Ipinapayo na noong unang panahon pa ang paggamit ng halamang gamot o herbal para tumagal sa kama.
Sinasabing nagpapalakas ng sex drive at performance ang mga halaman. Kabilang na rito ang ilan pang uri ng pagkain na karaniwang tinatawag ding aphrodisiac.
Nananatili pa ring kilala ang aphrodisiac sa kasalukuyang panahon. Ang mga produktong tulad ng viagra ay nabibili pa rin sa mga pamilihan. Maraming tao, lalo na ang mga kalalakihan, ang naghahanap ng mga natural na paraan para palakasin ang kanilang libido.
Una sa lahat, ano nga ba ang pangunahing dahilan ng pagkawala ng sex drive ng isang tao? At paano posibleng makakatulong ang herbal para tumagal sa kama at mapataas ang libido?
Ano Ang Nagdudulot ng Problema sa Tao sa Pakikipagtalik?
Isa sa karaniwang sanhi ng problema sa pakikipagtalik ang erectile dysfunction, o kawalan ng kakayahan ng isang lalaki na manatiling nakatayo ang ari habang nakikipagtalik. Maaaring epekto ng trauma, problemang sikolohikal, o pagod ang erectile dysfunction.
Sa kasong may kaugnayan sa trauma at problemang sikolohikal, ang paglapit sa doktor o therapist ang pinakamabisang gawin.
Ngunit kung may kakulangan sa stamina sa kama ang isang lalaki, maaaring makatulong ang paggamit ng halaman. Ginagamit na sa matagal na panahon bilang aphrodisiac ang karamihan sa mga halaman.
Maaari ding gamitin ang mga aphrodisiac para palakasin ang sex drive ng isang tao. Kaya nitong gawing mas kasiya-siya ang pakikipagtalik at pagandahin ang sex life ng isang tao.
Dagdag pa rito, nagpakita ng magandang resulta ang mga pag-aaral na isinagawa para sa kakayahan ng mga herbal para tumagal sa kama. Sinasabi lamang nito na may suporta ng agham ang paggamit sa mga halaman bilang aphrodisiac. Ngunit kailangan pa ng masuring pananaliksik upang mas matukoy ang mga panandalian at pangmatagalang epekto nito.
Mahalangang komunsulta muna sa doktor bago subukan ang mga sumusunod na halamang gamot. Makatutulong ito para matiyak na hindi makararanas ng suliranin na makakaapekto nang masama sa kalusugan.
7 Na Mga Halaman Para Sa Pagpapaganda Ng Sexual Performance
Epektib nga ba ang mga herbal para tumagal sa kama?
Maca
Maca (scientific name Lepidium meyenii) ang tawag sa isang uri ng halaman na tumutubo sa Peru. Naniniwala na nakakapagpalakas ng stamina, sex drive, at fertility ang ugat ng halaman na ito.
Unti-unti ito nakikilala dahil sa mga sumusunod na nasabing na kakayahan nito:
- Palakasin ang sex drive
- Gamutin ang impotence
- Palakasin ang stamina
- Makatulong sa problema ng menstrual at hormonal imbalance sa kababaihan
Bagaman nasa ilalim pa rin ng pag-aaral ang mga sumusunod, naglabas ng magandang resulta sa mga test ang Maca. Nagpakita ng mataas na sexual desire ang mga daga sa sumailalim sa mga test na isinagawa. Nangangahulugan na maaaring makatulong ang Maca sa mga mag-asawa na dumaranas ng mababang sex drive.
Karaniwang makikita sa itsurang pill o powder ang Maca.
Ginkgo Biloba
Ang ginkgo biloba ay sinaunang halaman. Maraming taon na ginagamit sa Chinese medicine ang ginkgo biloba para sa mga sumusunod:
- Magpaganda ng daloy ng dugo
- Lunas sa lethargy
- Pampabuti ng pangkabuuang kalusugan
Maaaring gamitin ang buto, bunga, at dahon ng halaman. Ngunit ang dahon nito ang karaniwan na ginagamit para palakasin ang stamina sa kama.
