backup og meta

Herbal na Tsaa, Anu-ano ang Naitutulong Nito sa Kalusugan?

Herbal na Tsaa, Anu-ano ang Naitutulong Nito sa Kalusugan?

Epektibo ba ang herbal na tsaa? Matagal nang nandyan ang mga tsaa, at para sa magandang dahilan. Mayroon itong malasa at kakaibang mga flavor. Naging kilala rin ito kamakailan lang dahil sa iba’t ibang benepisyong naibibigay sa mga umiinom. Narito ang ilan sa mga dapat mong malaman tungkol sa herbal na tsaa. 

Mga Uri ng Herbal na Tsaa

Mula sa kahulugan, hindi ikinukunsidera ang herbal na tsaa bilang totoong tsaa. Hindi kasi ito galing sa halamang tinatawag na Camellia sinensis, kung saan gawa ang white, green, oolong, at black teas. Mula ito sa pinaghalong iba’t ibang uri ng bulaklak, ugat, bark, prutas, o dahon mula sa non-tea edible plants. 

Imposibleng isulat ang lahat ng uri ng tsaa na mayroon sa buong mundo. Dahil puwede kang gumawa nito mula sa anumang pinaghalong natural na mga sangkap. May kanya-kanyang taglay na benepisyo at masarap na lasa ang bawat klase ng herbal na tsaa. 

Kabilang sa karaniwang halimbawa ng mga herbal na tsaa ang peppermint tea, hibiscus tea, at chamomile tea. Kabilang din sa mga sikat na herbal na tsaang nagugustuhan ng maraming tao sa mundo ang ginger (luya) tea, turmeric tea, at yerba mate.

Pinakakaraniwang paraan ng pag-inom nito ay kapag mainit. Gayunpaman, maraming tao ang gustong inumin ito nang malamig o may yelo. Maraming tao ang gustong isinasama ang herbal na tsaa sa iba pang inumin at upang makadagdag din ng kakaibang lasa.   

Mabisa ba ang Herbal na Tsaa at May Caffeine ba ito?

Kung ayaw mong uminom ng sobrang caffeine, masuwerte ka. Karamihan sa klase ng herbal na tsaa ay walang caffeine. Kaya naman napakagandang inumin nito bago matulog nang hindi ka nag-aalalang magkaroon ng nerbiyos. 

Gayunpaman, mahalagang tandaang ang caffeine sa iyong tsaa ay nakadepende sa kung ano ang mga sangkap na ginamit. Isang halimbawa ang yerba mate dahil likas itong may taglay na caffeine. May mga taong nasisiyahan sa bahagyang pagtaas ng kanilang energy na naidudulot ng ilang herbal na tsaa. May mga tao ring umiinom ng tsaa sa halip na magkape sa umaga. 

Ano ang mga Benepisyo ng Herbal na Tsaa?

Gaya ng nabanggit na natin kanina, gawa ang tsaa sa maraming iba’t ibang sangkap. Kaya’t ang bawat klase nito ay may magkakaibang benepisyo sa umiinom. 

Epektibo ba ang herbal na tsaa sa pagpapalakas ng katawan? Maaari itong makatulong sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pisikal, emosyonal, at mental na benepisyong pangkalusugan. Puwede kang pumili kung anong benepisyo ang nais mong tutukan. 

1. Mayroon itong antioxidants

Unang dapat mong malaman sa karamihan sa mga tsaa ay marami itong taglay na antioxidants. Maganda ito sa mga taong nais na mag-detox. Matutulungan ng antioxidants ang iyong katawang mabawasan ang mga pinsalang dulot ng free radicals. Maaari din itong makabawas sa panganib na makakuha ng mga sakit. 

Maaari ding makatulong ang antioxidants sa pagpapabagal ng proseso ng pagtanda. Bagaman hindi natin mapipigilan ang paglipas ng panahon, kayang mapabagal ng antioxidants na matatagpuan sa tsaa ang proseso ng pagtanda. Nababawasan din nito ang mga senyales sa pamamagitan ng paglaban sa free-radicals dulot ng araw-araw na stressors. 

2. Nakatutulong sa digestion

Dagdag pa, ang pag-inom ng tsaa matapos kumain ay nakatutulong sa digestion, lalo na kung may kasamang spearmint. May anti-nausea effects ang herb na ito. Pinipigilan din nito ang iyong gana sa pagkain at binabawasan ang tsansa ng sobrang pagkain. Upang lubos na matamo ang mga benepisyo sa kalusugan, inumin ito nang mainit. Nakatutulong ang mainit-init na inumin upang mapagana at mapakalma ang digestive tract.  

