasyon sa pag-apruba ng ikatlo at huling pagbasa ng House Bill (HB) No. 6517 (Philippine Compassionate Medical Cannabis Act).
“Marijuana – they are cultivated…I’ll give you the excuse to harvest for… they will say it’s medicinal. Everything is medicinal. That would be an excuse. I will not allow it. Not in my time….” pahayag ni Pangulo Duterte.
Subalit, dahil sa naging pagbabago ng tono at pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng kabaliktaran na kampanya sa Negros Occidental. Hinarang ng Senado ang House Bill na ito noong 2019.
Mayroong 2 House Bill ang naka-pending sa Kongreso sa cannabis (HB 6517), muli itong ipinakilala bilang HB 279, at HB 3961 (An Act to Establish the Philippines Cannabis Development Authority…). Sinasabi na parehong nasa house committee on health ang mga ito— para sa pag-apbruba. Ang HB 3961 ay ipinakilala noong 2020 ni Congressman Luis Raymundo Villafuerte. Kung saan, layunin nito ang pag-legalize sa local at export production ng medical marijuana.
Gayunpaman, tumutol ang Dangerous Drugs Board sa panukala na magpasa ng batas na magpapalakas sa mga government’s community rehabilitation program.
Medical Marijuana Philippines: Pahayag ng Food Drug Administration (FDA)
Ang cannabidiol (CBD) ay isang non-addictive at non-psychoactive component ng cannabis o marijuana plant. Sa ngayon, inaprubahan ng FDA ang paggamit ng CBD para sa mga pasyente na may epilepsy tulad ng oral solution (Epidolex) para sa tritment ng seizures na may kaugnayan sa malubhang anyo ng epilepsy.
Medical Marijuana Philippines: Pahayag ng mga kritiko sa mga panukalang batas
Walang additional na bills ang kailangan para sa medical use ng marijuana, ayon sa mga kritiko dahil nasa ilalim na ito ng Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act. Ang Republic Act na ito ay nagsasaad ng compassionate use ng marijuana para sa mga tao na may terminal illness. Nasa ilalim din ng RA 9165 ang marijuana, bilang dangerous drug. Ipinagbabawal at may parusang multa at pagkakulong ang sino mang nagbebenta, gumagamit, nag-aangkat at nagma-manufacture nito. Sa madaling sabi, nanatiling illegal ang marijuana sa Pilipinas.
Marijuana bilang gamot
Bagamat ang marijuana sa Pilipinas ay hindi legal at para lamang ito sa compassionate use sa mga taong may terminal illness, narito ang ilan sa mga sakit na pwedeng maibsan ng marijuana ayon sa iba’t ibang pag-aaral:
Arthritis
Ayon sa pag-aaral mula sa National Library of Medicine, ang 58 patients na gumagamit ng derivatives ng marijuana, ay may mas kaunting atake ng arthritis pain.
Alzheimer Disease
Sa isang research, ang medical marijuana ay ginamit para matulungan ang mga pasyenteng may Alzheimer Disease na tumaba. Kung saan, natuklasan na binabawasan nito ang ilan sa agitated behavior ng pasyente. Lumabas din sa one cell study na naka-publish sa National Library of Medicine na pinababagal ng marijuana ang pag-unlad ng protein deposits sa utak.
Hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam ng sanhi ng Alzheimers Disease. Ngunit, iniisip ng mga scientist na ang protein deposits ang isa sa mga dahilan nito.
Epilepsy
Ang medical marijuana extract sa early trials ng NYU Langone Medical Center ay nagpakita ng 50% reduction ng dalas sa pag-seizures ng mga bata at matatanda.
Asthma o Hika
Ayon sa ilang early works ang paninigarilyo ng marijuana ay pwedeng makapagpalawak ng daanan ng hangin ng tao. Subalit, ang ilang pasyente na may asthma ay nakaranas ng paninikip sa kanilang dibdib at lalamunan.
Kanser
Sinasabi na ang psychoactive ingredient sa marijuana ay nagpapabuti ng impact ng radiation sa cancer cells. Kung saan, tumutulong ang marijuana para maiwasan ang pagduduwal— na madalas maranasan ng mga cancer patient sa chemotherapy. Batay rin sa National Cancer Institute, ang ilang animal studies ay nagpapakita na ang marijuana extracts ay pwedeng pumatay ng cancer cells. Sa iba namang pag-aaral na makikita sa Science Education Publishing, sinasabi na pwede nitong mapahinto ang cancer growth.
Multiple sclerosis
Batay sa isang pag-aaral na nailathala sa Wiley Online Library, ang paggamit ng marijuana ay nakakatulong sa pag-iwas sa muscle spasms, pananakit at tremors. Kaugnay nito, lumabas din sa isang pag-aaral mula sa National Library of Medicine, na pwedeng makatulong ang marijuana sa stiffness. Ang mga resultang ito na mula sa mga pag-aaral— ay mula sa pananaliksik na kinasasangkutan ng mga hayop, lab test— at sa maliit na bilang ng mga pasyente.
Nagpakita rin ng downside sa kalusugan sa pag-iisip ang paggamit ng marijuana. Dahil pwede itong makapinsala sa memorya, ayon sa small study na kinasangkutan ng 20 pasyente.
Crohn’s disease
Sa isang ginawang pag-aaral, na nakalathala sa National Library of Medicine— ang small pilot study ng 13 pasyente ay inobserbahan sa loob ng 3 buwan. Nakita ng mga researcher na ang paglanghap ng marijuana ay nakatulong sa pagpapaginhawa ng pakiramdam para sa mga indibidwal na may ulcerative colitis at Crohn’s disease. Lumalabas din na nakakatulong ito sa paglimita ng dalas ng diarrhea.
Glaucoma
Kilala ang glaucoma bilang leading causes ng pagkabulag. Ayon sa mga scientist na nagsuri ng paggamit ng marijuana. Sinasabi na nakakatulong ito sa pagpapababa ng eye pressure. Ngunit, pwede rin nito mapababa ang blood pressure, na maaaring makapinsala sa optic nerve. Dahil sa pagbawas o reduction ng blood supply.
Medical Marijuana Philippines: Mga Risk ng Paggamit Nito
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi madali ang pag-legalize ng marijuana sa Pilipinas ay dahil sa mga panganib na dala nito sa kalusugan. Narito ang mga sumusunod na risk sa paggamit ng marijuana:
- Maaaring makaranas ng hallucinogenic effects
- Depressant-like effects na pakiramdam
- Stimulating effects na sobra para sa isang tao
- Pagkakaroon ng bloodshot eyes
- Panunuyo ng bibig
- Labis na pagtaas ng appetite
Medical Marijuana Philippines: Mga Ilang Benepisyo
Ang mga sumusunod na benepisyo na mababanggit sa ibaba ay ang mga karaniwang marijuana benefits na tinalakay sa mga scientific research. Narito ang mga sumusunod:
- Pain management
- Pagbawas ng pamamaga o inflammation
- Nakakatulong sa neurological at mental disorders
- Sleep management