Tongkat Ali
Makikita sa Southeast Asia, partikular na sa Indonesia at Malaysia ang halaman na tongkat ali. Sinasabing ginagamit ito ng mga kalalakihan sa Malaysia upang pagbutihin ang husay sa sex, pagkalalaki, at kalakasan.
Nutmeg
Pinaniniwalaang nakatutulong sa sexual disorder ng mga lalaki ang Myristica fragrans, o mas kilala sa tawag na nutmeg.
Ipinakita ng mga pag-aaral sa mga daga na nakakapagpalakas ng sex drive at mating performance ang paggamit ng nutmeg. Gayunpaman, hindi pa nailalathala ang epekto nito sa mga tao.
Sa kabila nito, itinuturing pa rin ang nutmeg bilang pinaka karaniwan at kilalang aphrodisiac na nakatutulong sa sexual performance.
Safed Musli
Ginagamit ang ugat ng Chlorophytum borivilianum, o mas kilala sa tawag na safed musli, bilang lunas sa mga sumusunod:
- Impotence
- Sterility
- Pagpapaganda ng male potency
Bukod dito, kilala rin ang halaman na ito bilang nagpapasigla at lakas sa immune system.
Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa sa mga daga, nagpataas ng libido, arousal, sexual vigor ang safed musli. Bukod pa rito, tumaas din ang dami ng sperm count ng mga daga sa safed musli. Sa kabila nito, nananatili pa ring kilalang halaman ang safed musli para sa stamina sa kama.
Saffron
Isa pa ang Crocus sativus o saffron sa mga halaman na ginagamit para sa stamina sa kama. Kilala ito bilang isa sa pinakamahal na halaman, kilala rin ang saffron bilang sangkap sa pagluluto. Simula pa noong unang panahon, ginagamit na ang saffron para sa benepisyo nito sa kalusugan. Pinaniniwalaan na nakakapagpalakas ng libido at nakakatulong sa erectile function ng mga kalalakihan ang saffron. Nagbibigay benepisyo rin ito sa libido at sexual arousal ng mga kababaihan.
Tribulus terrestris
Panghuli, isa ring halaman na nakatutulong sa stamina sa kama ang Tribulus terrestris o bindii. Ayon sa mga mananaliksik, hindi lang libido ang pinapataas nito, kundi pati sperm production ng mga kalalakihan.
Kamakailan lang, nakikilala na ang halaman na ito bilang supplement sa mga kalalakihan. Kadalasan ibinebenta ang tribulis bilang pill sa mga tindahan na nagbebenta ng mga pagkaing pangkalusugan at mga supplement.
Mga Paalala
Sa mga katanungan na may kinalaman sa sexual performance at fertility, mas mabuting komunsulta sa doktor. Makapagbibigay sila ng mas angkop na impormasyon tungkol sa paggamit ng halamang gamot at dosage bilang tugon sa partikular na karamdaman. May kakayahan din silang malaman ang iba pang kondisyon sa kalusugan na maaaring sanhi ng nararamdaman.
Mahalagang tandaan na ang mga halaman ay hindi pinaka mabisang sagot para sa mga may partikular na sakit. Maaaring mapanganib ang iba sa mga halaman na ito. Maaari ding makapagbigay ng hindi magandang epekto kapag isinabay sa mga gamot para sa ibang sakit.
Halimbawa, maaaring makaapekto sa dugo ang gingko biloba. Kaya marapat na maging mapanuri at mag-ingat ang mga umiinom nito na may sakit sa dugo. Tiyakin na hindi isinasabay ang pag-inom nito sa mga gamot tulad ng aspirin, clopidogrel o warfin na nakakapagpalabnaw ng dugo.
Key Takeaways
Pagdating sa pag-inom ng herbal supplements, parating magtiwala sa doktor. Bumili lamang ng mga supplement na aprubado ng FDA. Makatutulong ito sa pagtiyak ng kalidad at kaligtasan ng mga produktong binibili.
Kung makaramdam ng hindi pangkaraniwan na side effect o discomfort, agad na ihinto ang pag-inom ng supplement.