3. Nakapapawi ng pamamaga

Isa pang benepisyo ng mga tsaa ang taglay nitong anti-inflammatory properties. Nakatutulong ang properties na ito upang mawala ang almoranas, pananakit ng ulo, arthritis, gastrointestinal distress gaya ng inflammatory bowel disease, at marami pang iba. 

4. Pinalalakas nito ang immune system

Ang tsaa ay hindi lamang puno ng antioxidants, siksik din ito sa mga bitamina. Nakatutulong ang mga bitaminang ito upang mapalakas ang immune system upang maiwasan ang mga impeksyon at sakit. Ilan sa magandang piliing tsaa na nakapagpapalakas ng immune system ang licorice, root, ginger, at elderberry. 

5. Nakatutulong upang mapababa ang timbang

Maaaring makatulong din sa iyo ang tsaa upang mabawasan ka ng timbang. Nakatutulong ang mga sangkap na gaya ng lemongrass at fennel upang mapalakas ang iyong metabolismo at makatunaw ng maraming taba.

6. Nakapagpapakalma

Epektibo ba ang mga herbal na tsaa? Madalas na nakakakalma at nakababawas ng stress ang pag-inom nito gaya ng lavender. Nakatutulong din ang chamomile, lemon balm, at passionflower upang magamot ang insomnia.

herbal na tsaa

Paraan ng Paghahanda ng Herbal na Tsaa

Napakadaling maghanda ng tsaa. Magpakulo ng malinis at sinalang tubig at ibuhos ito sa tsaa. (Paalala: maaaring hindi lumabas ang lasa at mga benepisyo ng sangkap ng tsaa kung hindi gagamit ng pinakuluang tubig). Nakadepende sa klase ng tsaa na iyong ginamit kung gaano karaming tubig ang kailangan. 

Nagkakaiba-iba ang tagal ng pagbababad ng tsaa depende sa klase nito. Ngunit kadalasan, mas maganda kung ibababad ito sa loob ng 5-7 minuto. Pagkatapos nito, puwede mo nang tanggalin ang tsaa sa tubig at inumin na ito. 

May Side Effects ba ang Pag-inom ng Herbal na Tsaa?

Bagaman maraming benepisyo ang pag-inom nito, mahalagang tandaang anumang sobra ay bawal. Ang tamang pagkonsumo ng tsaa ay healthy at beneficial para sa karamihan. Gayunpaman, kailangan mong limitahan ang sarili sa pag-inom nito nang 3-4 tasa lamang sa isang araw.

Isa sa posibleng side effect nito ay puwede kang maging iron deficient. Mayaman sa tannins ang tsaa. Kapag nasobrahan ka sa tsaa, nababawasan ang dami ng iron na tinatanggap ng iyong katawan mula sa plant-based sources. Magiging mahirap para sa mga taong sumusunod sa vegetarian at vegan diets na makakuha ng sapat na iron.

Dagdag pa, hindi lahat ng herbal na tsaa ay walang caffeine. May mga tsaa na may taglay na caffeine kaya’t puwedeng tumaas ang level ng iyong stress at anxiety kung iinom ka ng lagpas sa inirerekomenda sa iyo.

Key Takeaways

Maraming tao ang maaaring magtanong, “Epektibo ba ang herbal na tsaa?” Oo ang sagot. Marami itong benepisyo sa kalusugan. Nakatutulong ito sa digestion, pagpapababa ng timbang, at nakababawas ng pamamaga. At ligtas din itong inumin araw-araw. Maaaring gumawa ng herbal na tsaa gamit ang iba’t ibang sangkap dulot ng iba’t ibang kadahilanan. Kaya naman, puwede kang gumawa ng sariling tsaa. Maaari kang sumubok ng iba’t ibang tsaa para sa ilang health concerns. Gayunpaman, hindi dapat ito gamiting pamalit sa medikasyon. Palaging kumonsulta sa iyong doktor. 

Matuto pa tungkol sa Herbals & Alternatives dito

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Camellia sinensis, https://www.itis.gov/servlet/SingleRpt/SingleRpt?search_topic=TSN&search_value=506801#null, Accessed June 30, 2020

Free radicals, antioxidants and functional foods: Impact on human health, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3249911/, Accessed June 30, 2020

Effects of antioxidant supplementation on the aging process, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2685276/, Accessed June 30, 2020

Hemorrhoids, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hemorrhoids/symptoms-causes/syc-20360268, Accessed June 30, 2020

Inflammatory Bowel Disease (IBD), https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/inflammatory-bowel-disease/symptoms-causes/syc-20353315, Accessed June 30, 2020

Kasalukuyang Version

12/20/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Halamang Gamot Sa Rayuma Sa Kamay, Anu-Ano Ito?

Halamang Gamot Sa Vertigo, Anu-Ano Nga Ba Ito? Alamin Dito


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement