Madalas isinasantabi ng mga tao ang nararamdaman na sakit ng ulo. Dahil ito ay isang pangkaraniwang kondisyon, marami ang nagsasabi na lilipas din ito at hindi na nangangailangan ng paggamot. Kung hindi naman mga tipikal na paracetamol at iba pang mga gamot, mayroon bang mga alternatibo para dito? Marahil mga halamang gamot sa sakit ng ulo na maaaring gamitin? Alamin ang mga impormasyon kaugnay nito sa artikulong ito.
Pag-unawa sa Pananakit ng Ulo
Ang pananakit ng ulo ay isang pangkaraniwang kondisyon na madalas na maranasan ng karamihan. Malaki ang pagkakaiba-iba ng mga pananakit ng ulo batay sa lokasyon at tindi ng pananakit, at kung gaano kadalas nangyayari ito.
Mayroong higit sa 150 mga uri ng sakit ng ulo at nahahati ito sa dalawang pangunahing kategorya: pangunahin at pangalawang sakit ng ulo.
Primary headaches
Ang pangunahing pananakit ng ulo ay tumutukoy sa mga hindi sanhi ng isa pang medikal na kondisyon. Kabilang sa kategorya nito ang mga sumusunod:
- Cluster headaches
- Migraine
- New daily persistent headaches (NDPH)
- Tension headaches
Secondary headaches
Ang pangalawang sakit ng ulo ay nauugnay sa isa pang kondisyong medikal, tulad ng mga sumusunod:
- Mga sakit ng mga daluyan ng dugo sa utak
- Head injury
- Mataas na presyon ng dugo (hypertension)
- Impeksyon
- Sobrang paggamit ng gamot
- Baradong ilong
- Trauma
- Tumor
Karamihan sa mga taong may pananakit ng ulo ay maaaring maging mas mabuti sa pamamagitan ng mga lifestyle changes, mga iba’t ibang paraan ng pagpahinga, at kung minsan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot sa sakit ng ulo.
Ang paminsan-minsang pananakit ng ulo ay kadalasang natutugunan nang maayos gamit ang mga over-the-counter pain relievers. Ngunit, nararapat na malaman mo ang wastong paggamit ng mga ito dahil maaaring humantong sa pang-araw-araw na sakit ng ulo kung ikaw ay mapapasobra o mapapadalas. Kung kaya, mayroong opsyon na gumamit ng mga alternatibong gamot sa sakit ng ulo para sayo.
Ano-ano ang mga Halamang Gamot sa Sakit ng Ulo?
Kilala ang mga Pilipino sa paggamit ng mga halamang gamot ano pa man ang kondisyong kanilang nararamdaman. Mapa sugat, ubo, o sipon, maraming benepisyong dulot ang mga alternatibong ito para sa kalusugan. Ngayon ay kilalanin naman atin ano-ano ang mga halamang gamot sa sakit ng ulo na maaaari mong gamitin.
Luya
Kilala ang luya bilang sangkap sa mga putahe dahil sa natatanging lasang ibinibigay nito. Ngunit, maliban dito, mayroon din itong taglay na anti-inflammatory, antiviral, antifungal, at antibacterial properties na ginagawa itong isang mabisang halamang gamot.
Natuklasan sa isang pag-aaral na ang pag-inom ng luya ay maaaaring nakakapagpabawas ng mga sintomas ng migraine, tulad ng sakit, pagkaduwal at pagsusuka na walang anumang negatibong epekto.
Butterbur
Ang butterbur ay isang shrub na tumutubo sa Europa at mga bahagi ng Asya at Hilagang Amerika. Ang pangalan nito ay iniuugnay sa tradisyonal na paggamit ng malalaking dahon upang balutin ang mantikilya sa mainit na panahon.
Nakatutulong ang paggamit nito upang mabawasan ang madalas na pagkakaroon ng migraine sa mga matatanda at bata. Sa katunayan, noong 2012, nairekomenda ito ng American Academy of Neurology ang paggamit nito para maiwasan ang migraines. Subalit, noong 2015, nahinto na ito dahil sa mga seryosong alalahanin tungkol sa posibleng toxicity sa atay.
Feverfew
May ilang mga klinikal na pag-aaral na nakapagtukoy sa feverfew bilang gamot sa sakit ng ulo, lagnat, at maging arthritis. Ang mga compounds na kalakip nito ay tumutulong na mabawasan ang pagkadalas ng sintomas ng migraine. Ngunit, nangangailangan pa rin ng karagdagang pananaliksik tungkol sa bisa nito upang maiwasan ang migraine.
Ito ay kinilala bilang medieval aspirin o “aspirin of the 18th century.”
Para sa ibang uri naman ng sakit ng ulo, maaaring makatulong ang peppermint oil na nagtataglay ng menthol. Kilala ang mga essential oils, tulad nito, dahil sa cooling effect na naibibigay nito sa balat.
Inilathala ng International Journal of Clinical Practice noong 2010 ang pagiging epektibo nito sa paghinto ng pananakit ng migraine at pagpapagaan ng pagduduwal kapag inilapat sa noo at mga templo sa 10% solusyon.
Mahalagang Mensahe
Karaniwan ang pagkakaroon ng sakit sa ulo sa mga tao. Ito ay maaaring buhat ng iba’t ibang dahilan na nagbibigay ng iba’t ibang tindi ng pananakit depende sa klase nito. Bukod sa kilala nating mga pain relievers upang maibsan ang karamdaman, mayroon ding mga halamang gamot sa sakit ng ulo na maaari mong ikonsidera sa mga panahon na ito ay sumasakit.
Alamin ang iba pa tungkol sa Halamang Gamot dito.